Mga Kasangkapan sa Pagluluto ng Pagmamahal

FEU Advocate
October 28, 2025 11:45


Mga Sangkap:

  • Isang pusong handa (kahit may lamat, basta nananabik)
  • Dalawang mata na marunong humanga
  • Isang kurot ng kilig
  • Isang tasang tiwala
  • Ilang dakot ng mga munting pantasya
  • Tadtad ng ngiti
  • Tatlong kutsara ng tawanan (‘wag tipirin)
  • Isang patak ng panganib (pampalasa ng tapang)
  • (At kung gugustuhin) Isang budbod ng tadhana, kung may mabibili sa palengke ng pagkakataon

Paraan ng Pagluluto:

1. Palambutin muna ang puso - Kung matigas pa sa trauma at naiwang malamig, hayaang unti-unting matunaw sa init ng mga bagong alaala. Huwag itong madaliin, mas sumasarap ang timpla kapag dahan-dahan.

2. Linisin ang paningin - Tanggalin ang bakas ng pagdududa at takot. Kapag may nakita kang ngiti na parang umaga sa gitna ng ulan, huwag kang agad lilingon. Baka iyon na ang simula.

3. Ihalo ang usapan sa kaunting hiya - Kaunting titig, kaunting biro, at kaunting ngiti. Haluin hanggang maging natural. Huwag sosobra sa tanong, baka masunog ang kilig.

4. Timplahan ng tawanan - ‘Yan ang pampaalsa ng puso. Kapag kayong dalawa ay sabay na humahalakhak, nasa tamang landas na—umaalsa na ang damdamin.

5. Pakuluan sa atensiyon - Makinig nang maigi. Hindi lang sa mga salita, kung hindi sa pagitan ng mga ito. Ang tunay na pakulo ng pag-ibig ay ‘yung kaya mong makinig kahit walang sinasabi.

6. Dagdagan ng maliliit na kilos - ‘Yung pag-ayang magkape bago pumasok sa klase, ‘yung text na “ingat ka,” o ‘yung pag-alala kung kumain na siya. Mga munting rekado ng lambing na nagpapasarap sa lahat.

7. Lagyan ng kaunting anghang - Isang sulyap na medyo matagal, isang biro na may halong pang-aakit. Pero tandaan: ang sobrang init ay nakapapaso. Dahan-dahan lang sa apoy.

8. Pagpahingahin muna - Hayaang magpahinga ang timpla. Ang pag-ibig ay hindi minamadali sapagkat ito’y mas sumasarap habang tumatagal, lalo na kapag sinabayan ng tiwala at tahimik na pag-alaga.

9. Tikman - Tanungin ang sarili: Masarap ba? Tama na ba ang timpla? Kung ang bawat titig ay parang bagong lutong adobo na siyang mabango, mainit, at may halong saya’t takot—aba, ayan na ‘yon. Nahulog ka na.

Mga Paalala ni Kusinerong Tamolito:

  • Hindi eksakto ang sukat sa pag-ibig. Minsan sobra kang magmahal, minsan kulang. Pero ayos lang ‘yan, ang mahalaga ay nagmamahal ka.
  • Huwag mong ihain nang malamig o madaliin. Ang pag-ibig, gaya ng kape, ay mas masarap kapag mainit at totoo.
  • Sa pagkakataong masunog man, huwag agad itapon. Itabi nang saglit at matuto sa timpla. Dahil sa pagkakataong makapagluto muli, mas matututuhan mo na kung paano magmahal nang hindi nasusunog ang puso.

- Je Rellora

(Dibuho ni Patricia Anne Perez/FEU Advocate)