Pasko ng pagkilala: Pang-unawa para sa mga nagtitiis na manggagawa 

FEU Advocate
December 26, 2024 16:04


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Food delivery riders at mga crew sa kainan—ilan sa mga manggagawang abala sa pagbibigay-serbisyo tuwing Kapaskuhan. Habang ang karamihan ay masaya at abala sa idinaraos na pagdiriwang, sila naman ay nagsasakripisyo upang matustusan ang pangangailangan ng mga pinaglalaanan, dagdagan pa ng kawalan ng respeto at pagkilala ng iilan. Kaya naman sa buwan ng pagbibigayan, mainam lang na makamit nila ang nararapat na paggalang mula sa mga mamamayan. 

Realidad sa likod ng kasiyahan 

Hindi biro ang araw-araw na tinatahak ng mga food delivery rider at empleado sa mga kainan—nariyan ang pangamba sa malupit na kalsada at dagsa ng mga taong naghihintay ng serbisyong dugo at pawis ang puhunan. 

May mga pagkakataon na iniuugnay sila sa salitang lang — “tagabitbit lang ng pagkain,” o “mga nagsisilbi lang naman sa kainan.” Subalit, ang presensiya nila ay higit pa sa “lang” sapagkat mga tao rin sila—may dugo, umiiral, may damdamin, at hindi mga makina lang.  

Itinuturing na panahon ng kasiyahan ang Kapaskuhan, ngunit sa iba, pagkakataon pa rin ito upang maghanapbuhay at magbigay-serbisyo sa mga mamamayan. Kaya sa kabila ng matinding trapiko at hindi mabilang na mga taong dumadagsa sa kainan, patuloy ang trabaho ng mga manggagawang Pilipino. 

Sa panayam ng FEU Advocate kay Cecilia Pague na pitong taon nang nagtatrabaho bilang food delivery rider, higit na nakapapagod ang mga kaganapan tuwing sasapit ang Pasko dahil sa sandamakmak na orders mula sa mga tao. 

Peak season namin ‘to ngayon, eh. Sobrang madaming orders, nakakapagod talaga. Tapos pagdating mo sa stores… maraming tao, marami silang [mga kainan] ginagawa, so matagal ‘yung… waiting time namin sa mga vendors kasi nga ang daming tao,” pagsasalaysay ni Pague.

Ipinaliwanag din niya na dahil sasapit ang Kapaskuhan, tumitindi rin ang trapiko na nagiging dahilan ng pagkaantala ng ilang orders na dapat ihahatid nila. 

Hindi rin naiiba ang kasalukuyang nararanasan ng isang mag-aaral at fast food service crew na si Dessiree Aquino. Paglalahad niya, kapag sasapit na ang Kapaskuhan, maraming mga tao ang pumupunta upang kumain sa lugar nila at marami rin silang natatanggap na online order

“‘Pag papasok na talaga ‘yung ‘ber’ months… sobrang daming tao, hindi lang talaga siya sa umaga hanggang gabi. Pero mostly ang tao talaga namin [ay] sa gabi, drive-thru man ‘yun, take-out or dine-in order,” turan niya. 

Dagdag ni Aquino, dumarami rin talaga ang bumibili sa kanila ngayong buwan dahil sa kaliwa’t kanang mga Christmas Party, Year-end Party, at iba pang mga pagdiriwang tuwing Disyembre. 

Ayon sa kaniya, talagang dagdag din sa dumaragsang mga tao ang mga nakatatanggap ng 13th month pay at mga magkakaibigan at pamilyang kumakain matapos ang Simbang Gabi.

Batay naman sa karanasan ni Cyrel Jan Chavez na limang taon nang service crew, bukod sa dami ng tao, dagdag din sa hirap na kaniyang nararanasan bilang isang manggagawa sa fast food ang kakulangan sa tauhan.

“May isang beses kasi na… kulang kami sa tauhan… ‘yung galaw ko naging [pang] dalawa, minsan tatlo, kasi kailangan namin mapabilis ‘yung mga gawa… nang maayos… para maiwasan din ‘yung reklamo,” salaysay ni Chavez. 

Makikita sa mga sitwasyong ito na tuwing sasapit ang Pasko, hindi puro kasiyahan ang nadarama ng bawat isa. Marami rin ang nagtitiis, pagod na pagod na, at nagsusumikap para sa sarili at pamilya. 

Kawalan ng respeto at paggalang 

Sa bawat hakbang ng mga paa, pagbibigay ng disenteng ngiti, pagtitiis sa kalsada, at maingat na paghahanda sa mga pagkaing pupuno sa mga sikmurang naghihintay, marami pa rin ang pinipiling talikuran ang respeto at paggalang dahil sa simpleng pagkakamali. 

Tila inaangkin na ng iba ang kanilang pagkatao at kaluluwa sa pamamagitan ng mga mapapait, mapanakot, at hindi makataong mga pananalita. 

Ibinahagi ni Aquino nang minsa’y takutin siya at ang kaniyang mga katrabaho dahil sa pagkakamaling hindi naman nila intensiyon at sadya. Ipinaliwanag niya na noong panahong nangyari ang insidente, nakatalaga siya sa drive-thru bilang assembler o tagahanda ng mga pagkain para sa mga kostumer. 

Ayon sa panayam, may isang kostumer na inilagay ni Aquino sa waiting area sa buong pag-aakalang nasabihan ito ng kahera ng oras upang maghintay. Bunga nito, nagreklamo ang kostumer dahil naghintay siya nang halos 20 minuto. 

“Hindi niya direct na sinabi sa akin pero sinabi sa akin no’ng mga manager and crews na sobrang galit na galit daw, umaapoy na daw sa galit, then, gusto ako makausap… Sinabi sa akin na ‘Gusto ko makausap ‘yung crew niyo, gusto ko maipatanggal, kapag kukuha kayo ng [permit] sa Quezon City iho-hold ko,’” salaysay niya. 

Ibinahagi niya ang naramdamang takot hindi para sa kaniyang sarili kung hindi para sa kompanya kung saan siya naghahanapbuhay.

Isinalaysay ni Aquino mga naging karanasan ng kaniyang katrabaho kung saan sinabihan sila ng hindi magagandang salita.

 “Hindi ko experience, experience ng [katrabaho] ko na… sinabihan siya na ‘Ano ba ‘yan hindi ka nakikinig ng order ko, kaya hanggang diyan ka lang, hanggang diyan ka lang sa crew, hindi ka na aangat,’ ‘yun parang ganoon,” ayon sa service crew

Sa panayam naman kay Pague, siya rin mismo ay nakatanggap ng pagmamalabis ng isang dayuhang kostumer.

“Para siyang batang nagta-tantrums kasi. Kasi nga wala akong panukli ano, kung ano-ano sinasabi niya, eh. Hindi ko naiintindihan, so umakyat ulit siya sa yunit niya. Pagbaba niya rin, although P200 lang naman ‘yung in-order niya [pero] puro barya, tigpipiso [ang binayad],” ayon sa food delivery rider.

Ayon naman kay Chavez, minsan na niyang naranasang ambahan ng suntok ng isang kostumer dahil sa isang pagkakamaling hindi naman niya sinasadya.

“Natalsikan ko siya ng sabaw, medyo may edad na kasi siya, nagalit siya, [tapos sabi niya] ‘Hindi ka nagdadahan-dahan…’ Nanghingi na lang ako ng pasensiya… tapos ‘yung tipong aakmain niya akong susuntukin,” pahayag niya.

Batay kay Chavez, dama niya ang pangliliit nang mangyari ang insidente. Idiniin niya na nagtatrabaho lang naman siya nang maayos at hindi rin perpekto para magampanan nang buong-buo ang kaniyang trabaho. 

Makikita rin sa mga pangyayaring ito ang walang habas na pangmamaliit at pananakot ng mga nagmamataas sa lipunan. Sa kahit na anong pagkakamali at anggulo ng sitwasyon, hindi tama na manapak ng pagkatao at manakit ng damdamin ng iba. 

Bunsod nito, nagbahagi ng kanilang opinyon sina Hannah Soriano at Junelyn Cruz, mga mag-aaral na aktibong gumagamit ng food delivery apps at madalas kumakain sa labas.

Ayon kay Soriano, napakahalaga na, hangga’t maaari, maging magalang, maunawain, at pasensiyoso ang mga kostumer sa mga manggagawang tulad nila. 

“Kung papairalin natin ang init ng ulo, lalo na ang paninigaw sa mga crew or delivery riders, hindi ‘to nakakatulong sa sitwasyon at maaari ka pang makasakit sa emosyonal na aspeto,” sambit niya.


Hindi rin naiiba ang posisyon ni Cruz sa nasabing sitwasyon. Para sa kaniya, walang sapat na dahilan para maging mapagmataas ang mga tao sa mga food delivery riders, fast food crews, o kung kanino man. 

“Iwaksi ang nakasanayang bansag at kaisipan na ‘servers’ o ‘waiters’ ang mga fast food crew. Sila ay mga empleado—ang iba pa nga ay mga working student—na katulad mo at katulad ko, ay tinatawid din ang araw nila,” paalala nito.  

Nauunawaan na kung minsan, talagang may pagkukulang o hindi kaya ay pagkakamali ang mga manggagawang tulad nila. Ngunit, kahit kailan ay hindi ito sapat na rason upang tapak-tapakan ng kahit na sino ang kanilang pagkatao. 

Nararapat lang na isaalang-alang natin ang damdamin at sitwasyon ng mga manggagawang tulad nina Pague, Aquino, at Chavez. Mahalagang maintindihan, sila ay mga taong umiiral na mas piniling lumaban nang patas at magbigay-serbisyo nang tapat sa ating lipunan.

Panawagan sa buwan ng pagbibigayan

Hindi maitatanggi ang laki ng ambag ng mga food delivery riders at service crews sa buhay ng bawat tao. Bukod sa nakapagbibigay sila ng serbisyo upang magpatuloy tayo sa mga gawain, ang pagsusumikap nila na ingatan ang mga pagkain na makatutulong na itaas ang ating enerhiya ay hindi mababayaran ng kahit na anong sentimo. 

Kaya naman hiling at panawagan ni Pague na huwag maging mababa ang tingin ng mga tao sa mga delivery riders

“Itrato nang patas ‘yung mga riders… sana itrato nila nang maayos, huwag ganoon na ano, ang baba-baba ng tingin nila na minsan talagang hindi mo malunok ‘yung mga sinasabi ng mga customer,” sambit niya.

Dagdag niya na tao lang din sila na gustong mabuhay at may mga responsibilidad na kinahaharap sa lipunan. 

Panawagan naman nina Aquino at Chavez, sana mabigyan sila ng kaunting pasasalamat, magkaroon ng konsiderasyon, at habaan ng mga kostumer ang kanilang pasensiya sa mga tulad nilang service crew

“Mahalaga sa amin ‘yung simple lang, super simple lang, ‘Thank you,’... ‘yun lang talaga ‘yung… pinakahinihiling namin. Kasi kami sa fast food hindi kami masyadong nakakatanggap ng ano, eh, tip… Bihira talaga, siguro once in a blue moon lang talaga kami makatanggap ng tips, so hindi naman namin hinihiling ‘yun kasi nasanay na rin kami… Kaya kahit ‘yung kaunting ‘Thank you’ lang, gano’n” hiling ni Aquino.

Dagdag pa niya, huwag na sanang dumating pa sa punto na magsasalita pa ng hindi maganda ang mga kostumer laban sa kanila at idadamay pa ang kompanya dahil lang nasa isang mataas na posisyon o katungkulan ang isang nagrereklamo.

Idinagdag din ni Aquino na malaking tulong para sa mga service crew ang ginagawang pag-aayos ng mga kostumer sa kanilang kinainan tulad ng mga nakikita at kumakalat sa social media

Nais naman ipaunawa ni Chavez na ang mga pagkain na binibili ng mga tao sa mga fast food restaurant ay may proseso at hindi ginagamitan ng mahika upang mapabilis ang kanilang trabaho.

Sa mga sitwasyong ito, bayani kung maituturing ang mga katulad nilang sinasalubong ang maaaring panganib ng kalsada at ang pagod na nakukuha sa pagbibigay-serbisyo sa iba. 

Ngunit, mahalagang tumbasan ang kabayanihang ito ng pagmamalasakit at paggalang sa mga tulad nilang nagtitiis upang masuportahan ang sarili at ang kanilang pamilya. 

Mahalagang maunawaan na pinagsama-samang dugo, pawis, at puyat ang kanilang puhunan upang maibigay sa atin ang serbisyong ating kailangan. Kaya ngayong buwan ng pagbibigayan, panahon na upang tunay na ibigay ang respeto at pasensiya na dapat natatanggap nila. Mainam na Pasko man o hindi, may pagdiriwang o wala, patuloy nating ipagkaloob ang totoong pang-unawa. 

Higit pa, mainam na maintindihan na pagkain lamang ang binili sa kanila, hindi ang kanilang buong katauhan. Hindi rin sila mga alipin at mas lalong hindi sila mas mababa sa atin — mga pananaw na dapat nauunawaan ng karamihan sa ating lipunan. 

(Dibuho ni Erika Marie Ramos/FEU Advocate)