Pagkamit ng Edukasyon: Ang Lubak na Landas mula sa Karalitaan

FEU Advocate
July 04, 2017 16:52


Nina Angelica Cassandra A. Pineda at Alyssa Maureen L. Yusi

Ang mapaunlad ang sariling pag-iisip at kakayahan ay isang karapatan na dapat sana’y pantay-pantay na nakakamit ng bawat bahagi ng lipunan subalit para sa iilan, tila isang pribilehiyo ang makatuntong sa paaralan.

Habang ang ibang kabataan ay nagsisimula na ng panibagong yugto sa kanilang buhay-mag-aaral, maraming musmos ang pinagkakaitan ng oportunidad na matuto at mapalawak ang kaisipan dulot ng kahirapan. Tunay nga bang hadlang ang kakapusan sa buhay?

Sagwil sa Pagkakataon

Maraming kilalang personalidad ang nagpatunay sa madalas na sambitin na “hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay.” Subalit, hindi maikukubli na mas pinabigat ng karalitaan ang mga kadenang nakakabit sa mga paa ng mga maralita na pumipigil sa kanilang mga munting yapak patungo sa inaasam na kaginhawaan.

Matatagpuan sa sulok ng mga eskinita ang mga malilit na paslit na sa halip na mga libro ang tangan ng kanilang mga palad, bitbit nila ang mga kahon ng panindang sigarilyo. Tila isinantabi muna ang kanilang pagnanais na matuto upang kumayod at mapunan ang mga kumakalam na sikmura.
Isa sa mga batang lansangan na maagang namulat sa realidad ay si JM, anim na taong gulang. Dahil na rin sa kakapusan ay hindi alam at hindi maibigay ni JM ang kanyang buong pangalan. “Gusto ko pong makapag-aral kaso po si mama walang pera,” malungkot na isinaad niya.

Hindi maikakaila na maraming pangarap ang mas mahirap makamit bunga ng dalita. Subalit, sa likod ng mga balakid, nagkukubli ang pagnanais ng maraming batang kalye na makapasok sa paaralan- isang karapatan na dapat sana’y kanilang tinatamasa.

Nag-aalab na mithiin

Sa kabila ng mga pagsubok, maraming kabataan pa rin ang patuloy na lumalaban upang makalaya sa karsel ng kahirapan. Araw-araw nilang tinatahak ang lubak na landas patungo sa inaasam na kaunlaran.

Maraming mag-aaral ang hindi inaalintana ang pagsuong sa mga matarik na bundok at malalakas na agos ng ilog; mayroon ding mga huwaran na buong tyagang pinagsasabay ang pagkayod at pag-aaral. Ang kanilang mga pangarap ang pinaghuhugutan nila ng lakas ng loob upang harapin ang pang-araw-araw na mga pagsubok.

Para kay Emmalyn Cruz, nasa ika-labing-isang baitang at mag-aaral ng Marikina Science High School, ang pagiging salat sa buhay ay hindi isang permanenteng sagabal upang ikaw ay umasenso.

“Hindi hadlang ang kahirapan. Kung ikaw ay mahirap at nais mo talagang makamit ang pangarap mo, gagawa ka ng paraan upang unti-unti mong maabot ito,” wika niya.

Ang nag-aalab na pagnanais ni Cruz na makatapos sa pag-aaral at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya ang nagsilbing panggatong sa apoy ng kanyang adhikain.

“Kailangan mo lang talaga maging positive sa buhay. Pagsisikapan mo lahat para sa huli makapagtrabaho ka at magkaroon ng ipon.” dagdag pa niya.

Isa mang karagdagang pagsubok ang kahirapaan sa buhay ng mga mag-aaral, para sa iba, ito rin ay nagpapaalab sa mga mithiing handang harapin ang ano mang hadlang sa paglalakbay patungo sa tugatog ng tagumpay.

Gabay sa paglalakbay

Sa pagtahak sa bawat hakbang ng edukasyon, mayroong mga ilaw na tatanglaw sa madilim na ruta paalis ng kahirapan - ang mga huwarang guro na buong pusong inaalay ang sarili upang mapalawak ang kaalaman ng mga musmos na mag-aaral.

Sa mata ng isang guro, ang karunungan ay kayamanan. Sila ang nagsisilbing instrumentong humuhubog sa mga kabataan upang maging responsableng mamamayan.

Sa pananaw ni Mark Val Ogatia, isang guro sa St. Margaret School, City of San Jose Del Monte, Inc., maraming paraan upang makapag-aral sa kabila ng kahirapan.

“Kung ako ang nasa kanilang katayuan at talagang nagnanais ng magandang buhay sa hinaharap, hahanapin [ko] ang mga kaparaanang iyon. Maghahanap ako ng mga scholarships o mga sponsors na siyang tutulong upang ang inaasam kong mga pangarap ay maabot. Nariyan din ang mga programa tulad ng ALS at TESDA Training, isang malaking daan sa pagtupad ng mga pangarap sa kabila ng mga paghihirap sa buhay na ating pinagdadaanan,” mungkahi ni Ogatia na isang dekada na sa larangan ng pagtuturo.

Ang mga guro na katuwang ng mga magulang sa paghulma ng isipan at pagkatao ng mga mag-aaral ay ang mga nagsisilbing tanglaw tungo sa maunlad na kinabukasan.

Ika nga ni Dr. Jose Rizal, “Ang edukasyon ay isang karapatan para sa lahat na walang sinusukat na posisyon sa lipunan, mayaman man o mahirap.” Maaaring ang kahirapan ay dagdag na pagsubok upang makamit ang edukasyon na magbubukas ng pinto patungo sa tagumpay. Ngunit, ang tanong na hadlang nga ba ang karalitaan upang magtagumpay ay mananatiling tanong na ang tanging makakasagot ay ang pananaw ng bawat indibidwal.