Your Vote, Your FEUture: TAMang Boto's Role in the University Elections
- May 27, 2022 10:42
FEU Advocate
September 29, 2023 17:38
Ni Hanz Joseph B. Ibabao
Madilim pa lang ang kalangitan, nagkukumahog nang kumilos sina Juan at Juana para sa maghapong pagpapagal. Bagamat pauwi pa lang, magpapahinga lamang sila ng kaunti para sa muling pagbabanat ng buto ng walong oras o mas matagal.
Pinag-iba man sila ng anyo at katauhan — isang ina, ama, kapatid at anak — sila naman ay pinag-iisa ng kanilang mithiin. Ito ang mithiin ng mga manggagawa na makapaghiwalay ng sapat na kita para sa sarili at ang iba ay para sa pamilya.
Pero hanggang mithiin na lang ba ito? Mithiing nakapiit sa kanilang kaisipan at malabong maranasan?
Sa isang lipunang patuloy ang pagtaas ng mga bilihin, ang mga tao ay tila inaalipin ng kanilang trabaho. Dagdag pa sa kasaklapan nito, ang adhikaing sapat na sahod at pahinga ay nagiging kasalanan na.
Sa halip na simpatya, pananamantala mula sa mga kapitalista ang nakukuha ng nagpapagod na masa. Aakalaing tulong para sa kanila ang aprubadong umento, ngunit ang katotohanan ay manipis na pantapal lang ito sa makapal na sugat na kanilang iniinda. Maituturing ito na hindi sapat at pangmatagalan.
Kaugnay nito ay ang pag-apruba ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng National Capital Region (NCR) nitong Hunyo 26, 2023 sa 40 piso na umento sa sahod ng mga manggagawa ng mga pribadong establisyemento sa Metro Manila.
Sa bisa ng Wage Order No. NCR-24, mula sa 570 piso ay naging 610 piso na ang arawang sahod ng mga empleyado mula sa mga non-agriculture sector. Ang sahod naman mula sa mga agriculture sector, service, at retail establishments na hindi tataas sa 15 manggagawa, at manufacturing establishments na may empleyadong hindi tataas sa 10 lakas-tao ay tumaas mula sa dating 533 piso na naging 573 piso.
Buwelta ng tagapagsalita ng Nagkaisa Labor Coalition na si Rene Magtubo, labis na binarat ng wage board ang hiling ng organisasyon na wage recovery na 100 piso para sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Sinubukan ni Magtubo na maghanap ng komersyaladong bigas ngunit bigo ang umento na makabili ng isang kilo.
Sa panayam ng News5 kay Bienvenido Laguesma, kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), pihado siya na may mapapakinggang mga salitang “hindi sapat o kulang.” Ngunit diin niya na mahalagang magkaroon ng balanse sa pagpapatupad ng umento sa sahod.
Dagdag ni Laguesma, kung tutugunan ang pangangailangan ng manggagawa at kanyang pamilya, hindi dapat ito makasisira sa mga namumuhunan.
Samantala, sinasang-ayunan naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang umentong pinatupad. Subalit, ayon sa pangulo ng ECOP na si Sergio Luis Ortis baka hindi ito kayanin ng mga maliliit ng negosyo.
Paliwanag ni Laguesma, nangangamba sila sa posibilidad na magbawas ng empleyado ang mga negosyo sa halip na magdagdag ng tao.
Ngunit base sa news release na inilabas ng DOLE, alinsunod sa NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB para mag-apply ng exemption sa pagtaas ng sahod ang mga retail o service establishment na may hindi hihigit sa sampung manggagawa, at mga negosyong napinsala ng natural na kalamidad.
Hindi naman saklaw ng Barangay Micro Business Enterprises ang minimum na sahod na nakasaad sa Republic Act No. 9178.
Sa sitwasyong ito, tila mas mabigat pa ang timbang ng mga namumuhunan kumpara sa mga taong nagsasakripisyo para sa daloy ng negosyo at kanilang kita. Sila na nga ang kumakamal ng limpak na salapi, ang mga manggagawa pa ang lugi at nagagapi.
Kaya hindi na nakakapagtaka kung marami sa mga manggagawa ang tunay na nauupos. Umaalis ng bansa at sa ibang nasyon nagsisilbi nang lubos.
Mistulang nakikipag karera ang mga manggagawa sa isang kalabang hindi nila nakikita. Tila walang pagkakataong maunahan at animo’y isang malubhang sakit na bumabagabag sa puso at isipan ng mamamayan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 5.3% ang implasyon sa bansa noong Agosto dahil umano sa pagragasa ng presyo ng bigas, gulay, at petrolyo. Ang nasabing porsyento ng implasyon ay mas mataas kumpara sa 4.7% na naitala noong Hulyo.
Paliwanag ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, dahil sa pagbaba ng suplay ng gulay mula sa mga bagyong nagdaan, nakakaranas ang bansa ng pansamantalang pagkabigla sa presyo nito. Dagdag pa niya, kasabay ng walang humpay na pagtaas ng petrolyo ay ang mabilis na pag-angat ng iba’t iba pang pangunahing bilihin.
Batay sa PSA, noong Agosto ay umangat ng husto ang implasyon ng gulay na umabot sa 31.9%, gayundin ang bigas na umabot naman ng 8.7%.
Mas mataas ang mga ito kumpara sa 21.8% implasyon ng gulay at 4.2% ng bigas noong Hulyo.
Alinsabay ng gulay at bigas, tumaas din ang presyo ng petrolyo. Ang krudo ay tumaas ng halos sampung piso, habang ang gasolina naman ay umakyat ang presyo ng halos anim na piso.
Bukod sa petrolyo, umarangkada rin ang presyo ng pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 Single Journey Ticket. Mula sa dating 15-30 piso, ngayon 15-35 piso na ang pamasahe sa LRT.
Samakatuwid, ang umento sa sahod ng mga manggagawa ay nilalamon lang ng implasyon. Bahagyang itinaas, masabi lang na ang mga kinauukulan ay tumugon. Tumugon man sa problemang kanilang kinakaharap mula noon, wala pa ring pagbabago at naghihirap pa rin sila hanggang ngayon.
Patak-patak na nga lang ang kinikita ng mga manggagawa, hindi pa regular ang karamihan sa kanilang hanapbuhay. Gayunpaman, nananatili ang kanilang pagpupursigi at ngiti na inihahandog sa masa. Ngunit sa likod ng mga ngiting ito ay ang kanilang sakripisyo at hinaing na patuloy na binabalewala.
Noong ika-24 ng Marso, naglunsad ng kilos protesta ang ilang manggagawang kontraktwal ng gobyerno sa tapat ng Department of Budget and Management (DBM) upang igiit ang regularisasyon ng 700,000 empleyado ng pamahalaan.
Sa bansa, isa ang End of Contract o ang limang buwang kontratang trabaho sa mga hinagpis ng manggagawang Pilipino.
Ang kontraktwalisasyon na ito ay walang katiyakan sa trabaho. Wala sa intensyon ng sistema ng ito ang pagregularisa sa mga empleyado. Bunga ng ganitong kalagayan, hindi matamo ng isang obrero ang benepisyo, tamang pasahod ng kumpanya, at seguridad sa hanapbuhay.
Bukod pa rito, isa rin ang labor-only contracting na nagpapahirap sa mga manggagawa na siyang pinagbabawal ng batas.
Ayon sa Department Order No. 174, ito ay isang sistema kung saan ang contractor o subcontractor ay naghahagilap, nagsusuplay, o naglalagay ng mga manggagawa para kumilos sa isang trabaho o serbisyo para sa isang kumpanya.
Kung susumahin, dapat itong ipagbawal dahil sa wala itong sapat na kapital o ang kontraktor ay walang sapat na puhunan para sa kagamitan, makinarya, pangangasiwa, at iba pa.
Malinaw mang nakasulat sa batas ay umiiral pa rin ang mga pader sa mga obrero ay matataas. Ano mang pilit nilang akyatin ito, mga sugat lang sa kamay ang kanilang matatamo.
Katulad ng mga parokyano ng mga kumpanya, mahalaga rin ang mga empleyadong nagbibigay-sigla. Sila ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga negosyo ay nagtatagal. Napakahalagang tandaan: kung wala ang kanilang serbisyo, wala rin ang mga kagamitan, pasyalan, at pagkain na nagpapalakas ng ekonomiya at tinatangkilik ng masa.
Isa si Mark Dave Lato, mag-aaral mula sa FEU Institute of Technology, sa nakaranas ng sistemang suntok sa buwan. Dati siyang empleyado ng isa sa mga sangay ng Jollibee Fast Food Restaurant.
Ayon sa kanya, nagtrabaho siya sa Jollibee bilang isang full-time na empleyado sa loob ng tatlong buwan.
“Six to seven hours po kada shift pero yung kinikita ko po ay kulang pa rin,” sabi ni Lato.
Dagdag niya, minsan ay binibigyan sila ng dalawa hanggang tatlong oras na charity work kaya umaabot sa sampung oras ang ginugugol niya sa trabaho.
“Sa naranasan ko sa kumpanyang pinagtrabahuhan ko, sa tingin ko ay hindi na ako papasok ulit. Pagtutuunan ko na lang po ng pansin ang pag-aaral ko,” ika ni Lato.
Paliwanag niya na sa sobrang hirap ng kanilang trabaho, ang tanging hangad lang nila ay ang tamang pagpapasahod.
“Sana po ay mataasan ang minimum wage. Karamihan po sa mga nagtatrabaho sa fast food ay mga working student na nagtutustos sa kanilang pag-aaral,” ani Lato.
Dagdag pa niya, bukod sa mga estudyante, may mga empleyado ring bumubuhay na ng pamilya.
Isang hangarin na ang sakripisyo nina Juan at Juana sa iba’t ibang katauhan ay matumbasan ng sapat na gantimpala at pahinga. Nawa’y ang kanilang pagbangon mula sa puyat ay hindi mabalewala.
Napakahalagang maunawaan na ang mga katulad nilang naghihikahos ay hindi mga makinang kikilos kapag pinihit ang likod. Hindi sila mga alipin na sa trabaho ay ikinakandado, binibihag, at pinag-iiwanan ng panahon.
Sa lipunang binubuo ng libu-libong obrero, nararapat na maintindihan na sila'y may damdamin din na umaasa sa sistemang hindi lumbay at sakal ang tugon. Kagaya ng mga kinikilalang Panginoon, dapat din nilang makamit ang trabahong maginhawa na may kaakibat na pag-ahon.