Pag-ibig sa Pilipinas hubog ng pakikibakang Pilipino

FEU Advocate
February 14, 2025 17:33


Ni Eryl Cabiles 

Maraming nagsasabing malas ang isilang sa Pilipinas dahil sa katiwaliang humuhubog sa ating karanasan. Ngunit, pinanghahawakan ng mga aktibista ang pag-asang tuluyan itong mawakasan. Para sa kanila, ito ang pinakamataas na uri ng pag-ibig—ang pagmamahal sa tinubuang lupa. 

Katuwang ng damdaming ito ang bawat sakripisyo ng isang aktibista sa lansangan kung saan patuloy nilang isinisigaw ang mas makatarungang lipunan. 

Sa panayam ng FEU Advocate kay Victoria Canapi, isang aktibista mula sa Ateneo de Manila University, ibinahagi niya na ang masang Pilipino ang dahilan ng kaniyang pagmamahal sa bansa. 

“Mula nang mapalapit ako sa masa, nakialam sa kanilang pakikibaka, ang mga rason nito, at ang inuugat nito sa lipunan ng Pilipinas…natuto akong magmahal nang bagong tipo,” aniya. 

Nilinaw naman ni Nathaniel Asuncion ng League of Filipino Students Morayta na may malalim na dahilan ang pagmamahal na ito. 

“Kung kakalasin natin ‘yung dahilan ng ating pagmamahal sa bansa, may ugat ito, at kadalasan kung mas malalim ang ugat… mas matibay ang pagmamahal,” anito. 

Ipinahayag ng mag-aaral na walang iisang mukha ang ganitong klase ng pag-ibig. 

“Maraming paraan upang ipakita ang ating pagmamahal ngunit sa simpleng prinsipyo na ‘paglingkuran ang sambayanan’ ay siyang pinakabatayan… May iba’t ibang porma naman ng paglilingkod, at ito ay makikita sa ginagawa ng isang tao,” sambit ni Asuncion. 

Para naman kay Canapi, ang paglaban para sa kalayaan ng bansa ang pinakamahirap na porma ng pakikibakang pag-ibig lalo na sa ilalim ng “imperyalistang Estados Unidos.” 

“Maraming paraan upang mahalin ang bansa, at ang pinakamahirap dito [ay] ang paglaban para sa kalayaan nito. However, to fight for this country’s liberation is not the same with how the state peddles its nationalist policies (Ngunit, ang paglaban para sa kalayaan ng bansa ay hindi maitutulad sa kung paano ibinebenta ng estado ang kasarinlan nito),” anito.

Mapapansing nakasentro sa pagsasarili at pagpapalaya ng kasarinlang Pilipino ang kanilang panawagan. Kaya’t sa kabila ng alitan ng Tsina at Estados Unidos, isinusulong ng mga aktibista ang pagbuo ng isang Pilipinas na malaya sa tanikala ng mga dayuhang bansa.  

Isa sa kanilang sinusubaybayang lente ay ang pagpapaigting ng ‘independent foreign policy’ ng Pilipinas, o ang pagpasok sa pandaigdigang relasyon nang inuuna ang kapakanan ng pambansang interes. 

Pinalalim naman sa hiwalay na panayam ni Daniel Sosa, isang aktibista mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ang anyo ng ganitong uri ng pagmamahal. 

“Sa kabila ng kaliwa’t kanang krisis sa ating bayan, tinutulak tayo ng ating pagmamahal na baguhin ito at tumindig para sa nakararami, pinauusbong ng mga negatibong aspektong ito ang pinakamataas na porma ng pagmamahal at ito ay tinatawag nating pakikibaka,” diin nito. 

Ibinahagi naman ni Latrell Esquibal ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura ang iba’t ibang simpleng pamamaraan na maaaring gamitin sa pakikisangkot. 

Ilan sa mga mungkahi ni Esquibal ay ang masisinsinang pakikinig ng kuwento ng masa, pagsuporta sa kanilang paglaban para sa karapatang agraryo at lupa, at ang aktibong pakikilahok sa pagkilos na nagtutulak ng pagbabago.  

Bunsod ng malalim na ugat ng pagmamahal sa bayan, walang kahit anong kondisyon ang pag-ibig na ito para sa mga aktibista. 

Para kay Canapi ng Ateneo, “huwad” at “sinungaling” ang pagmamahal sa bayan kung ito ay may hangganan. Kaya’t idiniin niyang hindi kailanman nasusukat ang pagmamahal sa bansa dahil ito’y walang-hanggan, natatangi kompara sa ibang uri ng pag-ibig.

Ipinaliwanag naman ni Esquibal, mag-aaral din sa Far Eastern University, na wala dapat pinipiling oras ang pagmamahal sa Inang Bayan.

“Ang pagmamahal ko sa bayan ay hindi nasusukat sa oras o sa mga tagumpay—ito ay isang panghabambuhay na paninindigan. Hangga’t umiiral ang pagsasamantala at kawalan ng hustisya, mananatili akong nagmamahal at nakikibaka,” anito. 

Pagsubok man ang tingin ng nakararami sa ganitong uri ng pagmamahal, patuloy na pagbuhos ng pag-ibig pa rin ang iniaalay ng mga aktibista sa bansa. 

Mula sa kasalukuyang katayuan ng pakikibakang Pilipino, tiyak na ganitong uri din ng aktibismo ang ipagpapatuloy ng mga Pilipino sa hinaharap. Hinihiling na sa bawat sakripisyo, matutuhan nating tingnan ang bayan bilang espasyo para sa pagtanggap. 

At sa pagkakataong iyon, isinasamo ng bawat isa na sana’y magmahal pabalik ang Pilipinas upang makamtan din ang ‘pagbabagong’ bunga ng radikal na pagmamahal. 

Marahil nakatatakot ang ganitong pag-ibig dahil hindi biro ang ialok ang dugo’t pawis sa lipunang puno ng kadiliman. Ngunit kung hindi tayong mga Pilipino, sino ba ang dapat na magmahal sa bansa? Tayo lamang ang makapagbibigay ng pag-ibig na walang kapantay sa bayang sinilangan, ang lupa kung saan araw-araw umaalab ang paghahangad sa minimithing kaluwalhatian. 

(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)