Rutang Filipino: Unang Hakbang sa Edukasyong Maka-Pilipino?

FEU Advocate
July 12, 2022 04:56


Nina Arvene John P. Dela Cruz at Norwin D. Trilles

(Ang orihinal na artikulo ay nailathala noong Setyembre 11 sa Tomo XXIV Blg. 2 ng Agosto-Setyembre 2021  Digital Issue)

Mainam pa ang sinusong bugtong, idaan ka man sa masalimuot na kalye ng pagwawari ay batid mo kung ano ang hahanapin at pupuntahan. Hindi tulad ng mga diretsong tanong na nakatalukbong sa banyagang wangis, na bagaman tuwid at madali, minsan ay nakadadapa pa rin at nakaliligaw. 

Sa hinaba-haba ng panahon ay tinangkilik ng Pilipinas ang edukasyong tumatahak sa kalye ng dayuhang wika. Subalit, kaalinsabay ng pag-ingay ng mga nananawagan para sa reporma ay ang tila napipintong pagkiling sa kalsadang pinaghaharian ng mga wikang lokal. 

Sa usaping pagkatuto, alin bang ruta ng wika ang mas angkop at epektibo— wikang makadaigdig na Ingles o mga wikang bernakular na sinuso?

Katayuan ng mga mag-aaral sa usad ng edukasyon sa bansa

Nabalot ng kontrobersiya ang ulat ng World Bank (WB) noong Hulyo 2020 matapos nitong ihayag na ang Pilipinas ay dumaranas na ng krisis sa edukasyon bago pa man nagsimula ang pandemya. Ayon sa ulat, karamihan ng mga mag-aaral na may edad 15 taon ay hindi pa rin nakauunawa ng fractions habang sampung porsyento (10%) lamang ng mga estudyante sa ikalimang baitang ang nakasasabay sa internasyonal na pamantayan ng pagkatuto. 

Bagamat tinanggal na ng WB ang ulat na ito kasunod ng paninita ng sekretarya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na si Leonor Briones, naniniwala ang ilang eksperto na mahalaga pa ring suriin at pagtuunang-pansin ang puno’t dulo ng problema sa pagkatuto ng mga Pilipinong mag-aaral.

Ayon kay Randy David, sosyolohista at mamamahayag mula sa Philippine Daily Inquirer, mababa ang nakukuhang marka ng mga mag-aaral sapagkat hindi nila lubos na nauunawaan ang mga tanong sa pagsusulit. Ang paggamit ng wikang Ingles at Tagalog-based Filipino sa mga diskusyon ang itinuturo niyang pangunahing salarin nito. 

Kung babalikan, ito rin ang argumentong nagsilbing pundasyon ng programang Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE) noong 2013, na layuning gawing mas mabisa ang sistema ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng paggamit ng wikang bernakular bilang panturo sa mga batang mag-aaral, ngunit nananatiling hilaw ang implementasyon lalo na sa gitna ng pandemya.

Ayon kay David, maliban sa pagsubok sa paggawa ng mga modyul sa lokal na lengguwahe, problema rin kung paano maipagpapatuloy ang pagsasanay ng mga guro ng MTB-MLE.

Dagdag pa nito na sa suliraning lubos na makaaapekto sa mag-aaral ay mas mahalagang pagtutuunang-pansin ng DepEd ang paglutas sa mga nasabing suliranin kaysa mainsulto sa ulat ng WB. 

Reyalidad ng pasadang Ingles

Nitong nagdaang 2020, bumababa nang pitong ranggo ang bansa sa isinagawang Standard English Test ng Education First, isang kompanya na naglalayong mabigyan ng edukasyon ang bawat kabataan sa buong mundo.  Ito na ang ikalimang taon ng patuloy na pagbaba ng ranggo sa nasabing pagsusuri mula sa ika-13 na pwesto noong 2016 papuntang ika-27 naman noong 2019.

Isinapubliko naman ng Philippine Institute for Development Studies Consultant na si Karen Brillantes ang kakulangan sa kakayahan ng mga mag-aaral ng senior high school sa Ingles. 

Ayon sa mga guro na kanyang nakapanayam, “ang hirap na nararanasan ng mga mag-aaral sa pagsabay sa mga asignaturang kinakailangang gamitan ng wikang Ingles tulad ng Practical Research 1 at 2”.

Dinagdag din ng kanilang tagapagsaliksik na karamihan sa mga mag-aaral lalo na sa mga nasa non-academic track ay pawang nagsusumite lamang ng mga proyekto at aktibidad para makapasa at hindi para matuto. 

Batay sa mga impormasyon na ibinida, masasabing naririyan pa rin ang kalituhan sa mga Pilipinong mag-aaral pagdating sa paggamit ng wikang Ingles. Hindi aakalain na ang bansang itinuturing ang Ingles bilang pangalawang opisyal na wika ay makararanas ng hirap sa tuwing ito ay ginagamit. 

Humihinang pasada ng wikang pambansa

Kung babaybayin ang nagiging kasanayan ng mga tao ngayon sa ating lipunan, kapansin-pansin na nagiging patok ang paggamit ng wikang Ingles — sa pakikipag-usap at pagtingin din sa pamantayan sa kakayahan ng isang indibidwal, na marahil dala na rin sa ideyang ito ay wikang pandaigdig.

Sa  Pilipinas, maraming Pilipino pa rin ang nagkakaroon ng bangayan at tunggalian patungkol sa kung ano nga ba ang dapat manahan na wika. Mayroong pumapabor sa wikang Ingles, mayroong hindi, at mayroon din namang mas pinipiling na lamang maging neutral.

Para sa isang propesor mula sa Departamento ng Peryodismo ng Unibersidad ng Pilipinas na si Danilo Araña Arao, mula sa pahayagang pang-online na Pinoy Weekly, ang mga taong neutral at pumapabor sa paggamit ng wikang Ingles ay mga taong “manghang-mangha sa ‘kaunlaran’ ng kanluran habang mababa ang tingin sa lipunang kinagisnan”. 

Ang pag-aaral sa wikang banyaga ay hindi sinasabing masama sapagkat hindi naman ito bago para sa isang bansa na nasa yugto pa lamang ng pagpapaunlad. Karaniwan nga kung maituturing ang pagsunod ng mga bansa tulad ng Pilipinas sa ganitong hakbang lalo na at kailangang sumabay sa agos patungong kaunlaran. Isa pa, buhay na buhay pa rin ang imperyalismo kaya’t hindi masisisi ang mga tao kaugnay sa usapin nito. 

Tulad ng sabi ni Ronnel B. Agoncillo Jr., guro at sertipikadong titser-brodkaster mula Caloocan National Science and Technology High School at kasapi ng Alliance of Concerned Teachers, hindi masisisi ang kabataan sapagkat hangga’t umiiral ang imperyalismo sa kulturang kolonyal, naririyan ang posibilidad na tutugon at tutugon lamang ang mga tao dito.

Sa kabila ng pagiging normal nito sa ating lipunan, hindi rin naman malaking pasanin at nakababagabag kung patitibayin muna ang wikang kinagisnan bago yapusin ang malalawak na wika tulad ng Ingles. Mahalaga ang wikang naiintindihan ng lahat sa proseso ng pagkakaunawaan at pakikipagtalastasan. 

“Ang wika ay buhay at ang pagiging buhay nito ay nakasalalay sa paggamit ng mga tao dito. Ito ay dinamiko. Tumutugon ito sa pangangailangan ng tao at sumasalamin sa kulturang umiiral sa isang lugar,” sambit ni Agoncillo. 

Binigyang-diin din nito na sa mga oras na hindi ito ginagamit ng kabataan, ito ay nanghihina at nalalagay sa panganib ng pagkamatay at paglaho. 

Pag-arangkada ng panawagan

Kasabay ng pagsulpot ng mga isyu ukol sa pagkatuto ng kabataang Pilipino ay ang panawagan ng mga indibidwal at grupong nagsusulong sa mas epektibong implementasyon ng repormang pang-edukasyon. Layunin nilang akayin ang mga naliligaw na mag-aaral mula sa ingay ng Ingles patungo sa intelektwalisasyon ng mga lokal na wika. 

Isa si Agoncillo sa mga naniniwalang dapat unti-untiin ang paggamit ng FIlipino bilang wika ng instruksyon sa iba’t ibang asignatura. 

“Sa mga asignaturang tulad ng Agham o Sipnayan, nauunawaan naman natin ang paggamit ng wikang Banyaga dahil karamihan sa mga pinagkukunang impormasyon ukol dito ay nasa parehong wika. Subalit, kasabay ng pag-unawa na ito, kinakailangan ding gumawa ng hakbang ang awtoridad sa larangang ito upang matiyak na ang direksyong tinatahak natin ay patungo sa paggamit ng sariling wika para sa mga nabanggit na larangan sa hinaharap,” pagpapaliwanag ni Agoncillo.

Ginamit ding halimbawa ng titser-brodkaster ang bansang Japan, China at South Korea upang patunayang hindi wikang Ingles ang nag-iisang susi tungo sa epektibong edukasyon. Katunayan, marami aniyang pananaliksik ang nagpapatunay na nakatutulong ang paggamit ng bernakular na wika sa higit na pagkatuto ng mga mag-aaral.

Kung tutuusin ay simple lamang naman ang paliwanag kung bakit maaaring mas epektibo ang Filipino, o anumang bernakular na wika, sa pagkatuto: inaalis nito ang proseso ng pagsasalin kaya’t mas nakapagpo-pokus ang mga mag-aaral sa paghahanap ng sagot kaysa pag-intindi ng tanong.

Pananaw ng mga Pilipino sa rutang binabagtas ng bansa

Lumolobo na nga ang bilang ng mga tao sa bansa na marunong magsalita sa wikang Ingles. Sa kabila nito, tila hindi ito makita-kita sa mga ranggo na nakakamit ng bansa sa mga pagsusuri ng husay sa wikang Ingles. Masasabi ba natin na ang wikang English bilang panturo sa mga paaralan ay epektibo o sadyang mahina lamang ang determinasyon ng mga Pilipino sa pagkatuto?

Naniniwala si Gion Gabriel Maranan, mag-aaral ng Masaguitsit-Banalo National High School sa baitang walo, na mas epektibo kung gagamitin ang wikang Filipino bilang panturo lalo pa at ito ang madalas nitong ginagamit, na makatutulong din upang mas maunawaan nila ang sinasabi ng mga guro.

Subalit, sa kabila ng kanilang katatasan sa pangunahing wika na Filipino, hindi niya sinasang-ayunan ang ideya ng paggamit ng Filipino sa pag-aaral ng Agham. Pangamba pang nangingibabaw kay Maranan ang kalituhan at kahirapan na maidudulot sa oras na palitan ng mas maka-Pilipino ang wika.

Sinang-ayunan naman ng 15-anyos na si Gethy Bianca Mendoza, mag-aaral din ng Masaguitsit-Banalo National High School sa baitang sampu ang ideya ng wikang Filipino bilang panturo. Paliwanag niya, hindi hamak na mas maganda kung ang mga panuto ay maisusulat sa Filipino dahil mas mapadadali ang paggawa ng mga modyul gayung hindi na kailangang klaruhin sa guro ang mga ito. 

Para naman kay Cassandra Luis De Leon, isang senior high school student mula Bulacan State University Laboratory High School, mahalagang idepende pa rin sa mga asignatura ang mainam gamitin na wikang panturo dahil may mga asignatura na mas madaling intindihin sa wikang Ingles o Filipino tulad ng mga asignaturang English sa mababa at mataas na paaralan. 

Pagdating sa mga suhestiyon hinggil sa paggamit ng wikang Filipino bilang panturo sa mga asignatura tulad ng agham at haynayan, sinabi niya na mas maganda kung ang mga mag-aaral na katulad niya ay matututo sa gamit ang sariling wika. 

Ang pangambang paghina ng kakahayan sa wikang Ingles ay hindi dapat isipin gayong ang wikang Filipino ang nagbibigay ng pagkakakilanlan natin. Gayunpaman kung darating ang pagkakataon na may dapat pag-isipan sa dahilan ng humihinang wika, isa ang lumalagong teknolohiya sa bansa sa mga dapat tingnan.

“Sa panahon ngayon, mas pinipili na rin ng iba na gamitin ang wikang Ingles sa pang araw-araw na buhay. Mas malaki rin ang atensyon na ibinibigay sa tamang pag-gamit ng Ingles kung ikukumpara sa wikang Tagalog,” sambit ni De leon. Dagdag pa niya, lutang na lutang sa lipunan ang mga matang mataas ang tingin sa mga taong nakapagsasalita sa wikang Ingles at ito umano ay nakababahala.

Para naman sa kahalagahan ng wikang Filipino para sa kabataan na tulad ni De Leon, binigyang-kahulugan niya para sa buhay mag-aaral ang wikang nawawala bilang tagapagtaguyod ng kultura at kaisipan ng bawat Pilipino hindi lamang sa loob kundi pati sa labas ng bansa.

Maraming oras na ang itinakbo ng mga Pilipino sa mga daang hindi naman gamay. Ang mga daang ito ay bago sa mga mata kaya’t sunsunin man nang masinsinan ay tila hindi marating-rating ang tagumpay na nais paroonan. Kaya naman ngayong nagigising na ang mga apektadong mag-aaral sa implikasyon ng wikang Ingles na nagkukubli bilang tuwid na daan, nararapat lamang na subukang lumiko sa kalye ng mga wikang lokal at ibahin ang rutang binabagtas. 

Panahon na upang buhayin at gamitin ang maka-Pilipinong paraan — pagsaklang sa paggamit ng pambansa at mga lokal na wika upang umangkop sa masang matagal nang naguguluhan. 

(Dibuho nina Mary Vel Custodio at Shiena Sanchez/FEU Advocate)