Paglisan sa Probinsya: Byahe Patungo sa Pangarap

FEU Advocate
August 31, 2022 09:08


Sa pagsapit ng panibagong akademikong taon sa Far Eastern University (FEU) kasabay nito ang pagdating ng mga bagong Tamaraws na nagmula sa iba't ibang probinsya. Malayo at mahirap man ang byaheng tatahakin patungong Maynila, patuloy ang kanilang pagpupursigi patungo sa panibagong oportunidad at kinabukasang hinahangad.

Bitbit ang mga pusong nag-aalab para sa inaasam na buhay kolehiyo, handang harapin ng mga Tamaraws mula sa probinsya ang panibagong karanasan na sa kanila ay nag-aabang–ang mamuhay nang mag-isa, kumilala ng mga bagong kaibigan, at pagtibayin ang kanilang kaalaman. 

Subalit, hindi magiging madali ang lahat. Kaya nararapat lamang ang wastong pag-iingat at pagiging alisto sa pagharap sa kanilang bagong mundo dahil ito ang magsisilbi nilang susi sa pinto ng mapait na reyalidad ng buhay.

Lubak na daanan

Sa bawat byahe, hindi maiiwasan ang mga lubak sa daanan. Ngunit, hindi ito hadlang upang hindi na ipagpatuloy ang nasimulang paglalakbay. Katulad na lamang ng pakikipagsapalaran sa bagong mundo ng isang Tamaraw, mayroong mga nagbabadyang hamon na nararapat at malalampasan lamang kung bibigyan ng karampatang atensyon at solusyon.  

Unang hamong haharapin ay ang paghahanap ng maayos, mura, at ligtas na matutuluyan na malapit sa Unibersidad nang sa gayo'y epektibong makamenos sa gagastusing pamasahe na nakalaan para sa badyet ng pagkokomyut. 

Ang ilan sa mga hamong nabanggit ay suliranin ng 2nd year Bachelor of Science in Nursing student (BSN) na si Trisha Joy Panaligan na mula sa Bulacan. Para sa kanya, higit na mahirap makahanap ng matutuluyang dormitoryo dahil sa nagtataasang presyo ng renta.

“Sa panahon ngayon, tunay ngang mahirap na maghanap ng matutuluyan sa Maynila lalo pa’t nagtaas na ang mga renta (Nowadays, it's really hard to find a place to stay in Manila especially since the rents have gone up),may pag-aalalang isinaad ni Panaligan.

Bukod pa sa karanasan ni Panaligan, ibinahagi rin ni Joel Christopher Pernito, isa ring 2nd year BS Nursing student. Nagmula sa probinsya ng Pangasinan, isang malaking suliranin at pagsubok ang paghahanap ni Permito ng matutuluyang dorm na sapat sa badyet. Aniya, ang mga dorm ay higit na nagmahal kasabay na rin ng mga gastusin sa pang-araw-araw. 

Maliban dito, ang pagpasok sa buhay kolehiyo ay nangangahulugang pagtayo sa sariling mga paa. Hindi ito magiging madali sapagkat ito ay naiiba sa pamumuhay na kinagisnan kasama ang kanilang mga magulang at iba pang mahal sa buhay sa probinsya na kanilang pinanggalingan.

Makatagpo ng kaagapay 

Masaya at makabuluhang bahagi ng buhay kolehiyo ang matagpuan ang mga tunay na kaibigan na masasandalan hindi lamang sa oras ng kaligayahan kundi pati maging sa kalungkutan. Mahalaga itong aspeto sapagkat maaari silang makatulong upang higit na maging masaya at madali ang buhay sa parehong makulay at maingay na siyudad ng Maynila–na kanilang magiging kaagapay sa kanilang mga pangarap sa buhay. 

Bunsod nito, nararapat ang tahasang paghahanda at pagiging armado sa pagharap sa mga panibagong mukha at pag-uugaling makikilala. Ang paghahanap ng magiging kaagapay sa buhay kolehiyo ay hindi basta isang mabulaklak na daan lamang kundi isa ring matarik na landas. 

Nararapat din isasaalang-alang ang tinatawag na "survival of the fittest", kung saan masusubok ang pagkamalikhain at diskarte sa layuning makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang pangarap kasama ng mga kaibigan. Mahalagang salik din ang pagkakaroon ng mga kaibigan na mayroong mabuti at magandang layunin sapagkat magiging daan ito upang makamit din ang tagumpay, kahit iba-iba man ang depinisyon ng ating kasiyahan sa buhay. 

Iniwan man ang tahanan at kinagisnang buhay sa kanilang mga probinsya, bitbit nila ang pag-asang matagpuan ang pangalawang tahanan sa matataas na haligi at luntiang paligid ng Unibersidad—ang FEU. 

Haligi ng pag-asa  

Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap, hindi agarang mawawala ang pangarap ng isang Tamaraw mula sa probinsya. Tulad ng pag-uwi sa isang tahanan, malugod ang pagtanggap ng FEU sa mga Tamaraws mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga patuloy na nangangarap na Tamaraw ang kanilang pagiging isang bahagi ng bago at mas pinalawak na komunidad. Higit pa sa kalidad na edukasyon at malawak na oportunidad para sa kanilang propesyonal na pagkatuto, ang Unibersidad rin ang nagsisilbing haligi ng kanilang pag-asa.

Ayon kay Lanz Jhio Dela Cruz, isang 4th year Bachelor in Medical Technology student na mula pa sa Zambales, malaki ang naitutulong ng FEU upang makamit niya kagustuhang makapagtapos sa kanyang napupusuang kurso.

“FEU ang aking pangunahing sinaligan sa pagtupad at pag-abot ng aking mga pangarap (FEU have been my main support in fulfilling and reaching my dreams),” pahayag ni Dela Cruz.  

Higit sa pagiging haligi upang matupad ang mga pangarap, ang FEU ay tulay upang higit na madiskubre at makilala ang sarili sa pamamagitan ng mga taong makikilala sa loob ng Unibersidad. 

Ayon kay Joseph Ferrer, isang Bachelor of Science in Nursing, 2nd year student mula sa Pangasinan, marami siyang kapwa Tamaraw na nakilala, maging ang mga gurong nakatulong na makapagbigay ng mahalagang kontribusyon sa kanyang pagkatao. 

Naging malaking bagay din kay Ferrer ang pagiging bahagi ng isang komunidad kung saan mas pinalawig nito ang kanyang pag-unawa sa hamon at karanasan ng kanyang kapwa Tamaraw mula sa probinsya–na siyang nagpapagaan ng kalooban na hindi siya nag-iisa sa panibagong landas na tinatahak. 

Pagsiklab ng Pusong Tamaraw 

Sa pagbubukas ng panibagong semestre ng FEU, muling nagbalik ang mga Tamaraws upang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay patungo sa kanilang mga pangarap. Bilang malugod na pagtanggap, hatid ng Unibersidad ang siklab ng Taktak Tamaraw.

Binubuo ito ng mga kaganapang hindi dapat lagpasan tulad na lamang ng iba’t ibang Tam Challenges na siguradong puno ng tawanan at kasiyahan. Isa ito sa pinakamagandang oportunidad upang higit na makilala ang iba pang mga Tamaraws mula iba’t ibang lugar at makabuo ng mga pagkakaibigang hindi malilimutan.

Hindi rin mawawala ang Campus Tour na pinapangunahan ng FEU Guides na kung saan matutunghayan ang iba’t ibang lugar sa loob ng Unibersidad na muling magbibigay kulay sa pagdating ng mga Tamaraws na bitbit ang mga kwento ng kanilang mga pangarap.

Maliban pa sa Tam Challenges at Campus Tour, ang pinakainaabangang bahagi ng Tatak Tamaraw ay ang Welcome Fest na kung saa'y ang mga Tamaraws, mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ay pinagbubuklod ng iisang musika na handog ng mga inimbatahang  local bands.  

Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, hindi lamang nagtipon ang mga Tamaraws sa aspetong akademiko, kundi pati na rin sa kwento ng mga panibagong karanasan at mararanasan pa. Maaaring ang iba ay unang beses pa lamang nilang nakita o nakilala, ngunit ang lahat ay sama-samang magpapatuloy sa byahe na patungo sa magandang kinabukasan na may mga ngiti sa kanilang labi. 

Sa kabila ng pangamba, patuloy na mangangarap at haharapin ng  mga Tamaraws mula sa probinsya ang mga yugtong susubok sa tibay ng kanilang loob. Sa kanilang pagpupursiging matupad ang kanilang mga pangarap, simbolo sila ng isang tunay na Tamaraw. Taglay ang mga pusong puno ng tapang upang harapin ang mga pagsubok at matibay na loob upang ipagpatuloy ang biyahe patungo sa magandang bukas. Nanggaling man sa iba't ibang probinsya, iisa lamang ang kanilang hangad—maabot ang rurok ng pangarap at makabalik sa kanilang kinaroroonan nang masaya at matagumpay.

-Elton Joseph De Sesto at Alexia Andrea Maravilla 

(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)