Alleged hacker leaks FEU student portal account details
- June 17, 2020 04:13
FEU Advocate
August 26, 2024 16:30
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Sa bawat ikot ng kasaysayan, may mga kuwento ng kabayanihang nakakubli sa likod ng kadiliman at kalupitan ng panahon. Gamit ang masining na pagganap at matalim na pagsasalaysay, ipinamalas ng bagong teleserye ang diwa ng katatagan at pag-asa, binibigyang-liwanag ang mga sugat ng nakaraan na bakas hanggang sa kasalukuyan.
Anino ng digmaan at pananakop
Sa paglalakbay sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, nasaksihan ng mga Pilipino ang mapang-aping puwersa ng mga Hapones noong 1942.
Sinasalamin sa bawat lihim na kilusan at digmaang gerilya ang matatag na hangarin ng mga Pilipinong ipaglaban ang kanilang Inang Bayan at pagkakakilanlan. Sa kabila ng matinding pang-aapi at panlalait ng mga dayuhan, naging sandigan ng ating mga bayani ang kanilang tatag at tapang.
Ginugunita ng pinakabagong serye na ‘Pulang Araw’ ng GMA Network ang madilim na kabanata ng ating kasaysayan kaugnay ng pagkasadlak ng bansa sa kamay ng mga panibagong mananakop.
Sa bawat eksena, inilalarawan ng serye ang tapang at walang kapantay na sakripisyo ng mga Pilipino para sa tunay na kalayaan sa harap ng kalupitan ng mga Hapon. Binibigyang-diin din nito ang pagkakaisa ng pamilya at pagkakaibigan sa kabila ng magkakaibang estado sa buhay.
Sa patuloy na pag-usad ng serye, nagsisilbing liwanag at inspirasyon sa bawat henerasyon ang mga kwento ng kabayanihan mula sa nakaraan.
Simbuyo ng Pilipino laban sa kolonyalismo
Sa makabagong panahon, madalas na naghahari ang mga kuwento ng pag-ibig at pakikiapid sa mundo ng mga teleserye at pelikulang Pinoy, habang ang mga temang makasaysayan at makabayan ay karaniwang nanatiling anino sa kasalukuyan.
Sa kabila ng pagiging uso ng ganitong tema sa modernong media, itinampok ng kolaborasyon ng GMA Network at Netflix Philippines ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas sa kanilang pinakabagong serye na Pulang Araw.
Isinasalaysay nito ang mga huling taon ng kolonisasyon ng mga Amerikano hanggang sa pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas mula 1942 hanggang 1945. Layunin nitong muling isiwalat ang hindi matatawarang kabayanihan ng ating mga ninuno at ibalik ang diwa ng kalayaan at pagkakaisa.
Pinangungunahan ito ng mga aktor na sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards na muling bumubuhay sa mga kwento ng pag-asa, sakripisyo, at katapangan na umuukit sa puso ng bawat Pilipino.
Binigyang-buhay ni Barbie Forteza si Adelina Dela Cruz, isang karakter na nagliliyab sa galit laban sa mga Amerikano. Kaya’t sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pumanig siya sa mga Hapones. Mula rito, sinasalamin ng kanyang pagkatao ang desperadong pag-aasam ng pagbabago kahit pa magbunga ito ng sariwang pighati at mabibigat na sakripisyo.
Samantala, ginampanan ni Alden Richards ang nakakatandang kapatid ni Adelina na si Eduardo Dela Cruz, na nagkimkim ng matinding hinanakit sa kanyang Amerikanong ama dahil sa pang-aabuso nito sa kanilang ina, si Filipina "Fina" Dela Cruz, na ginampanan ni Rhian Ramos.
Sa pagpanaw ni Fina, naging sandigan ni Eduardo si Adelina, na kalauna’y sumama sa mga puwersang gerilya ng mga Pilipino. Tumanggi itong pumanig sa alinmang puwersang-kolonisador bilang patunay ng kanyang mariing hangarin na ipaglaban ang kalayaan nang may ganap na katapatan sa sariling bayan.
Habang isinabuhay naman si Sanya Lopez bilang Teresita Borromeo, nakatatandang kapatid ni Adelina sa ama, na nangangarap maging mananayaw ng bodabil upang makatakas sa bangungot ng digmaan. Sina Carmela at Julio Borromeo, na isinadula nina Angelu De Leon at Epy Quizon, ay ang kanyang mga mayamang magulang na nagmamay-ari ng tiyatro ng bodabil bilang pangunahing aliwan at nagbigay ng buhay sa kanyang mga pangarap.
Binidahan din ni David Licauco ang karakter ni Hiroshi Tanaka, anak ng mga imigranteng Hapon, na siyang nagbalik sa Pilipinas matapos mag-aral sa Japan upang muling makipag-ugnayan sa kanyang mga kababata—sina Adelina, Teresita, at Eduardo.
Mula rito, lumitaw ang mahigpit na ugnayan ng magulong nakaraan nina Eduardo at Adelina sa kasalukuyang kwento ng pananakop ng mga Hapones, kung saan nagpadala ng liham si Eduardo kay Adelina ukol sa kanyang mga karanasan laban sa mga sundalo.
Sinasalamin ng bawat karakter sa serye ang masalimuot na hangaring maghilom ang sugat ng giyera, nagdadala ng panibagong liwanag ng pag-asa para sa pagkakasundo at pagkakaisa sa kabila ng malalim na alitan at poot na dulot ng digmaan.
Subalit walang dudang ang karakter na si Eduardo Dela Cruz ang nagsisilbing puso ng naratibo.
Ipinakilala ng serye si Eduardo bilang isang Pilipinong handang magsakripisyo para sa kanyang mga paniniwala. Hinubog ng malalim na pagmamahal sa kaniyang pamilya at bayan, pinili niyang pumasok sa kilusang gerilya.
Pinangangatawanan ng kaniyang tauhan ang pagnanasa para sa tunay na kalayaan, hindi lamang mula sa mga dayuhang mananakop kung hindi pati na rin mula sa mga ideolohiyang sumisira sa dignidad at pagkakakilanlan ng bansa.
Sa kabila ng mga personal na sugat, lalo na ang matinding hinanakit sa kanyang Amerikanong ama dahil sa pang-aabuso nito sa kanilang ina, pinili ni Eduardo na walang panigan sa dalawang mananakop bagkus ay pagsilbihan ang bansa.
Sa desisyong ito, lumilitaw ang katotohanan na ang dalisay na kasarinlan ay hindi nagmumula sa pagsunod sa mga makapangyarihan at mananakop, kung ’di sa matatag na pagtindig para sa sariling bayan.
Sa mga susunod na bahagi, masusubaybayan ang walang kamatayang pagsusumikap ni Eduardo na ipaglaban ang Pilipinas sa kabila ng matinding pasakit at pangungulila dulot ng pagyao ng kanyang mga kasama.
Kabilang dito si Mario, isang kapwa gerilya na nagbuwis ng buhay habang inaalala ang kapakanan ng kanyang mga magulang, at kaniyang tapat na kabigan na si Juan na pumanaw matapos barilin ng mga Amerikano, tulad ng sinapit ng kaniyang ama’t ina.
Sa panahon kung saan patuloy na nahaharap ang bansa sa iba't ibang anyo ng panunupil at hindi pagkakapantay-pantay, nagsisilbing paalala ang karakter ni Eduardo na ang pakikibaka para sa kalayaan ay hindi nagtatapos sa pag-alis ng isang mananakop; ito ay isang patuloy na laban para sa katarungan, dignidad, at pagkakaisa.
Hindi lamang isang simpleng pagtalima sa nakaraan ang teleseryeng ito kung hindi isang malalim na pagninilay kung paano tayo nararapat tumindig laban sa kamalian ng gobyerno, lalo na sa patuloy nitong pang-aabuso sa mga karapatang pantao.
Salamin ng kasaysayan, hamon ng kasalukuyan
Higit sa paggunita sa nakaraan, inaalala rin ng seryeng ito ang mga sakripisyo ng mga bayaning nagbuwis-buhay para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon. Hinihimok tayo sa kasalukuyan na ipagpatuloy ang laban para sa tiyak na hustisya at kasarinlan.
Muling binibigyang-buhay ng serye ang diwa ng sakripisyo at pakikibaka, lalo na sa ikaapat na kabanata. Dito, makikita si Tasyo, ang kaibigan ni Eduardo, na abala sa pagmasid mula sa labas ng kanilang bahay, puno ng pagkabahala.
Natuklasan niyang pinalibutan ng mga konstabularyo ang kanilang tahanan upang arestuhin ang kanyang ama na kabilang sa mga nag-aaklas laban sa gobyerno noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.
Sa pagtatapos ng kabanatang ito, matatanaw ang isang makapangyarihang simbolo ng pagkakaiba ng buhay—isang dambuhalang pader na naghahati sa mga mayayaman at sa mga mahihirap.
Sapagkat habang nag-uumapaw ang kaligayahan ng mga katulad ni Julio na may marangyang buhay, ipinakita naman ang malagim na realidad ng mga tulad ng ama ni Tasyo na kumakalaban sa mga mapang-abusong mananakop upang maiangat ang estado sa buhay. Matapos sumalungat, napabilang ito sa mga Pilipinong walang awang pinaslang ng mga Amerikanong konstabularyo.
Nagdulot ito ng matinding galit kay Eduardo na nagtulak sa kanya upang tahakin ang landas ng rebolusyon.
Ngunit sa paglipas ng mga dekada, tila walang pag-unlad ang ating lipunan sa ganitong kalakaran. Tinutugis at pinatatahimik pa rin ang mga naglalakas-loob na lumaban sa katiwalian at pang-aabuso ng gobyerno.
Sa kabila ng ating mga karanasan at sakripisyo mula sa mga nakaraang digmaan at rebolusyon, nananatiling buhay ang anino ng panunupil at kawalan ng katarungan sa ating bansa.
Ang mga aktibista, mamamahayag, at mga karaniwang Pilipinong matapang na hinaharap ang mga kasalukuyang katiwalian at abusadong sistema ay patuloy na nahaharap sa panganib, pagbabanta, at karahasan tulad ng ipinapakita sa serye.
Hindi madali ang tumindig laban sa isang makapangyarihang sistema, ngunit tulad ng mga bayani noon, kinakailangan natin ng matinding tapang at malasakit.
Nawa’y magsilbing inspirasyon ang ating kasaysayan upang masugid tayong magsikap sa pakikibaka para sa karapatan at dignidad ng bawat isa, sapagkat sinasalamin ng mga patuloy na paglabag sa karapatang pantao ang malupit na katotohanang malayo pa ang pagtatapos ng ating laban.
Mananatiling buhay ang diwa ng kabayanihan hanggang may mga Pilipinong handang lumaban para sa karapatan ng bawat isa. Huwag magpatinag sa harap ng panunupil; tayo ang magsisilbing mga bagong bayani na magpapatuloy ng laban ng mga naunang naghandog ng kanilang buhay.
Natahi man ng kalupitan ng mga banyaga at sariling bansa ang pulang bahagi ng ating watawat, nagsilbing inspirasyon ang Pulang Araw upang mahabi nating buo ang watawat ng kulay bughaw na siyang magpaparating na sa kahit anong pagsubok na pagdaraanan ng mga Pilipino, kapayapaan pa rin ang mamamayagpag.
(Dibuho ni Miles Munich M. Jimenez/FEU Advocate)