
Rebosura's lone goal brings season opener victory for FEU
- February 25, 2023 14:43
FEU Advocate
June 26, 2025 15:34
Ni Eryl Cabiles
Hindi totoong naaamoy ng ilong ang alingasaw ng isang bakla. Ang totoo, walang makapagsasabi kung sino ang bakla kung hindi ang sarili niya lamang. Hindi ikaw, hindi sila, hindi ang ‘gaydar.’
Mahilig mag-akusa ang mga tao sa kung ano ang kasarian ng iba. Ibinibida nila ang natatanging “abilidad” na mabuking ng kanilang radar ang halimuyak ng kabaklaan.
Tinatawag itong gaydar o 'baklameter' ng marami kung saan ginagawang pamantayan ang lambot ng paghakbang, pilantik ng daliri, at tinis ng boses upang “ibunyag” ang pagkataong nagtatago sa likod ng inosenteng mukha.
Sa unang tingin, tila ito’y mababaw na talakayan. Ngunit, ang hindi naiintindihan ng marami ay isa itong porma ng pagkulong at pagkahon sa kung ano ang kahulugan ng pagiging isang bakla o queer.
Malansa ka, baks
Binigyang-paliwanag ni J. Neil Garcia sa kaniyang librong Philippine Gay Culture (1996) kung paano tinutukoy ng bawat bakla ang isa’t isa sa Pilipinas.
“They claim to know one another with the help of their noses, which are especially keen in ferreting out ‘fishy uteruses’ (Sinasabi nilang nakikilala nila ang bawat isa sa tulong ng kanilang mga ilong, na partikular na matalas sa pang-amoy ng mga ‘malalansang matris’),” sipi mula sa kaniyang libro.
Dagdag pa niya, “kailangan” ito sa panahon ngayon dahil sa hindi matukoy na hitsura ng mga bakla.
“They need this skill because they say one just cannot trust appearances these days: some macho men are actually nelly little girls once the lights go out (Kailangan nila ito dahil sabi nila ay hindi na mapagkakatiwalaan ang kanilang hitsura ngayon: may ilang matitipunong lalaki na sa katunayan ay malalambot na babae kapag nawala ang ilaw),” aniya.
Kayo, ilang beses na ba kayong nasabihan ng “Alam kong bakla ka noong una pa lang, mas matinis pa ang boses mo kaysa kay Regine Velasquez, eh”? O hindi kaya’y, “Sa lambot mong gumalaw, sino pa bang magdadalawang-isip na hindi ka bakla?”
Sino nga ba ang isang bakla? Ano sila? Ano ang kanilang mga mukha? Kung naaamoy sila ng ilong, ano ang kanilang amoy?
May malinaw na implikasyon ang kulturang ito sa kamalayang Pilipino. Isang estereotipong kailangang ilantad: na may iisang amoy ang kabaklaan at isa lamang ang hulma at anyo ng pagiging bakla.
Bistado na ang nagtatagong pagpapalabnaw ng ganitong paratang sa konsepto ng kasarian. Dahil ngayon, kailangan nang baklasin kung paano nito pinaliliit ang maaaring sakuping espasyo at pagkatao ng sangkatauhan.
Imbento ka, sis
Magsisimula ang pagbabaklas na ito mula sa usapin ng kasarian. Sa gabay ng mga peminista, isang ‘social construction’ lamang ang kasarian—binubuo at iniimbento ng lipunan.
Wika ng isang tanyag na peministang si Simone de Beauvoir, “One is not born, but rather becomes a woman. No biological, psychological, or economic fate determines the figure that a human female presents in society; it is civilization as a whole that produces this creature… (Ang isang tao ay hindi ipinapanganak, bagkus ay nagiging babae. Walang biyolohikal, sikolohikal, o ekonomikong tadhana ang nagdidikta ng anyong ipinakikita ng isang babae sa lipunan; ang sibilisasyon sa kabuoan ang lumilikha ng nilalang na ito).”
Sa madaling salita, ang lipunan ang umiimbento ng mga pamantayang nakakabit sa pagiging babae o lalaki, pati na rin ang pagiging bakla o tomboy.
Maaaring nakatutok sa lente ng isang babae si de Beauvoir, ngunit malaki ang epekto nito sa malawakang diskurso ng kasarian. Tinawag ito ng kontemporaneong pagdadalumat na “social construction of gender,” o ang pagiging panlipunang pagkakayari ng kasarian.
Bunsod nito, binabali ng ganitong pananaw ang nakagisnang pagtingin sa kasarian. Hindi binaryo, hindi permanente ang anyo at hugis ng ating mga pagkakakilanlan.
Kaya’t mula sa ganitong radikal na pagsipat sa diskurso ng kabaklaan, lumilihis ang kasalukuyang diskurso sa pagtatakda ng mga pamantayan upang ganap na palayain mula sa dikta ng lipunan ang kakayahan ng isang taong maging isang tunay na malaya.
Ito kami, mamser
Muli, sino nga ba ang isang bakla? Ano ang amoy nila sa mga mayroong gaydar? Ito sila: matangkad, pandak, maputi, maitim at kayumanggi, maikli at mahaba ang buhok, kalbo, mahinhin o malamya, brusko, matanda, bata, guro, drayber, tindero, o doktor.
Ito rin sila: top, bottom, versa, at side.
Dahil sa totoong buhay, walang iisang amoy at mukha ang kabaklaan. Hindi ito maaaring diktahan ng mga nabuong pamantayan. Hindi rin sila maaaring pangunahan.
Maaaring mapagkamalan ang isang lalaki na bakla, o ang isang babae bilang tomboy dahil sila ay “kakaiba.” Kaya’t may ilang nasasabihan ng “Bawal ang Chinese garter sa lalaki” o hindi kaya’y “Ang baril-barilan ay hindi para sa babae.”
Marapat lamang nating basagin ang ganitong uri ng pagtanaw sa kasarian. Kahit sino, maaaring maging mahinhin o matikas—babae man o lalaki, bakla o tomboy, butiki o baboy.
Iba-iba ang ating hitsura dahil tayo’y nanggagaling mula sa iba’t ibang espasyo’t karanasan. Maaaring maging matipuno o brusko ang isang bakla dahil sa mga puwersang humuhubog sa kaniyang kamalayan, pagkakakilanlan, at gawi.
Sa pagsusuri ng mga peministang Black at queer na iskolar, interseksiyonal ang buhay ng lahat ng tao. Kaya’t hindi maaaring magkakamukha o magkakatulad ng pinanggagalingang kuwento ang bawat isa—lahat tayo ay kakaiba.
Maaaring ang isang queer ay may anak o kasal dahil kailangan nitong tumalima sa ekspektasyon ng lipunan. Puwede ring isa siyang pulis o sundalo dahil sabi ng lipunan, kailangan niyang “magpakalalaki.”
Sa mga sulok ng ating lipunan, mayroong bakla na mukhang lalaki, babae, o anuman. Ang iba ay lantad, ang iba ay nagkukubli sa kanlungan ng aparador. Dahil madalas, mas ligtas sila sa isang kloseta—nagtatago mula sa karahasan ng mundo.
Ganito ang kanilang realidad dahil sumasailalim ang bawat isa sa kanila sa pang-aalipusta, kadalasa’y nagsasanga-sanga, at nagpapatong-patong na diskriminasyon.
Kung kaya’t mayroong pastor o sakristan na silahis dahil bawal ang bakla sa kanilang relihiyon, o hindi kaya’y isang lalaking pinipigilang magladlad dahil sa iniingatang imahe sa pamahalaan o eskuwelahan.
Resulta ito ng pagkulong natin sa kasarian bilang simpleng “babae” o “lalaki,” at ang lahat ng hindi umayon ay ibinubukod sa makipot at mababaw na kategorya ng pagiging “bakla” o “tomboy.”
Sa huli, ikinukulong ng ganitong mga karanasan ang pagtingin ng lipunan sa kung sino at ano ang maaari lamang pumasa bilang isang bakla.
Ipinaliwanag ni Kimberlé Crenshaw, isang Black feminist na nagpasikat ng teoryang “intersectionality,” na ang ganitong paghihirap ng mga tao ay bunsod ng mga “interseksiyonal” na panlipunang balakid sa kalayaan.
“It’s basically a lens… for seeing the way in which various forms of inequality often operate together and exacerbate each other (Ito ay isang lente upang tingnan kung paanong ang iba’t ibang porma ng hindi pagkakapantay-pantay ay gumagana nang sabay-sabay at pinalalala ang isa’t isa),” anito.
Dagdag pa ni Crenshaw, maaari ding maintindihan ang sanga-sangang pang-aapi sa pamamagitan ng patong-patong na diskriminasyon o bias laban sa isang tao bunsod ng iba’t ibang aspekto ng pagkakakilanlan nito.
Sa madaling salita, “Intersectionality is an analytic sensibility, a way of thinking about identity and its relationship to power (Ang interseksiyonalidad ay isang analitikal na sensibilidad, isang uri ng pag-iisip tungkol sa identidad at ang relasyon nito sa kapangyarihan).”
Kaya mayroong estandardisadong hulma ang isang bakla—malambot at mahinhin—dahil sa pagtatakda ng lipunan sa kung ano lang ang maaari at hindi maaaring gawin ng isang bakla.
Kakabit ng ganitong lente ay ang pagbuwag sa mga inaasahang kilos ng bawat isa. Dahil interseksiyonal ang karanasan ng lahat, tiyak na magkakaroon ng samu’t saring kombinasyon ng katangian ang isang tao na hindi kayang hulaan ng gaydar.
Sa huli, sino nga ba tayo para ikulong ang mga taong “pasado” sa ating gay vibe checklist? Bakit natin ginagawang Pinoy Henyo ang paghula ng kasarian ng isang tao? Hindi ba puwedeng isabuhay ang pagiging ‘mamser’? Hindi lang ma’am, kung hindi parehas na ma’am at sir?
Isinalaysay ni Ricky Lee sa kaniyang kathang nobela na Amapola sa 65 na Kabanata (2011) ang parehas na ideya. Sa katauhan ni Amapola at ng batang si Truman, malikhaing siniyasat ni Lee ang piksiyonal na ugat ng salitang ‘bakla’ at ang kaugnay nitong paglaya mula sa tanikala ng lipunan.
“[Ani Bathala sa nobela] Lalaitin ka at aalipustahin, at madalas pa nga ay itatago kang parang isang kasalanang nakakahiya [sic]. Pero may ibibigay ako sayong [sic] isang regalo– ang karapatan mo na mamili kung ano ang gusto mong maging sino. At hindi ka nila pwedeng i-etsapwera [sic]. Patuloy ni Bathala, dahil mula ngayon ay tatawagin kang Bakla, na ang ibig sabihin ay– ba, ka, at la. BAhagi Ka ng LAhat,” sipi mula sa nobela.
Sabi nga ng Bathala sa kuwento ni Amapola, karapatan ang mamili kung ano ang gusto nating maging sino. Ibig sabihin, sarili natin ang may hawak ng desisyong ito. Hindi ang ibang tao, hindi ang gaydar.
Samakatwid, sa susunod na makatatagpo kayo ng isang mahinhing lalaki, huwag niyo siyang pangunahan sa kaniyang kasarian. Hindi siya bakla kung hindi niya sasabihing siya ay bakla.
Kaya nga iba’t iba ang kulay ng bahaghari dahil iba’t iba rin ang kuwento natin, hindi ba? Buhat nito, sabay-sabay nating itapon ang gaydar sa basurahan at hayaang ikuwento ng mga bakla ang sarili nilang buhay—walang bahid ng panghuhusga at puno lamang ng pagmamahal at pagtanggap.
(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)