
FEU students' film entry takes Jury Silver Award in 3SF Festival
- November 20, 2021 03:55
FEU Advocate
August 16, 2025 11:09
Ni Shayne Elizabeth T. Flores
Hinimok ng mga guro ang Senado na ipagpatuloy ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa pamamagitan ng petisyong pinamunuan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance dahil sa implikasyon nito sa krisis sa edukasyon ng Pilipinas.
Sa isang kolektibong pahayag sa Facebook noong ika-31 ng Hulyo, isinaad ng mga guro na ang pagkaantala ng impeachment proceeding ay sumasalamin sa pagpapabaya ng estado sa mga pangangailangan ng sektor ng edukasyon tulad ng nakabubuhay na sahod at mas malaking badyet, habang nanatili itong maluwag sa pagpapanagot sa mga nagkasalang opisyal.
Isa sa mga pangunahing alegasyon laban kay Duterte ang paglustay niya sa P612.5 milyong kaban ng bayan sa Office of the Vice President at Office of the Secretary of Education. Ayon sa mga nagpetisyon, dapat imbestigahan ng estado ang kaso dahil mailalagay nito sa panganib ang paggamit ng pampublikong pondo na maaaring makatulong sa paglutas ng krisis sa edukasyon.
“Public funds that could have meaningfully addressed the country’s education crisis through the construction of much-needed classrooms, provision of learning materials, and increase in the meager salaries of teachers and education workers should be protected from misuse,” saad ng pahayag.
Noong ikaanim ng Agosto, napagdesisyunan ng Senado na isantabi ang Articles of Impeachment.
Pinaburan ito ng 19 na senador batay umano sa deklarasyon ng Korte Suprema na nilabag nito ang 1987 Constitution, partikular ang one-year bar rule. Apat naman ang bumoto laban sa desisyon at isa ang nag-abstain.
Taliwas ito sa naunang panawagan ng higit 300 guro na lumagda sa petisyon, kabilang si Far Eastern University Department of Language and Literature Faculty Kevin Armingol.
Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni Armingol ang kahalagahan ng malalimang pagtalakay sa impeachment case, sa halip na tahasan itong patayin.
“As part of academe and faculty, mahalaga sa akin na nagkakaroon ng diskusyon, kung anuman ‘yung mga alegasyon, lalo na especially sa mga public officials. Kasi sa halip na patayin agad… ‘yung isang complaint, baka magandang pag-usapan saan nanggagaling itong mga complaint na ‘to,” aniya.
Bilang taxpayers, iginiit din ni Armingol ang karapatan ng taumbayan na malaman kung saan napupunta o paano ginagastos ang pampublikong pondo.
Samakatwid, idinagdag niya na may pananagutan ang mga opisyal na nahaharap sa alegasyon ng korapsiyon na sundin ang karapatang ito ng mga mamamayan, lalo na’t ang taumbayan ang nagluklok sa kanila sa gobyerno.
Ayon sa isang Social Weather Station survey noong Hunyo, naniniwala ang mayorya o 66 na porsiyento ng mga Pilipino na dapat humarap si Sara Duterte sa impeachment court upang pormal na tugunan ang inihain na kaso laban sa kaniya.
“Ang taong may quote and unquote kasalanan sa taumbayan tulad ng pondo ng bayan ay kailangan malitis. At least may due process. Kasi ang mga Duterte, pinagkait nila ‘yung due process sa mga biktima ng [extrajudicial killing] sa panahon nila... Lahat ng mga nagkakasalang public official, kailangang managot,” sambit ng guro.
Para kina Armingol at iba pang guro na lumagda sa petisyon, dapat baguhin ng Korte Suprema ang kanilang naging desisyon at isaalang-alang ang mga inihaing motion for reconsideration ng iba’t ibang grupo.
Noong ikaapat ng Agosto, naghain ang Kamara ng motion for reconsideration sa Korte Suprema kung saan iginiit nito na hindi nilabag ng ikaapat na impeachment case ang one-year bar rule sa Konstitusyon.
“‘Yun nga ‘yung esensiya ng Saligang Batas ng 1987, ‘yung diwa ng EDSA na tinatawag na para magkaroon ng check and balance ay mapanatili natin na mapanagot ‘yung mga nagkasalang indibidwal o opisyal,” dagdag ni Armingol.
Ayon sa guro, ang kabataan o ang mga susunod na henerasyon na umaasa sa libre at dekalidad na edukasyon ang pinakaapektado sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan.
Saad niya pa, isa sa mga sanhi ng politikal na krisis ang kakulangan sa edukasyon ng mga mamamayan na ginagamit ng mga nasa kapangyarihan upang manatili sa gobyerno at maiwasan ang pananagutan.
Binigyang-diin din ni Armingol ang kahalagahan ng pagiging kritikal at pakikisangkot ng sektor ng edukasyon sa usapin ng pananagutan.
“Hindi naman tayo against sa gobyerno in general. Kung may mga dapat i-celebrate, i-congratulate, nandoon tayo. Pero kung may mga mali, dapat i-expose at hindi lang siya i-expose, labanan in any forms. So, tingin ko ‘yun ang dapat maging role ng academe,” aniya.
Dagdag pa ng guro, tungkulin din ng sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtuturo na maipaliwanag ang mga legal na konsepto sa mas simpleng paraan upang mamulat ang taumbayan sa mga katiwalian at kung paano ito nakaaapekto sa lahat ng sektor ng lipunan.
Sa kasalukuyang pagsusulat, wala pang desisyon ang Korte Suprema sa motion for reconsideration ng Kamara.
Samantala, kung ganap na ibabasura ang kasalukuyang kaso, makapagsasampa lamang ng panibagong impeachment case laban sa bise presidente sa Pebrero 2026 alinsunod sa one-year bar rule.
(Litrato mula sa Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance - TAMA NA Facebook Page)