
Lucky Charms
- April 01, 2025 19:31
FEU Advocate
August 19, 2025 10:50
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Muling binubuhay mula sa nakaraan ang Baybayin sa mga karatula ng kalsada at istasyon ng tren. Ngunit sa halip na magsilbing hakbang tungo sa dekolonisasyon, tila humahantong ito sa pagiging dekorasyon ng isang bansang uhaw sa identidad ngunit patuloy na sinasakdal sa kolonyal na tanikala.
Sumisilay sa mata ng publiko ang Baybayin sa mga signage ng Light Rail Transit (LRT) dahil sa inilunsad na proyektong naglalayong maghatid ng kultural at historikal na kamalayan sa mga Pilipino.
Ngunit sa masusing pagtingin, umuusbong ang tanong kung ito ba’y tunay na pag-angkin sa sariling kasaysayan o panlabas na palamuti lamang sa paghahangad ng kakaibang sistema ng pagsusulat, tulad ng makikita sa Korea, Japan, at Thailand.
Taliwas ito sa mithiing paglaya sa kolonyalismo lalo na’t patuloy na binabansot ang wikang Filipino at iba pang katutubong wika ng mismong mga institusyong dapat nagpapalago sa mga ito.
Guhit ng nakaraan
Unti-unti nang sumusulpot mula sa anino ng kasaysayan ang Baybayin, na dati’y nakaguhit lamang sa mga pahina ng aklat-aralin.
Ginamit na ng mga sinaunang Pilipino ang Baybayin bilang pangunahing sistema ng pagsulat bago dumating ang mga Kastila. Binubuo ito ng mga simbolo o karakter na kumakatawan sa mga pantig, at karaniwang inuukit sa kawayan, kahoy, o dahon ng palaspas.
Itinuturing ang sistema ng pagsusulat na ito bilang sagisag ng panahong pre-kolonyal.
Ito ang patunay na bago pa man dumating ang mga Kastila at Amerikano, mayroon nang matatag na sistema ng pagsulat sa bansa na kalauna’y napalitan ng alpabetong Latin dahil sa kolonyal na edukasyon at Kristiyanisasyon.
Sa modernong panahon, naging biswal itong representasyon ng pambansang pag-aangkin. Isang paraan upang ipahayag na “sariling atin” ang ipinakikita, lalo na sa panahong ang mga imahen at uso ay kadalasang idinidikta ng banyaga.
Batay sa obserbasyon ni Ramri Rivota, isang FEU alumna at pintor ng mural sa Lagusnilad Underpass na may temang Baybayin, nakikita niyang dahilan ang 'Korean Wave' sa muling pag-uusap-usap tungkol sa Baybayin.
“Kasi grabe rin ‘yung influence ng K-pop [Korean pop] and K-drama [Korean drama] lalo na ngayon. Para kasi matutunan ‘yung isang language, dapat may peak ng interest,” saad niya sa panayam ng FEU Advocate.
Samantalang ipinaliwanag naman ni Albert Marcellano, isang guro sa Filipino sa Senior High School, na muling nabubuhay ang interes sa Baybayin dahil mas maraming Pilipino ang naghahangad na balikan ang kanilang pinagmulan.
"Dumarami na ring kabataan ang nagiging aktibo sa mga cultural revival movements at national identity [ng mga Pilipino] dahil na rin sa malaking ginagampanang papel ng social media sa pagpapakilala at pagbibigay-kaalaman tungkol sa Baybayin," aniya.
Para sa maraming kabataan, nagsilbing tulay ang sigla ng K-pop, K-drama, maging ang mga anime mula sa Japan at Boys-Love series mula sa Thailand upang muling mapansin ang katutubong pagsusulat.
Nagbukas ng panibagong pag-uusisa ang paghanga sa kakaibang sistema ng pagsusulat ng Korea: kung sila’y may Hangul, tayo ay may Baybayin.
Sa ganitong paraan, nagiging inspirasyon ang impluwensiya ng mga katabing bansa upang tuklasin ang sariling atin.
Tila paanyaya ang bawat letra at kudlit ng Baybayin upang balikan ang panahong malaya at malikhain ang ating mga ninuno sa pagbuo ng sariling sistema ng pagsusulat.
Subalit sa kabila ng kilusang pangmulat sa kultura, nananatiling totoo na humina rin ang ating kolektibong pag-unawa sa sariling identidad bunga ng pagkawala ng maraming katutubong kasaysayan, paniniwala, at sistemang pangkarunungan.
Sa ganitong lente, hindi rin nakapagtataka na may mga Pilipinong nananabik na ibalik ito bilang pamalit sa nakasanayang sistema ng pagsusulat.
Bagama't may mga Pilipinong nagnanais nito, ipinaalala ni Rivota na maaaring nagmumula lamang ito sa palamuting identidad, o anyo ng pagkakakilanlang mas nakatuon sa panlabas na anyo kaysa sa mas malalim na pag-unawa.
Sa ganitong kalakaran, nagiging produkto lamang ang pag-uungkat sa Baybayin bilang isang ‘cultural branding,’ imbes na maging kasangkapan sa pagpapayabong ng wika sa Pilipinas.
Sa gitna ng malakas na bugso ng impluwensiya ng banyaga at globalisasyon, naghahanap ang mga Pilipino ng sagisag na maipagmamalaki bilang tunay na sariling atin.
Ninais na magkaroon ng katumbas na mga alpabeto ng Korea, Japan, at Thailand upang maipakitang may natatangi rin tayong anyo ng pagsulat at hindi lamang umaasa sa Latin script na ipinasok at ipinataw rin ng kolonyalismo.
Marahil kaya patuloy tayong naghahanap ng sariling atin dahil maging ang paraan ng ating pagsusulat ngayon ay hiram, at hindi likas na umusbong mula sa ating kultura.
Ngunit ang pagkauhaw na ito sa kakaibang pambansang identidad ay hindi lamang simpleng paghahabol sa uso o paghahambing sa ibang bansa.
Nakaugat ito sa matagal na pananakop na nag-iwan ng malalim na puwang sa ating pambansang kamalayan—puwang na hanggang ngayon ay pinupunan ng mga dayuhang modelo ng kultura.
Sa proseso, unti-unting pinutol ang koneksiyon ng mga Pilipino sa sariling kasaysayan at kaalaman. Kaya’t muling binubuo ngayon ang ugnayang iyon sa ating pinagmulan sa pamamagitan ng pagbabalik sa Baybayin.
Subalit, nananatiling bukas ang tanong kung ito ba’y hakbang patungo sa mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa ating wika at kultura, o isa lamang panandaliang tugon sa pagkauhaw sa “sariling atin.”
Kultura sa likod ng kudlit
Bagama’t kanais-nais ang muling pagsibol ng interes sa Baybayin, nararapat lamang na suriin kung dapat ba itong ibalik bilang pangunahing sistema ng pagsusulat.
Ito ay maaaring maging tunay na paglalakbay pabalik sa ugat ng ating kasaysayan o manatiling nagpapakundangan sa mababaw na dula-dulaang pagrespeto sa wika.
Ayon sa guro sa Filipino na si Marcellano, problematiko ang pagbabalik ng Baybayin sapagkat mauuwi lamang ito sa muling sentralisasyon ng pagsusulat.
“May iba pang indigenous writing systems bukod sa Baybayin. Isa na rito ang Hanunuo na ginagamit ng mga Mangyan sa Mindoro. Mayroon ding Buhid at Tagbanwa na ginagamit sa Palawan,” aniya.
Matatabunan ang pag-iral ng iba pang katutubong sistema ng pagsusulat kung patuloy na nakatuon ang atensiyon sa Baybayin habang napapabayaan ang mga ito.
Mas nanganganib nang maglaho ang mga sistemang ito kaysa sa Baybayin. Kaya’t kapag iisa lamang ang pinangangalagaan, lalo lamang natin pinabibilis ang pagbura ng iba pang bahagi ng ating kasaysayan.
Sa ganitong kalakaran, nagiging salungat ang layunin sa pagsisikap na mapanumbalik ang isang simbolo dahil sa maaaring pagkabura ng ibang wika.
Nagbubunga ng isang uri ng “herarkiya ng mga wika” ang ganitong mapagkiling na pagpapahalaga sa mga sistemang gustong alalahanin at sa mga sistemang nais kalimutan.
Sa kontekstong nangingibabaw ang Tagalog sa pambansang kamalayan, tila nagiging pamantayan ang iisang lente ng pagiging Pilipino.
Kung tunay na ingklusibo ang lipunan, nakababahala ang pagtatanghal ng iisang sistema bilang pambansang sagisag ng pagkakakilanlang Pilipino.
Hindi lamang dahil binubura nito ang iba, kung hindi dahil sa pagpapalagay na kaya ng Baybayin katawanin ang napakalawak at masalimuot na kasaysayan at pagkakaiba-iba ng ating mga kultura, gayong may iba pang katutubong sistema ng pagsusulat na kasinghalaga at kapantay ng ating pambansang alaala.
Kaya’t paliwanag ni Marcellano, kabalintunaan ang pagbabalik sa Baybayin sapagkat wala namang masinsinang pag-aaral at pagpapalalim sa wikang Filipino.
“Subalit, ito ay dapat na sabayan ng pagsisikap na palalimin pa ang kaalaman sa wikang Filipino. Hindi sapat ang simbolikong pagbabalik kung hindi ito maiuugnay sa praktikal na paggamit ng wika,” aniya.
Sa kasalukuyan, nangingibabaw pa rin ang Ingles sa edukasyon, negosyo, at gobyerno, pati na sa intelektuwalisadong diskurso habang nananatiling ikalawa at kulang sa prestihiyo ang Filipino sa pormal na gamit.
Kung gayon, lumilitaw ang kontradiksiyon kung saan masigasig ang ilang Pilipino na isulong ang pagbabalik ng isang sinaunang sistema ng pagsulat, ngunit sa aktuwal na praktis, nananatiling mas pinahahalagahan ang wikang kolonyal kaysa sa sariling wika na dapat sanang magsilbing kaluluwa ng Baybayin.
Sa mahabang panahong pananakop, nasakop din ang kaisipan ng mga Pilipino—pinutol ang ugnayan sa sariling kasaysayan, pinawi ang mga katutubong kaalaman, at ipinalit ang mga pamantayang banyaga bilang sukatan ng ‘kaunlaran’ at ’kultura.’
Dahil dito, naging mahirap buoin ang iisang pambansang identidad; sa halip, nabuo ang kaisipang laging nakatingala sa dayuhang impluwensiya.
Mananatili lamang ang Baybayin bilang dekorasyon sa halip na magsilbing daan tungo sa mas malalim na paggamit at pagpapahalaga sa Filipino—isang biswal na pahayag ng ‘nasyonalismo’ na hindi nakaugat sa tunay na pagbabago sa wika at kaisipan.
Kung hindi susundan ng mas malalim na edukasyon at sistematikong integrasyon sa kurikulum at sa pang-araw-araw na komunikasyon, mauuwi lamang ito sa mababaw na simbolo na maaaring anurin sa agos kung ano ang uso.
Pag-ukit sa kurikulum
Sa layong maging buhay ang Baybayin bilang bahagi ng ating pambansang pagkakakilanlan, hindi sapat na ito’y palamuti lamang sa mga karatula o dekorasyon sa damit at alahas.
Kailangang umalpas ang ating pagtanggap dito mula sa mababaw na pagtingin tungo sa mas malalim na pag-aaral at praktikal na paggamit ng ating wika at pagsusulat.
Kaya naman para kay Rivota, malabong maibalik ang sistema ng pagsusulat ng Baybayin sa pang-araw-araw na gamit sa kasalukuyan.
“Mukhang mahihirapan lang tayo mag-adjust at bukod din do’n, hindi rin naman lahat ng tao may akses sa pag-aaral [ng Baybayin],” aniya.
Kung kaya’t payo ni Marcellano, mahalagang magsimula ang prosesong ito sa edukasyon. Mananatili itong mababaw na ‘trend’ na madaling lipasin ng panahon kung hindi ituturo sa mga paaralan ang kasaysayan, estruktura, at praktikal na gamit ng Baybayin.
“Mas makatuwirang hakbang ang integrasyon nito sa edukasyon at sining. Maaaring ituro ang Baybayin bilang bahagi ng kasaysayan at kultura sa mga paaralan,” saad nito.
Dagdag pa niya na hindi ito ang agarang pagbaligtad ng umiiral na kaayusan, ngunit dahan-dahang paglalapat ng Baybayin sa kamalayan ng kabataan hanggang sa ito’y maging likas na bahagi ng kanilang pagkatao at pang-araw-araw na wika.
Kung kaya’t isang panawagan ang nararapat na ibato sa mga tagabuo ng patakarang pangwika: pag-ibayuhin ang integrasyon ng Baybayin at Filipino sa kurikulum mula elementarya hanggang kolehiyo.
Hindi ito dapat limitado sa kaunting leksiyon lamang kung hindi maging sentro ng pang-araw-araw na pagkatuto.
Sa ganitong paraan, matutulungan ang mga mag-aaral na mas mapalalim ang kanilang kaalaman hindi lang sa sistema ng pagsusulat kung hindi pati sa kasaysayan at kultura na bumabalot dito.
Higit pa rito, kailangan ding idekolonisa ang ating sistema ng edukasyon.
Sa kasalukuyan, malakas pa rin ang dominasyon ng Ingles bilang pangunahing wikang ginagamit sa pormal na edukasyon, agham, negosyo, at gobyerno.
Malinaw na isinasantabi ng ganitong kalakaran ang Filipino at mga katutubong wika, dahilan ng mga hadlang upang pahalagahan ang kultura at mga wika sa ating bansa.
Sa pagkilala sa kahalagahan ng wikang pambansa, kailangang isabay ang paghirang dito, kasama ang iba pang katutubong wika, bilang mga intelektuwalisadong wika na nagbibitbit at nagpapadaloy ng kaalamang Pilipino.
Sa kabilang banda, bukas ang posibilidad na gawing tulay ang Baybayin upang isakatuparan ang mas malawak na layunin: ang dekolonisasyon ng wika, pagsusulat, at kaisipang Pilipino.
Sapagkat mapapako sa pagiging dekorasyon ang anumang pagbabalik sa nakaraan kung walang pag-uugat sa mga suliranin ng kasalukuyan.
Sa kasalukuyang panahong patuloy na sinisikil ang ating mga wika, higit na mahalaga ang pagbibigay-buhay sa mga ito kaysa pagbabalik sa anyong matagal nang naputol sa ating kamalayan. Kung tunay na dekolonisasyon ang hangad, unahin nating palakasin ang mga wikang aktibong humuhubog sa ating identidad. Sapagkat walang saysay ang pagbabalik sa lumang titik kung tinatalikuran ang mga salitang humuhubog sa ating kasalukuyan.
(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)