Sa dulang ‘Sala sa Pito’, walang iisang mukha ang pag-ibig

FEU Advocate
November 20, 2025 14:22


Ni Sean Clifford M. Malinao

#TAMlakayan: Tila isang malaking coloring book ang buhay, kung saan nakapaloob ang iba’t ibang bersiyon ng pag-ibig na kumakatawan sa sari-saring hugis. Puno ito ng mga pahinang naghihintay na mapunan ng mga kakaibang kulay at tono. Ito ang landas na nais tahakin ng ‘Sala sa Pito,’ dula ni George de Jesus III, na muling itinanghal ng Boxstage Manila sa direksiyon ni Dudz Teraña.

Sa oras na simulan mong buksan ang libro, wala ka nang magagawa kundi danasin ang bawat hugis ng pag-ibig at ng mga indibidwal na ngayon mo lamang nakilala.

Iba’t ibang mga hugis ng pag-ibig

Ang dula ay isang serye na sa bawat pahina’y nagbabago ng hugis. Inilalantad nito ang iba’t ibang tunggalian ng pag-ibig—ang pag-ibig na napapagod, pag-ibig na kinulang sa panahon, pag-ibig na lumalaban sa kahirapan, at pag-ibig na minsa’y pinipilit tayong magpalit ng anyo.


Nagsimula ito sa hugis palasong tagpo ng isang mag-asawa na nasa bingit ng paghihiwalay. Matulis ang mga dilang sabik na marinig ang hinaing at mahapdi ang tarak ng palaso sa puso na unti-unting binigo.

Sinundan ito ng Misis at kaniyang matalik na kaibigang may dating pagtingin sa kaniya. Dito, ikinulong ang mga tauhan sa isang kuwentong hugis kahon. Kahon na naglalaman ng mga salitang ‘sayang,’ ‘siguro,’ at ‘baka.’

Mula rito, dadalhin tayo sa istorya ng kaibigan na nag-aya sa isang Guest Relations Officer (GRO) na magpakasal, bago tayo ihulog sa pag-iibigan ng naturang GRO at ng kaniyang karelasyong masahista, hanggang sa pagtatagpo ng masahista sa isang Matronang matagumpay sa karera ng buhay.

Sa pinakahuli, iuuwi tayo ng dula sa hugis silindrong buhay nang muling magkatagpo ang Matrona at ang dati niyang kasintahan. Isang malalim na hugis bilog na para bang walang katapusan at hindi na maaaring lisanin. 

Malinaw na hindi lamang itinatanghal ng dula ang iba't ibang anyo ng pag-ibig, ngunit ipinakikita rin nito na lahat ng pag-ibig ay may pinanggagalingan at pagnanasang mabuo kahit hindi pa hinog.

Bukod din sa pagsasalaysay ng magkakaugnay na kuwento ng mga karakter, inungkat din dito ang kanilang danas bilang isang tao na nagmamahal. Gayundin, marahas na inilantad ng dula ang mga relasyong humuhubog sa mga tao sa lipunan.

Sa ganitong paraan, lumalampas ang dula sa payak na paglalantad ng pag-ibig; sinusundan nito kung paanong ang tao mismo, sa kaniyang mga kakulangan, ang siyang humuhubog sa isang pag-ibig na hindi kailanman magiging buo.

Hirap makaintindi ang pusong abala

Isa sa pinakamapait na katotohanang ibinubunyag ng dula ay kung paano nagiging bulag ang pag-ibig. Sinisikil ng puso ang isip na nagpupumilit na mag-aklas sa relasyong puno ng sugat. Mariin itong ipinakita sa karakter ng Misis na nakakulong sa kaniyang mapang-abusong asawa.

Isiniwalat sa pag-ikot ng kuwento kung paano siya nanatili sa piling ng kaniyang mapanakit na Mister dahil mas takot siyang maiwan kaysa lisanin ang impiyernong kaakibat ng kanilang relasyon. Nakulong siya sa posibilidad ng pagbabago nito na kailanman ay hindi na darating.

Sa puntong ito, pumapasok ang kuwento ng Matrona na kapareho ng sugat na pasan ng Misis. Subalit ang pinagkaiba ay nagkaroon siya ng lakas at pagkakataong makalaya, kahit pa kapalit nito ang napigtas niyang tiwala sa pag-ibig.

Natuto siyang maging manhid dahil ipinakita sa kaniya ng dating niyang karelasyon na walang puwang sa pag-ibig ang madaling malinlang. Mula roon, bumabaw ang kaniyang pagtingin sa pag-ibig, at nauwi sa pamantayang nakasandig sa salapi at panandaliang romansa matapos siyang ipagkanulo ng pag-ibig na pinag-alayan niya ng lahat, higit pa sa sarili.

Hindi nagkulang ang dula sa pagbabatid ng hirap na makalaya sa ganitong klase ng pag-ibig, at kung paano ito nagiging realidad para sa napakaraming tao. Hirap kumilala ng wakas ang pusong abala sa pagtitiis at paniniwala na kaya nitong baguhin ang isang taong ayaw namang magbago.

Sa Misis, naging dahilan ang pasa upang patuloy na maghanap ng dahilan sa mga pananakit ng Mister; sa Matrona, naging huling katibayan naman ang pasa para tuluyang talikuran ang relasyon at mismong ideya ng pag-ibig.

Nagsilbing paalala ang bawat pasa na ang pag-ibig na dati nilang pinanghawakan ay ngayo’y naging sandata laban sa kanila. Sapagkat hirap umintindi ang puso kung kailan hihinto, lalo na kung abala ito sa paghilom ng mga natamong sugat.

Walang iisang kanta ang pag-ibig

Hindi lamang isang palamuti o comic relief ang motibo sa paggamit ng videoke at mga kantang paulit-ulit inaawit ng Singer sa dula. Nagbibigay ang musika ng espasyo sa bawat karakter upang mailabas ang tunay nilang saloobin. 

Inaawit ng puso ang mga damdaming hindi kayang ipahayag ng bibig. Ito ang boses ng pagsisisi, pag-aalinlangan, at pag-asa na hindi kailanman maibibigkas sa mundo ng katotohanan.

Sa kabila ng ganitong konteksto, naging paraan din ang musika upang ipahayag ng dula na hindi masasaklaw ng iisang liriko o himig ang pag-ibig. 

Ang bawat indibidwal, tulad ng mga karakter sa dula, ay may sari-sariling melodiya ng paghihintay, paglisan, pagkapagod, at muling pagsubok. Ngunit matamis man na romansa o mapait na kundiman, hindi nito kayang hulmahin ang kabuoan ng pag-ibig. Ipinakikita ng dula na ang pag-ibig ay hindi maaaring awitin sa iisang tono.

Ipinipirmi ng Sala sa Pito ang katotohanang binuksan nito sa simula pa lamang. Ito'y isang coloring book na puno ng iba’t ibang anyo, kahulugan, at kagandahan. Ang lahat ng ito ay nagpapakita na ang pag-ibig ay isang matarik ngunit makulay na paglalakbay.

Patuloy ang muling pagtatanghal ng ‘Sala sa Pito’ sa ika-22 at ika-29 ng Nobyembre at ikalima hanggang ikaanim ng Disyembre tuwing 3 p.m. at 7 p.m. sa Far Eastern University Center for the Arts Studio, Ground Floor ng Engineering Building.

(Mga litrato ni Cathlyn Audrey Adaro/FEU Advocate; Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)