NDMOs: Dating problema ng sistema, ‘nanatili’ sa A.Y. 2024-2025

FEU Advocate
August 12, 2024 22:06


Kinondena ng mga national democratic mass organization (NDMO) sa protestang ‘First Day Fight’ ang mga nananatiling polisiya na nakaaapekto sa mga mag-aaral ngayong umpisa ng A.Y 2024-2025 sa harap ng Far Eastern University (FEU) Gate 4 kaninang hapon, ika-12 ng Agosto. 

Kabilang sa mga isyung tinalakay ng mga nagprotesta ay ang pagtaas ng kabuuang bayad sa matrikula at biglaang pagbabago sa sistema ng Wellness and Recreation Program (WRP) ng Pamantasan.

Ayon sa pahayag ng Chairperson ng Anakbayan - FEU na si Alecx Ymson, hindi pa rin nasosolusyonan hanggang ngayon ang mga hinaing ng estudyante noong nakaraang akademikong taon.

“Isang taon na ang nagdaan ngunit pare-parehas pa rin ang mga problema, isang bagong school year ang sumasapit sa atin… Bagong school year na, ngunit ang mga problema ay hindi lamang nanatili ngunit lalong lumalala,” aniya.

Binigyang-diin sa mobilisasyon ang reklamo ng mga Tamaraw tungkol sa kakaunting aktibidad at booking system ng kursong WRP noong mga nakaraang semestre. Ayon sa kanila, imbis na pagbutihin ng Administrasyon, mas pinili pang palitan ang kurikulum na magbibigay ng limitadong aktibidad. 

Samantala, ipinahayag din nila ang kanilang pagkadismaya sa pagtaas ng tuition fee na itinanggi ng Unibersidad sa isang Facebook post.

“Kung wala talagang tuition fee increase na naganap, bakit tumaas ang matrikula nang halos isang libo para sa mga estudyante… Ano ang silbi ng kanilang panlilinlang kung mararamdaman din natin itong pagtaas sa ating mga bulsa?” saad ni Ymson.

Matatandaang P573 lang ang inilahad na pagtaas ng Unibersidad sa miscellaneous fees ngunit nadagdagan pa rin ito ng mga special assessment fee. Depensa ng Administrasyon, ‘tiered’ ang matrikula at binibitbit ang halaga nito bawat taon.

Iminungkahi nila na ang mga isyung ito ay bunga ng kasalukuyang sistema ng edukasyon na mayroon ang Pilipinas.

Kinondena rin nila ang mga isyu sa labas ng Pamantasan, kabilang ang red-tagging ni Senador Bato Dela Rosa laban sa mga progresibong mag-aaral lalo na ang mga NDMO at konseho na ayon sa kanya ay nagsasagawa ng National People’s Army recruitment.

Ayon naman sa Chairperson ng League of Filipino Students - Morayta na si Lavigne Araque, nililimitahan nito ang pagpapahayag ng mga mag-aaral ng kanilang saloobin laban sa mga ipinapatupad na polisiya.

“Nilelehitimo nitong red-tagging ang paggipit sa mga estudyanteng aktibista at nilalagay sa panganib at kapahamakan ang mga mag-aaral ng FEU na nagpapahayag ng pagtutol sa mga represibo at anti-estudyanteng polisiya ng Unibersidad,” saad niya.

Tinutulan din ng mga mag-aaral ang mga usapin tungkol sa jeepney phaseout, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps, at ang patuloy na genocide ng Estados Unidos at Israel sa Palestine

- Cassandra Luis J. De Leon

(Kuha ni Ken Harold Hadi/FEU Advocate)