FEU honors 28 outstanding alumni in 2023 Green and Gold Awards
- March 03, 2023 11:14
FEU Advocate
September 01, 2024 19:25
Bente Kwatro
Ni Mark Vincent A. Durano, Patnugot ng Balita
Bilang isang komyuter, nakaiinip maghintay ng tren makapasok o makauwi lang sa pinaroroonan. Paano pa kaya kung mahigit dalawang dekada ang kailangang hintayin bago ito dumating? Insulto sa publiko ang walang-katapusang pangako ng mas maayos na transportasyon sa harap ng napakabagal na pagpapatatag ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.
Kung titingnan ang proyekto, pagdudugtungin ang San Jose del Monte (SJDM) ng Bulacan at Lungsod Quezon (QC) gamit ang riles na may 22.6 na kilometrong haba. Subalit, pausog nang pausog ang konstruksiyon, bagkus patagal nang patagal ang mga epekto nito sa daloy ng trapiko.
Nagkakahalagang P77-bilyon ang MRT-7 na may 14 na istasyon. Dadaloy ito mula North Triangle Common Station sa North Avenue patungong Commonwealth Avenue at Regalado Highway sa QC, at Quirino Highway na pangunahing konektor ng dalawang nabanggit na mga siyudad pati ang Lungsod ng Caloocan.
Tila kilos-pagong ang pagtatayo ng MRT-7 sa kabila ng intensyong mapabilis ang transportasyon mula Bulacan patungong Kamaynilaan. Mahahalintulad ito sa araw-araw na kinahaharap ng mga mamamayan sa naging bente-kwatrong oras na rush hour sa ilalim ng mga riles at hanay.
Sa panibagong abiso ng San Miguel Corporation (SMC), maaantala na naman ang konstruksiyon ng unsolicited Public-Private Partnership hanggang 2028 dahil sa pagbabago ng disenyo ng huling istasyon alinsunod sa naunang kahilingan ng lokal na pamahalaan ng SJDM patungkol sa right of way issues.
Inaasahan pa ring magiging operasyonal ang buong binti ng daang-bakal sa QC na may 12 istasyon sa huling sangkapat ng taong 2025. Samantala, unang minatahang matapos ang konstruksiyon ng istasyon ng Tala sa Caloocan sa 2026 at ang istasyon ng SJDM sa 2027.
Hindi na bago ang malalang trapiko sa Pilipinas. Ayon sa 2023 Traffic Index ng transportation data company na TomTom Traffic, inaabot ng halos 25 minuto at 30 segundo upang tahakin ang 10 km kalsada sa Kalakhang Maynila—ang pinakamabagal sa 387 sinuring metro area.
Madaling sabihin na ang MRT-7 ay para naman sa ikabubuti ng lahat kaakibat ng pangako ng Department of Transportation na bababa sa 35 minuto ang oras ng paglalakbay mula SJDM patungong QC na dating dalawang oras o higit pa, ngunit mahirap pa rin itong tuparin, .
Kabalikat nito ang pang-araw-araw na pagsasakripisyo ng isang komyuter—magtiis sa siksikan, hindi makagalaw, o kulob na pampublikong sasakyan.
Bitbit man ng pamahalaan at SMC ang ambisyong pagandahin ang hinaharap ng transportasyon at mamamayang Pilipino, pantay pa ring mahalaga at dapat isaalang-alang ang kapakanan ng kasalukuyang naghihirap sa bigat ng trapiko dulot ng mabagal na pag-usad ng nasabing "pampabilis."
Hindi dapat hinihiling ng gobyerno ang pagsasakripisyo ng taumbayan lalo na't parusa na kung maituturing ang kabagalang dulot ng bawat biyahe hindi lamang sa mga komyuter, ngunit maging sa mga tsuper sa gitna ng samot-saring isyu, tulad ng PUVMP, gas price hike, at nakababahalang lagay ng panahong banta sa kalusugan ng lahat.
Gayunpaman, nakasalalay sa mobilisasiyon ang pag-maximize ng produktibidad ng mga mamamayan.
Sa isang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency noong 2017, nasasayang ang mahigit P3.5-bilyon kada araw o P1.27-trilyon kada taon dahil sa lagay ng trapiko sa bansa. Maaari din daw itong tumaas P1.97 sa isang taon pagpatak ng 2035.
Dagdag pa rito, kung ang mga pasahero ay nahihinto sa kalsada, naaantala rin ang oras na sana ay nailaan nila sa mas makabuluhang bagay.
Dahil sa mga inaasahan at ‘di inaasahang trapiko, nasasayang ang mga sandaling sana makapiling ang pamilya, makagawa ng mga takdang-aralin, o ‘di kaya ay mapahaba ang simpleng pagpapahinga matapos ang nakapapagod na araw.
Paulit-ulit na lang na rason ang binibigay ng SMC upang pagtakpan ang kanilang kapalpakang ipambayad ang kapakanan, kabuhayan, at kalikasan sa bawat araw ng pagkakabinbin upang tapusin ang proyekto.
Mahigit dalawang dekada na nang maaprubahan ito noong 2004. Sa bagal ng pagpapatayo nito, lantad na sa kawalan ng prayoridad sa pumapasada na ang mga pribadong korporasyon ang naghahari sa kalsada tulad ng SMC. Kahit ilang hinaing pa ang bumusina kontra-trapiko, hindi nito mababago ang mababang kalidad ng urban planning, mga kalsada, at sistema ng transportasyon sa Kamaynilaan.
Kongkreto ang nagtatayo ng malayang urbanisadong Kalakhang Maynila. Mapagusali, kalsada, o poste, nararapat ang kongkretong planong magtatayo ng kaunlaran para sa karaniwang mamamayan.
Magwawalong taon nang naaabala ang taumbayan nang sinimulan ng SMC ang konstruksyon ng MRT-7 noong 2016 na una pang inasahang matapos noong 2019.
Kahit pabalik-balik ang takbo ng isang tren, tuwid dapat ang direksyon ng mga Pilipino sa pagkamit ng mas magandang sistema ng transportasyon. Kapakapanan pa rin ng lahat ang maghahatid at magpapasiya ng kaunlaran na minsan nang naantala sa baling mga pangako ng mabilis na daloy ng mobilidad.
(Litrato mula kay Maria Tan/ABS-CBN News)