
Masang Lalagapak: Panukalang NMIA, pasaning ‘perwisyo’ ng mga Bulakenyo
- September 10, 2024 17:00
FEU Advocate
March 25, 2025 15:02
Ni Eryl Cabiles
Nagmumula sa iba’t ibang kuwento ng pagkababae ang kolektibong pakikibaka ng kababaihan para sa mas makatarungang lipunan. Pinagbubuklod ng iisang mithiin, pinalalakas ang makababaeng layunin ng puwersang hinuhugot sa kakaibang danas ng iba’t ibang mukha ng kababaihan. Ngayong #BuwanNgKababaihan, bibigyang-lalim ang sari-saring imahe ng pagkababae sa loob ng Pamantasan ng Malayong Silangan.
Mapupulot ang kakaibang mukha ng inspirasyon, kalakasan, at hitsura ng pagkababae sa mga karanasang may kaugnayan sa mga labang kanilang kinahaharap araw-araw.
Tinig ng ina
Limitado ang mga lokasyong maaaring kabilangan ng isang babae kung titingnan ang kasaysayan. Sa lente ng patriyarka, kabalintunaan ang pagpasok ng isang ina sa Pamantasan habang ito’y may inaalagaang anak.
Ganito ang suliranin ni Cristine Balbuena na estudyante ng Agham Pampolitika. Bilang isang babae, bumibigat ang lahat ng kaniyang pasanin bunsod ng mga nagpapatong-patong na ekspektasyon ng lipunan nang ito’y mabuntis habang nag-aaral.
Ipinaliwanag niya ang kaniyang naramdaman nang malaman nitong buntis siya sa kalagitnaan ng semestre noong nakaraang taon.
“I think it’s the shame, it’s the guilt, but at the same time it’s the excitement. The shame walking inside the campus with your belly so big that people will really… look at you. Since I’m the only pregnant woman walking around the campus… somehow [I’m] fearful. Second is guilt, the guilt of the academic pressure. Guilt of not performing very well kasi I’m exhausted... But… the excitement. Because there’s people [who] would support you even those who you do not know (Sa tingin ko ay iyong hiya, pagkakasala, pero kasama rin iyong pananabik. Nakahihiya ang paglalakad sa loob ng kampus nang malaki ang tiyan, kung saan titinginan ka talaga ng mga tao. At dahil ako lang ang natatanging buntis na naglalakad, kahit papaano ay natatakot ako. Pangalawa ay iyong pakiramdam ng pagkakasala mula sa akademikong responsibilidad. Pagkakasala dahil hindi nagagampanan nang maayos ang responsibilidad bilang estudyante dahil sa nakapapagod na pagbubuntis. Ngunit, naroon ang pananabik. Dahil may mga tao na handang suportahan ka kahit pa iyong hindi mo kakilala),” salaysay niya sa FEU Advocate.
Kaugnay ng pangyayaring ito, kinuwento niya ang kaniyang naging reaksiyon sa hindi inaasahang pagbubuntis bilang estudyante.
“At first, I was very disappointed of myself. I used to blame myself, even my partner. Most importantly, I blame my decisions for not being careful enough. But I [thought] that disappointment is a thing of the past, that will not help me. What I thought of is ‘What should I do next?’ Kasi, the baby’s here... At that point, disappointment [was] overshadowed by responsibility (Noong una, nadismaya ako sa sarili ko. Sinisi ko iyong sarili ko, pati iyong kinakasama ko. Higit pa rito, sinisi ko iyong desisyon ko na hindi masyadong nag-iingat. Pero naisip kong nasa nakaraan na ang pagkadismaya. Ang inisip ko ay ‘Ano ang susunod kong gagawin?’ Kasi, nandito na iyong bata. Noong panahong iyon, iyong pagkadismaya ay napalitan ng pag-ako ng responsibilidad),” aniya.
Ipinahayag niya naman ang mga kaugnay na “pressure” na kaniyang natamo sa loob at labas ng Unibersidad. Anito, pagkahiya ang pangunahing iniinda niya bilang isang estudyanteng ina.
“I’m very active in the University… that’s like a 90-degree angle shift [in my life]… It’s a shame kasi that time I wasn’t married and [I’m] in a Catholic majority country… After I got married, the shame went away (Aktibo ako sa Unibersidad kaya nagmistulang bumaliktad talaga iyong anggulo ng buhay ko. Nakahihiya kasi hindi pa ako kasal noon at nasa bansa akong mayorya ang Katoliko. Matapos akong magpakasal, nawala rin iyong hiya),” paliwanag ni Balbuena.
Hindi nagpatinag si Balbuena sa pangyayaring ito. Hinarap niya ito nang buong puso at nang may tapang.
“You know, I realized that this is just a ‘curve,’ I can still move forward (Alam mo, napagtanto ko na lubak lang ito. Maaari pa rin akong makasulong paabante),” dagdag niya sa kaniyang pagninilay.
Marami sa kababaihan ang pineperhuwisyo ng pagiging ina dahil sa patong-patong na ekspektasyon ng lipunan mula sa kanila. Sa kaso ni Balbuena, inaasahan siya ng lipunan na mag-aral at habulin ang karerang kaniyang itinakda.
Maaaring ‘kahihiyan’ ito sa ilang babae sapagkat may mga panlipunang pamantayan na ikinakabit sa pagkababae: ang pagbubuntis nang maaga ay isang kasalanan.
Sa ganitong uri ng pagdidikta nasasangkot ang marami sa kababaihan, kung saan mas mabigat ang atas ng panlipunang hatol sa hangganan ng kakayahan ng isang babae.
Masuwerte si Balbuena dahil suportado ng kamag-anak ang kaniyang pagbubuntis. Ngunit, sa mga tagong espasyo ng lipunan, taliwas dito ang sandigan ng ibang kababaihang nais takasan ang panlipunang pamamahiya at pang-aapi laban sa kanila.
Dahil isang krimen ang aborsiyon sa Pilipinas, pinipili ng maraming babae na hindi handang maging ina ang prosesong ito nang walang maayos na pasilidad at pamamahalang medikal hinggil sa kakulangan sa doktor.
Pinaiigting ng ganitong sistema ang paglilimita ng mga serbisyong medikal para sa kababaihan bunsod ng pagpigil ng estadong ibigay ang maayos at ligtas na serbisyong medikal para sa kababaihang nangangailangan ng aborsiyon.
Kung susuriing mabuti, ikinokondisyon ng ganitong patriyarkal na pag-iisip ang maaari at hindi maaaring makamit ng isang nabuntis nang maaga, sinasabing balakid ang pagiging ina sa kakayahan ng isang babaeng maging isang malaya.
Sa huli, pagtakas sa pagiging ina ang pinipili ng marami.
Ngunit para sa mga katulad ni Balbuena, hindi kailanman kahinaan at kamalian ang maging isang ina. Ito lamang ang kapangyarihang hindi mawawalan ng saysay sa lahat ng pagkakataon.
Lakas lesbiyana
Hindi katulad ng isang ina, iba ang kalbaryo ni Armi De Leon bilang lesbiyanang Communication student.
Isiniwalat ni De Leon sa FEU Advocate na pagdududa sa sarili niyang kasarian at seksuwalidad ang kaniyang pang-araw-araw na suliranin.
“Kapag nasa church, many times, palagi akong nasasabihan sa harap ng mother ko na ‘sayang naman [siya], nagpapaka-boyish,’ ‘sayang naman ‘yung ganda,’” sambit nito.
Madalas ang ganitong engkuwentro ni De Leon sa mga kumukuwestiyon ng kaniyang kasarian. Ang pinakamithiin? Ipamukha sa kaniya na hindi sapat ang kaniyang ikinikilos upang maging isang ‘tunay’ na babae.
Bagama’t tanggap na ngayon ng kaniyang ina ang kaniyang pagiging lesbiyana, isinalaysay niyang hindi rin siya nito agad tinanggap bilang isang ‘lesbian.’
“One time, may kutob talaga siya sa akin. So, may isang night na talagang inamin ko sa kaniya na ‘Mom, sa tingin ko parang… lesbian ako… tapos I’m attracted to girls talaga’ (Tapos babae talaga ang aking natitipuhan). Tapos she told me na ‘[it] was just a phase’ (At sinabihan niya akong isang yugto lang ‘yan ng buhay mo), so hindi pa talaga niya ma-accept at that time,” kuwento niya.
Masuwerte si De Leon na kalauna’y natanggap siya ng kaniyang ina. Ngunit para sa ibang mga lesbiyanang Pilipino, patuloy pa ring ikinukulong ng kanilang mga pamilya ang pagiging babae nila sa kumbensiyonal na pagtingin ng lipunan sa seksuwalidad ng kababaihan.
Sa kabila nito, ibinahagi niya ang kaniyang pagyakap sa sariling pagkababae. Aniya, hindi masamang tanggapin ang mga gawing panlalaki at pambabae dahil parte ito ng pagkakakilanlan ng bawat isa.
“Para sa akin as a woman… I’ve always been with women my whole life… I’m proud of this… very feminine [trait]. Ine-embrace ko siya (Para sa akin bilang babae, palaging kasama ang mga babae buong buhay ko, ipinagmamalaki ko ito, iyong pagkababae ko. Niyayakap ko siya),” aniya.
Idiniin niya rin na dapat nang alisin ang mga panlipunang pamantayan sa kung ano ba dapat ang isang babae. Anito, nakadepende sa tao ang kakanyahan ng kaniyang kasarian.
“When it comes to being a woman, wala naman dapat talagang maging basehan... I think kahit sabihin mong nagba-binder [iniipit ang dibdib upang maging ‘macho’ ang katawan] ‘yung lesbian, kapag sinabi niyang ‘I’m a woman,’ they are [a woman]. They don’t need a checklist na dapat ‘ganito ang hitsura mo’ [upang maging ganap na babae] (Hindi nila kailangan ng mga batayan na dapat ‘ganito ang hitsura mo’ upang maging ganap na babae),” diin nito.
Binabasag ni De Leon ang kumbensiyonal na pagpapalagay ng lipunan sa kasarian at seksuwalidad ng kababaihan. Lampas sa mahinhin at malumanay na imahe, ipinakikita niya ang iba pang katangian ng mga babae sa Pilipinas.
Importante ang naratibong ito sa pagpapalaya ng lipunan sa landas na maaaring tahakin ng kababaihan. Kung saan sarili ang pangunahing manibela sa andar ng buhay ng isang babae, hindi ang makitid na dikta ng kalakhang lipunan.
Dahil dito, babae ka dahil sa tingin mo’y babae ka kahit ano pa man ang sabihin ng iba.
Girlalu, babae po ako
Mula rin sa hanay ng hindi kumbensiyonal na uri ng kababaihan, kinahaharap ni Cy Christianne Dela Paz mula sa programang Tourism Management ang panlipunang pagsasantabi para sa mga katulad niyang trans women.
Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Dela Paz, pagkalito sa sariling kasarian ang unang suliranin ng isang trans woman. Isa ang hindi pagtutugma ng katawan at ng kasarian sa kanilang unang problemang hinaharap.
“I feel na hindi ako ‘yung sarili ko… I tried my [best] na magpakatigas, magpakalalaki. However, at the end of the day I was not happy. Kasi I’m just doing those things to make other people happy… I was trying to secretly discover myself and it’s hard here in the Philippines because [we’re not accepting of trans people] (Naramdaman kong hindi ako ‘yung sarili ko. Sinubukan kong magpakatigas at magpakalalaki. Pero sa huli, hindi ako naging masaya. Dahil ginagawa ko ‘yon para mapasaya ang ibang tao. Sinubukan kong hanapin ang sarili ko nang patago dahil hindi pa tinatanggap ang trans people dito sa Pilipinas),” aniya.
Bunsod nito, kinakailangan ni Dela Paz “mahanap” ang kasariang totoo sa kaniyang kamalayan. Upang malutasan ang gender dysphoria, o ang kaso ng hindi pagtutugma ng gender identity sa itinalagang sex nang sila’y ipanganak, kinailangan niyang sumailalim sa tinatawag na ‘transitioning.’
“I [watched] this one video of a trans man sharing his journey of transitioning under LoveYourself, which is a non-government organization (NGO) in the Philippines… That’s when I realized na ‘I think this is the time now.’ And napagtanto ko rin that time na parang medyo dapat noong una pa ako nag-start mag-transition kasi bata pa lang talaga, I’m not into things associated with men and masculinity (Napanood ko ang isang video ng isang trans man habang ibinabahagi niya ang kaniyang karanasan sa transitioning sa ilalim ng LoveYourself, isang NGO sa Pilipinas. Doon ko napagtanto na ito na ang tamang panahon. At napagtanto ko rin na dapat noong una pa ako nagsimula mag-transition kasi bata pa lang talaga, hindi na ako mahilig sa mga panlalaki),” paglalahad nito sa kaniyang karanasan.
Ibinahagi rin niya ang karanasan sa loob ng Pamantasan kung saan ipinaramdam sa kaniya ang pagiging iba at hindi pangkaraniwan.
“I was tapped to compete in a national competition… kasi in my group, we were doing good. On the day of the competition, tumawag sa akin ‘yung isa sa mga organizer ng event. Ang sabi niya sa akin, ‘Cy, can you wear male corporate attire tomorrow?’… Everyone already knew that I am a woman, I am a trans woman… Why are [they] making me wear a male corporate attire even though I am a woman? (Naimbitahan akong makilahok sa isang pambansang kompetisyon kasi maganda ang ipinakikita namin sa grupo. Sa araw ng kompetisyon, tumawag sa akin ‘yung tagapangasiwa ng paligsahan. Ang sabi niya sa akin, ‘Cy, puwede bang magsuot ka ng panlalaking kasuotan bukas?’ Alam ng lahat na babae ako, na ako ay trans woman. Bakit nila ako pinasusuot ng panlalaki kahit na babae ako?),” salaysay nito.
Dahil sa karanasang ito, may isang panawagan si Dela Paz ukol sa pagtanggap ng Pamantasan at lipunan para sa mga katulad niyang trans woman.
“Tolerating [our existence] is not enough… We should come to a point where we accept everyone regardless of their gender identity (Hindi sapat ang pagtitiis lang sa aming pagkatao. Dapat isulong natin ang buong pagtanggap sa lahat kahit ano pa mang kasarian nila),” pahayag nito.
Ikinakabit ng naratibong isiniwalat ng tatlong babae sa loob ng Pamantasan ang kasalukuyan nilang karanasan bilang babae. Inilalantad nito ang realidad ng kanilang kasarian na nagiging balakid sa kanilang kalayaan.
Ibinunyag ng mga kuwentong ito ang patuloy na pagpapahirap ng patriyarkal na lipunan sa kababaihan.
Kung saan ang isang ina, hindi katulad ng ama, ay kinakailangang magkaroon ng doble-dobleng pasanin upang makasabay sa agos ng lipunan.
Gayundin ang isang lesbiyana na patuloy na binabagtas ang pagkukuwestiyon sa kaniya ng lahat sa pagiging hindi ganap na babae. At ang danas ng isang trans woman na araw-araw hinaharap ang diskriminasyon at kahirapang dulot ng pagiging babae.
Ipinakikita ng mga salaysay na ito ang magkakarugtong na opresyong nakakabit sa kasarian. Inilalantad ang pagkiling ng lipunan sa ‘mas nakaaangat na pagkalalaki’ at ang pang-aapi sa ‘mas mahinang pagkababae.’
Ninanais na wakasan ng nagkakaisang kababaihan ang ganitong klaseng pananaw at relasyong panlipunan.
Mula sa patong-patong na ekspektasyon, sa makitid na pagtingin sa kahulugan ng kababaihan, hanggang sa hindi pagtanggap ng lipunan sa kanilang kasarian, pinatutunayan nitong kinakailangan natin ang puwersa ng pakikibaka ng lahat.
Sa huli, hindi lang dapat ngayong buwan ng kababaihan isinusulong ang karapatang magpapalaya sa lahat ng uri ng babae sa Pilipinas. Marapat lamang na araw-araw binabaka ang ganitong klase ng lipunan—ang mapangyakap, mapagtanggap, at mapagkalingang Pilipinas para sa lahat ng Pilipino.
Nagbibigay-liwanag ang kuwento nina Cristine, Armi, at Cy sa loob ng Pamantasan. Ngunit, ang hamon ng panahon ay ang mapakinggan pa ang mas marami at sari-saring boses ng kababaihan sa labas ng eskuwelahan, lalong-lalo na sa lansangan at kanayunan.
(Litrato mula kina Cy Christianne Dela Paz, Armi De Leon, Cristine Balbuena, Bullit Marquez/Associated Press, Eugene Gordon/The New York Historical Society, Alex Ongcal/Rappler, at Stephen Shames; ABS-CBN, Manila Today, at Mayday Multimedia; Latag ni Ysh Aureus/FEU Advocate)