Pag-ibig sa Tinubuang Sinta

FEU Advocate
November 30, 2025 17:14


Siyang tinig ng giting, dangal, at sandata—

ang iyong sigaw ay naging pugad ng pag-asa.

Ngunit banta ng pagkawala ay hindi maikakaila;

ang puso kong aba’y natitigatig sa pangamba.

Sa puso ng bayan ay apoy na naglalagablab,

pag-ibig nila sa lupa’y sinindihan ng iniwan mong alab.

Ngunit wala sa wari na ang aking loob din ay magliliyab,

ang apoy ng pagsintang sa luha’y patuloy na nagsusumiklab.

Kung ito ang pag-ibig mong iniaalay sa bayan,

handang mamatay alang-alang sa mamamayan—

anong pagsinta kaya itong sa dibdib ko’y nananahan?

Na tila inilalapit ako sa sukdol ng kasakdalan?

At sa iyong tanong, kung may hihigit pa

sa pag-ibig ng lupang iyong sininta—

aking isasagot, sa bawat alaala:

ang ating pag-ibig, sinta, ang tunay na dakila.

- Sean Clifford Malinao

(Illustration by Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)