P4,000 buwanang bawas-kita mula Enero, pasakit sa mga drayber—PISTON

FEU Advocate
March 12, 2025 15:55


Ni Shayne Elizabeth T. Flores

Dagdag-pasanin sa mga drayber ng Public Utility Vehicle (PUV) ang tinatayang mahigit P4,000 kaltas sa kanilang kita kada buwan dulot ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng langis mula Enero, ayon sa PISTON.

Sa panayam ng FEU Advocate, inilahad ni PISTON National President at Makabayan Coalition senatorial candidate Mody Floranda ang ginagastos ng mga PUV driver at operator dahil sa oil price hike.

“Mula nung January ay halos P90 per day ‘yung nawawalang kita ng PUV drivers at operators dahil dun sa mga carry na mga pagtaas sa presyo ng diesel. Kapag tiningnan natin ‘yan, halos sa loob ng isang buwan ay… Aabot ‘yan ng mahigit na P4,000 na nawawalang kita, na dapat ito ay nagagamit sa mga pangangailangan ng pamilya ng mga driver at operator,” aniya.

Ayon din kay Floranda, halos P8 ang kabuuang itinaas ng presyo ng diesel nang magsimula ang taong 2025.

‘Paglaro’ sa presyo ng langis

Sa pagbubukas ng Enero, naobserbahan ang tatlong linggong sunod-sunod na fuel price hike.

Sa unang linggo, P1.40 kada litro ang nadagdag sa presyo ng diesel at P1.00 naman para sa gasolina at kerosene. Sinundan ito ng P0.90 dagdag sa diesel, at P0.80 sa gasolina at kerosene.

Naobserbahan naman sa ikatlong linggo ang pinakamataas na dagdag-singil na umabot sa P1.65 kada litro para sa gasolina, habang P2.70 naman ang nadagdag para sa diesel, at P2.50 sa kerosene.

Samantala, matapos ang sumunod na tatlong linggong rollback o pagbaba ng presyo, tumaas muli ang presyo ng langis ng P0.80 kada litro para sa diesel at gasolina, at P0.10 sa kerosene noong ika-18 ng Pebrero.

Sa sumunod na linggo, nagkaroon naman ng dagdag P0.70 kada litro para sa gasolina, P0.40 sa diesel, at P0.20 sa kerosene.

Dulot nito, halos P500 ang nagagastos sa krudo ng Morayta jeepney driver na si Jack Ronquillo.

“Halos kalahati ang nawawala sa [kita] namin… Kung hindi P500, mahigit pa, sa maghapon, sa krudo pa lang ‘yun,” aniya.

Bagama’t nagkaroroon ng rollback, hindi ito sapat para maibsan ang pasanin ng PUV drivers, lalo na’t halos 20 sentimo lamang ang ibinababa ng presyo ng langis ayon kay Floranda.

Nito lamang ikaapat ng Marso, nabawasan ng P0.90 kada litro ang presyo ng gasolina, P0.80 sa diesel, at P1.40 sa kerosene.

“‘Di gaanong [nararamdaman] kasi sa sobrang laki ng tinaas, ilang beses nagtaas, tapos ‘yun lang ang ni-rollback. Parang wala ring nangyari,” puna ni Ronquillo.

Giit pa ng drayber, dapat gawing tuluyan ang pagbawas sa presyo ng langis sa halip na maging panimula lamang ng sunod-sunod na fuel price hike.

“Dapat tuloy-tuloy lang ‘yung rollback kasi pagka-rollback ng piso, tataas na naman sunod-sunod hanggang tatlong piso, doble pa,” dagdag ni Ronquillo.

Para sa pambansang pangulo ng PISTON, halimbawa ito ng ‘paglalaro’ sa presyo ng langis ng mga malalaking kompanya alinsunod sa ipinapataw na value-added tax (VAT) at excise tax sa ilalim ng Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Pinaglalaruan nila ‘yung presyuhan ng presyo ng petrolyo dahil dun sa ilalim ng batas ng VAT at saka excise deregulation tax… Na kung saan na ‘yung mga kompanya na lamang ‘yung nagtatakda ng pagbaba at pagtaas ng presyo,” aniya.

Bunga ito ng Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Act of 1998 na nagpatupad ng liberalisadong industriya ng langis. Nakabatay din ang presyo ng petrolyo sa kagustuhan ng mga pribadong kompanya ng langis imbes na sa gobyerno.

P2 fare hike, pagbasura sa buwis

Isa sa mga inihahaing solusyon ng mga transport group tulad ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines upang pagaanin ang gastusin ng mga drayber ay ang P2 dagdag-pasahe o P15 minimum fare para sa mga jeepney na kasalukuyang inaaral ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

“Kung hindi nila ibababa ‘yung diesel, sana magtaas sila kasi hindi namin kaya. Sa P13 pa lang [na pamasahe]... Napupunta lang sa diesel kasi isipin mo, isang ikot namin kulang dalawang litro, magkano na ‘yun? Mahigit P100. Isang puno namin, P200 na. Malaking bagay ‘yun kung maging P15 ang pamasahe,” ani Ronquillo.

Dagdag pa ni Floranda, karapatan ng mga drayber at opereytor ang paghingi ng dagdag-kita para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Gayunpaman, pansamantalang solusyon lamang ang jeepney fare hike ayon sa isang press release ng PISTON noong Pebrero.

“Bagama’t kailangan ng mga tsuper ng agarang ginhawa, ang pagtaas ng pamasahe nang walang karampatang pang-ekonomiyang reporma ay ipapasa lang ang pasanin sa mga pasahero, na karamihan ay mga minimum wage earner,” saad ni PISTON spokesperson Ely Villena.

Diin pa ni Floranda, kaakibat dapat ng dagdag-pasahe ay ang pagtaas din ng minimum wage na naaayon sa family living wage na P1,227.

Suhestiyon pa niyang dapat maglabas ng executive order si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. upang tuluyang suspendihin ang buwis na ipinapataw sa produksiyon ng langis.

“Mahalaga na harapin ng administrasyon kung paano mapipigil ‘yung patuloy na pagtataas ng presyo ng petrolyo sa pamamagitan ng isang executive order. At siyempre, sa kalaunan ay kailangang ibasura ‘yung sanhi ng mga nagpapahirap sa mga mamamayan, ‘yung Oil Deregulation Law, TRAIN Law, [Expanded VAT]… na kung saan ito ‘yung nagdudulot ng patuloy na pahirap sa ating mga mamamayan,” ani Floranda.

Madalas na rason sa mga pagtaas sa presyo ay ang iba’t ibang balakid sa pandaigdigang merkado na nakaaapekto sa suplay ng langis, gaya ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Subalit, ayon sa Makabayan senatorial candidate, hindi dapat ganap na naaapektuhan ang Pilipinas sa mga agresyong nagaganap sa ibang bansa dahil sa sariling suplay nito sa langis.

“Kailangang kondenahin itong ginagawa ng mga kompanya ng langis, ‘yung ginagawa nilang pinaglalaruan ‘yung presyuhan dahil kung titingnan natin… Batay mismo sa Department of Energy, tayo ay mayroong 45 days of supply ng produktong petrolyo dito sa Pilipinas kaya kahit gumulo sa international market, dapat hindi automatic na tumataas din sa’tin [ang presyo ng langis],” saad niya.

Noong nakaraang taon, halos P5 hanggang P6 kada litro ang naging presyo ng langis bunga ng sunod-sunod na pagtaas simula Oktubre, na siya ring inireklamo ng mga drayber ng PUV.

(Mga kuha nina Alyssa Andrea Quiogue at Zedrich Xyak Madrid/FEU Advocate; Mga larawan mula kay Miguel De Guzman, sa Inquirer at AlterMidya; Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)