Nang mawaksi ang pahina ng pagkakakilanlan

FEU Advocate
March 29, 2024 17:02


Nina Niña Amor Malakas at Jasmien Ivy Sanchez

Sa mga lumipas na dekada, patuloy na pinagbubuklod ng pira-pirasong mga papel ang mga karakter sa kwento ng lupang sinilangan. Animo’y mugol ito na naging pundasyon ng kapanatagan ng mamamayang Pilipino.

Sa mga nagdaang taon, patuloy na pinaglalaban at hindi hinayaang mapunit ng anumang pwersa ang pinagtagping identidad. Ngunit, kung patuloy itong pinipilas, paano na lamang maisusulat ang masayang wakas ng istoryang bumuo sa sambayanan?

Kapanganakan ng kasarinlan

Mula 1973 hanggang 1986, waring naiwan ang mga Pilipino sa iisang kabanatang hindi mabuklat sa kabilang pahina. Dala ito ng tibay ng pagkakadikit ng 1973 Constitution na ini-akda ng dating Pangulo na si Ferdinand Marcos Sr. alinsunod sa Batas Militar na kanyang itinatag noong 1972.

Nilalaman ng konstitusyong ito ang diwa ng diktadurya ng dating pangulo pamula sa kanyang terminong walang limitasyon hanggang sa kanyang kontrol sa pagpili ng opisyal ng lokal na pamahalaan. Ang konstitusyon din na ito ang nagkontrol sa midya at impormasyong itataguyod sa mga nasasakupan nito.

Sa paradigma ng pamamahalang ito, 75,730 karapatang tao ang nalabag, partikular sa mga sumubok na labanan ang administrasyon. Sa loob ng 13 taong pagtahak sa nasabing konstitusyon, 3,257 katao ang napaslang, 35,000 ang pinahirapan, at 70,000 ang nabihag

Umikot ang kwentong ito sa pagsupil at pagdurusang sinapit ng mga Pilipino na may kaakibat na panaghoy kung sakali mang tangkaing tumungo sa sukdulan at lumaban sa sinumang may kapangyarihan.

Matapos ang mahigit isang dekadang paglimbag ng kabanatang ito, dumating ang araw na tila naubos na ang tinta upang ipagpatuloy ang pagsulat dito. Mula rito, tuluyan nang narating ng mga Pilipino ang wakas ng istoryang nagdala sa kanila ng paghihinagpis.

Natapos ang yugtong ito nang mapatalsik si Marcos Sr. mula sa kanyang trono sa kapit-bisig ng EDSA People Power Revolution. Alinsunod nito, humalili si Corazon Aquino bilang pangulo at ini-akda ang 1987 Constitution sa kapangyarihan nito. 

Nilalaman ng konstitusyong ito ang mga teritoryo ng bansa, aspirasyon ng mga Pilipino, karapatang pantao, panlipunang katarungan, at kapangyarihan ng bawat sektor ng pamahalaan.

Ilang beses nang tinangkang baguhin ito ng mga nagdaang administrasyon. Kabilang na rito ang mga dating naupong pangulo ng Pilipinas na sina Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo, at Rodrigo Duterte. 

Lahat ng mga terminong ito ay nabigong makamit ang kanilang pagsubok dala ng iisang dahilan— ang oposisyon at kakulangan ng people’s initiative upang mapagtagumpayan ang pagbabago ng konstitusyon.

Mula noon, hindi na natuldukan ang inakdang gawa na siyang naghatid sa mga Pilipino ng kanilang mga karapatan bilang isang mamamayan.

Pagsakop ng balatkayong pagbabago

Bagama’t parating iba’t iba ang hinihiyaw ng mga Pilipino upang masulat ang kanilang mga hinaing, lingid sa kanilang kaalaman ay taliwas sa kanilang mga panawagan ang tinatapunan ng pansin ng pamahalaan.

Kamakailan lamang, sinusian muli ang pintuan sa diskusyong Charter Change, o mas kilala bilang Cha-Cha

Ito ay ang pagbabago ng 1987 Constitution na nais isakatuparan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mas mapaunlakan ang malaking dayuhang pamumuhunan, na magtataguyod upang mapa-unlad ang lumalagong ekonomiya sa Asya. 

Sa pagbabago ng konstitusyon, maaari itong amyendahan o irebisa. Ang mga maisusulong ng pagbabago sa pag-amyenda ay hindi makaaapekto sa kabuuang istruktura at mga pangunahing prinsipyo. Ngunit kapag nais itong rebisyunin, ang mismong istruktura ang magbabago.

Sa kabilang banda, maaring hatiin sa dalawang yugto ang proseso ng pagbabago ng konstitusyon – ang yugto ng panukala at ang yugto ng ratipikasyon.

Ang 1987 Konstitusyon ay maaaring amyendahan sa pamamagitan ng Constitutional Assembly (CON-ASS), Constitutional Convention (CON-CON), at People's Initiatives.

Kung ating hihimayin, ang tinatawag na CON-ASS ay kongreso ang magtitipon para maglatag ng mga pagbabago sa Konstitusyon, kung saan ang mga Kongresista at Senador ang mangunguna sa pagbuo ng mga panukala at kinakailangan ng dalawang-katlo na boto rito. 

Samantalang sa CON-CON naman ay magkakaroon ng mga delegado o kinatawan mula sa mamamayan, at bubuo ng isang grupo na maglalatag ng mga panukalang pagbabago sa konstitusyon at kinakailangan ng dalawang-katlo na boto. Maaari itong magmula sa iba't-ibang sektor ng lipunan kawangis ng mga manggagawa, magsasaka, ekonomista, akademya, at mga katutubong mamamayan. 

Habang sa panghuling aspeto, karaniwang inilalarawan naman ang People's Initiative bilang “Power of the People '' alinsunod sa Republic Act 6735 o The Initiative and Referendum Act. Pinapaliwanag dito na maaaring magmungkahi ang publiko sa mga pagbabago sa konstitusyon sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon, subalit dapat ay malagdaan ng hindi bababa sa 12% ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante.

Kapag tuluyan nang mahatulan ng apruba ang panukala sa unang yugto, sasailalim na ito sa isang pambansang plebisito, hindi alintana kung ginawa sa pamamagitan ng isang CON-ASS o CON-CON. 

Ang mga pagsususog o pagrebisyon ay may bisa lamang kapag naratipikahan ng mayorya ng mga boto, ayon sa Artikulo XVII ng Konstitusyon.

Ang iskedyul ng pambansang plebisito, na itatakda ng kongreso, ay dapat nasa loob ng 60 hanggang 90 araw pagkatapos aprubahan ng katawan ang panukala.

Nararapat na magkaroon ng pampublikong talakayan sa mga pahayagan, sa mga paaralan, kung saan man nagtitipon ang mga tao. Ang ideya ay walang-hanggan na alingasngas sa loob ng panahong pag ganap sa tungkulin bilang mga mamamayan ng isang malayang bansa, na pag-aralan nang mabuti ang mga panukala. Sapagkat nasa mamamayan ang kapangyarihan sa mga pagbabago na ipapataw sa sarili nilang bansa.  

Bulahaw ng nasasakupan

Sa muling pag-alingasaw ng talakayang Cha-Cha, hindi na maiwasan ng publiko na manganak ng agam-agam na ang pagsisikap na pag-amendya rito ay "mapanlinlang at lihis sa layunin".  

Sa gitna ng pangamba, iginiit naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinusuportahan lamang ng kanyang administrasyon ang pagbabago sa charter ng ekonomiya, at hindi upang tuluyang hawakan ang mga amendyahang pampulitika.

Bunsod nito,nagpahayag ng kanyang agam-agam ang mag-aaral at miyembro ng organisasyon na League of Filipino Students. Isa na rito si Nathaniel Asuncion.

Sa panayam ng FEU Advocate, mariing tinutulan ni Asuncion ang suhestiyong Cha-Cha ni Marcos Jr. dahil ani niya, ito ay maka-imperyalista, anti-demokratiko, at hindi maka-mamamayan. 

“Bukod pa rito, maaring manumbalik ang diktaturya, katulad na lamang ng ginawa ng kanyang ama, kung saan dineklara ang Martial Law para makontrol ang pagbabago ng konstitusyon noon. Lalo na’t makikinabang dito [Cha-Cha] ay ang mga Marcos. Para mas ma-consolidate ang kanilang kapangyarihan sa pamahalaan,” paliwanag nito.

Ayon din kay Asuncion, ang mga pangunahing motibasyon na nagtulak sa pagsusulong ng Cha-Cha ay ang pagiging mahigpit ng bansa sa mga foreign direct investments, subalit ani niya na isa lamang itong pantabing.

“Makikita naman natin ito sa mga batas katulad ng Foreign Investments Act of 1991, na tuluyan nang pinapayagan ang mga foreign ownership sa ating bansa. Isa pa, motibasyon din ay ang pagtatayo ng mga military bases sa Pilipinas, para sa balak na gawing battle ground ng U.S. [United States] ang Pilipinas sa gera sa pagitan ng U.S at China,” sambit pa nito. 

Dagdag pa niya, sa dalawang motibasyon na ito ay matatanaw natin na facade lamang ang mga ito nang tuluyan nang maitulak ang Charter Change. 

Masidhing pinaliwanag pa ni Asuncion ang mga potensyal na epekto kung sakaling tuluyang maisulong ang Charter Change sa bansa at mga Pilipino kabilang na ang posibilidad na pagkakaroon ng monarkiya sa pamilya ng Marcos. 

Idiniin din niya ang paglala ng political dynasty sa bawat rehiyon at paghina ng lakas paggawa ng mga estudyanteng Pilipino na magiging manggagawa.

Kaya naman hinikayat ng lider-estudyante na magmulat, mag-organisa, at mapakilos upang makilahok at tumugon sa panukalang pagbabago sa konstitusyon, dahil mas mainam kung mas mapalalim ang ating pagkakaintindi sa isyu at lumaban nang magkakahawak ang kamay na susi sa pagtatagumpay.

Isa rin sa umaalma ang lider-manggagawa na si Ka Leody De Guzman sa mga umaalma sa Cha-Cha. Nang makapanayam ito, inihayag niyang nais ng mga Marcos na manatili sa pwesto kagaya ng dating pangulo na kanilang ama.

Isinaad din ng lider-manggagawa na ang layunin ng Cha-Cha ay hindi para sa masa ng bayan; bagkus, ay para ito sa mga dayuhang kapitalista, elitista, at dinastiyang pulitiko. Kaya naman sa halip na Cha-Cha, nais ni De Guzman na magkaroon ng overhaul sa konstitusyon bunsod ng may langkap itong pag-aalsa ng mamamayan laban sa Batas Militar at sa diktaturya. 

“Baguhin ang electoral system, justice system, educational, cultural, sport system, at economic system. Pati ang sistema ng pakikipagrelasyon sa ibang bansa, gawing konstitusyon para sa kagalingan ng sambayanan at hindi ng iilan,” hirit ni De Guzman.                           

Sa dulo, nararapat lamang na ang mga nasa kapangyarihan ay maglingkod sa bayan at hindi sa dayuhan, sapagkat mulat at hindi mangmang ang sambayanang Pilipino sa implikasyon ng Charter Change

Patuloy ang masa sa pag laban at pag-oorganisa tungo sa rurok ng repormasyon. Kaya naman bilang isang Pilipino, nararapat lamang na gampanan ang ating responsibilidad – maging mabusisi at magkaroon ng kamalayan sa bawat pagkilos na pagbabago na mangyayari sa bansang ating balakid. 

Bagama't hindi perpekto ang pagka-akda sa Konstitusyon, pihadong isang panganib ang ipagkatiwala ang reporma sa mga maniobra ng mga mistulang susuko sa ating soberanya. Nawa’y ang ekonomiya ay hindi mapasakamay sa mga dayuhang kapitalista; bagkus ay ipaglaban ang tunay na pag-unlad at kasarinlan para sa isang makatarungang sistema, kung saan ang kapangyarihan ay nasa kamay ng mga mamamayan.

(Dibuho ni Abilene Reglos/ FEU Advocate)