Paano maka-survive ang main character sa Metro Manila Heat?

FEU Advocate
April 14, 2024 08:50


Ni Yuichi Desquitado

Sa paglipas ng mga araw, hindi lang panahon ang umiinit, ngunit maging ang mga ulo rin ng Tamaraws. Natunaw na ang sunscreen, walang humpay na ang pagpaypay, at kung ano-anong pagpapalamig na ang ginawa na ng main characters para lamang manatiling fresh ang mga ito habang tinatahak nila ang kani-kanilang kwento ng buhay sa loob ng Pamantasan. In fairness, fresh pa rin daw tayong tingnan. Agree

Sa kabila nito, marami pa ang maaaring gawin para makaligtas mula sa himagsik na dala ng init ng panahon, pero bakit nga ba ang init-init ngayon?

Makikitang sa pagsalubong ng buwan, tila patindi nang patindi ang cravings ng Tamaraws sa samot-saring pampalamig at gawaing makapagpapawi ng init ng panahon. Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang simula ng hot dry season noong ika-22 ng Marso 2024 na mas kilala bilang summer season para sa karamihan ng Pilipino.

Taliwas sa kaalaman ng nakararami, walang summer ang Pilipinas. Ang bansa ay may dalawang uri ng panahon, ang tag-ulan (rainy season) mula Hunyo hanggang Nobyembre at tagtuyot (dry season) mula Disyembre hanggang Mayo. 

Ang tagtuyot naman ay may dalawang hati, ang malamig (cold dry season) at ang mainit (hot dry season). Sa dalawa, mainit na tagtuyot ang nararanasan ng bansa sa ngayon.

Dahil sa lala ng panahon, kabi-kabilang inisyatibo ng mga local government unit (LGU) at pamantasan ang mga ipinasa para sa kapakanan ng mga apektado sa init ng panahon, lalo na ang mga mag-aaral, guro, opisyales, at manggagawa. 

Kamakailan, nagsagawa ng asynchronous class session ang Far Eastern University (FEU) noong ika-8 ng Abril dala rin ng mungkahi ng FEU Central Student Organization (CSO), ang pangunahing pamahalaang pangmag-aaral ng pamantasan, na gawing Wellness Heat Break ang nasabing araw. 

Nasundan naman ito ng dalawa pang holiday, ang Araw ng Kagitingan sa ikasiyam at Eid’l Fitr sa ika-10. 

Sa patuloy na pag-init ng panahon, ano ba ang mga maaaring dulot ng labis na init ng panahon sa atin?

Parang Islang Pantropiko… Not.

Habang ang ilan ay naghahanda sa nagbabadyang beach vibes sa Pilipinas, mahigpit na pinapayo ng iba’t ibang ahensya na panatilihing ligtas ang sarili mula sa epekto ng labis na init ng panahon sa kalusugan.

May apat na antas ang heat index ayon sa epekto sa tao, Caution (27-32ºC), Extreme Caution (33-41ºC), Danger (42-51ºC), at Extreme Danger (52ºC at pataas). Ang matagal na pagkababad sa init ay maaaring magdulot ng labis na pagpapawis, pagkapagod, heat cramps, heat exhaustion, heat stroke, pagkahilo, pagsusuka, at kawalan ng malay.

Maidaragdag pa rito ang sunburn kung sakaling mabibilad naman sa direktang sinag ng araw na maaaring magdulot ng skin cancer at mabilis na pagtanda ng balat.

Mariing payo ng University Health Services ng Pamantasan na iwasan naman ang pag-inom ng mga inuming caffeinated at alcoholic dahil mas nakapagbubunsod ito ng dehydration dulot ng mas madalas na pag-ihi na siyang iniiwasan kapag tag-init.

Hinihimok din ang lahat na iwasan ang paglabas sa kainitan ng panahon mula 10 a.m. hanggang 4 p.m. o kaya’y manatiling nakasilong sa lilim kung maaari.

Sa panahon ngayon, panalo ka kung may dala kang handheld electric fan, pamaypay, o payong dahil nakatutulong din ito sa pagpawi ng init ng panahon. Ugaliin din ang paghihilamos gamit ang malamig na tubig at madalas na pagligo dahil paniguradong malagkit na ang iyong pakiramdam matapos ang isa na namang makabuluhang araw bilang isang main character

“We’re FEU students. Of course, bawal kami mag-shorts.”

Nagpasa na ng mandato ang iba’t ibang paaralan ukol sa dress code policy nito para mas ayunan ang init ng panahon. Pinayagan ng Adamson University ang mga mag-aaral nito na magsuot ng civilian attire bilang panghalili sa uniporme, ngunit kinakailangan pa ring umayon sa student handbook ang susuotin ng mga mag-aaral. 

Samantala, kasalukuyan namang inaayos na ng Mapúa University ang kanilang dress code policy kung saan mas presko para sa mga Cardinals ngunit nakaayon pa rin sa patakaran ng pamantasan ang itatakda nito.

Bukod sa init ng labanan para sa nalalabing eleksyong pangpamantasan, may ilan ring post sa Facebook, lalo na sa One Piyu Community (OPC), na nananawagang payagan ang pagsusuot ng shorts bilang panlaban sa Metro Manila heat

Isa sa mga nananawagan si Kenneth Canque, isang second-year Business Administration (Economics and Law Track) student.

“It’s 33°C but the heat index is 40°C. FEU, give us our shorts. We'll be nice, kahit during summer lang (Nasa 33°C ang init pero aabot sa 40°C ang init na nararamdaman ng tao. FEU, pagbigyan mo na kami sa salawal. Magiging mabait kami, kahit ngayon tag-init lang),” panawagan ni Canque.

Nagpaskil naman ang FEUCSO sa kanilang social media accounts ng survey patungkol sa dress code policy ng Pamantasan ayon sa panahon ngayon. Hinihiling ng pamahalan na malaman ang saloobin at mga nais ng Tamaraws sa pagbabago ng dress code policy dulot ng matinding init ng panahon. 

WR-Painit nang Painit!

Tila mas iinit ang ulo at dugo ng mga Tamaraw nang mag-anunsyo ang tanggapan ng Wellness and Recreation Program (WRP) ukol sa multiple enrollment ng WRP courses. Nakasaad sa anunsyo ng WRP na ibinahagi sa Canvas na graduating student lamang ang maaaring magkaroon ng multiple enrollments ng WRP. Nakasaad din sa anunsyo ang tamang pagkalkula ng oras na kinakailangan para sa nasabing asignatura. 

Kinabahala naman ng ilan ang biglaang anunsyo dahil may ilang mag-aaral na may multiple WRP enrollments ngunit hindi pa naman sila magtatapos ng pag-aaral. 

Isa sa mga nabahala at tila nahihilo sa halong init at pagkabigla si Arabela Badialan, isang third-year Psychology student

Ayon sa mag-aaral, isa rin siya sa ilang mag-aaral na may dalawang WRP courses ngayong semestre kahit na hindi pa siya magtatapos dahil nais niyang agahan ang pagkuha ng asignatura upang hindi ito sumabay sa susunod na taong pangpaaralan. Pinaplano ni Badialan na isabay ang pagsasanay para sa nalalabing pagsusulit para sa mga sikolohistang kagaya niya.

“Nagulat, natakot, at nainis ako. Nagulat ako dahil bakit kung kailan nasa kalagitnaan na ng semester (semestre), saka lang nila inilabas ang policy patakaran, alam naman nilang marami nang nakapag-enroll for this semester (para sa semestreng ito), at matagal na rin tapos ang adjustment period. Natakot ako dahil malapit na akong matapos sa required number of hours (kinakailangang bilang ng oras) ko, tapos ngayon lang malalaman na may ganoong patakaran. Nainis ako, dahil hindi man lang maayos na ipinaliwanag ang patakaran na ito at nagdulot ito ng biglaang pangamba sa mga estudyante,” saad ni Badialan. 

Naunang nabahala ang mga Tamaraw nang mag-anunsyo rin sa kalagitnaan ng semestre ang WRP ng pagsusumite ng waiver form at physical activity readiness-questionnaire. Maaaring maapektuhan ang kanilang pagpasa sa WRP kapag hindi nila sinagutan ang waiver form ayon sa anunsyo. 

Pinaunlakan naman ng tanggapan ng WRP ang hiling ng FEUCSO sa pagpapaliban ng pasahan nito. Sa ngayon, sinusuri at inaayos na ang legalidad ng naturang waiver form.

Samantala, tila isang haluhalo sa tirik na tanghali ang naging imahe ng isa pang anunsyo ng WRP. Binigyang-daan sa “WRP Advisory #10” ang mga mag-aaral na nangangailangan ng dagdag suporta upang matapos ang asignatura o ang Students with Additional Needs (SwANs). 

Bukod sa regular schedule, maaaring dumalo ang SwANs ng tatlo pang WRP session (scheduled man o walk-in), kung saan dalawang sesyon lang ang papayagan kada araw. Bukod pa rito, mas bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral na may karamdaman (with prohibitive medical conditions o wPMC) at may kapansanan mula sa mga SwANs. 

Ang mga student-athlete at mga mag-aaral na may on-the-job training naman na inendorso ng mga departamento ang papayagang mag-walk-in sa mga WRP session.

Ang buhay ay makabuluhan. Hindi lahat ng bagay ay ating mahuhulaan at makokontrol. Ngunit bilang isang main character, hawak natin kung paano tayo haharap sa bawat pagsubok na ipinapataw sa atin. Maaari tayong magkaisa para marinig ang ating mithiin, maaari nating harapin ito nang mag-isa para sa nalalabi nating character development. Sa init ng panahon, subukan nating manatiling fresh dahil ang buhay ay isang pelikula, at ikaw ang bida. Payag ka bang hulas at pawisan sa big screen?

(Dibuho ni Erica Camille Africa/FEU Advocate)