
FEU Advocate
August 12, 2025 18:17
Hindi inakala ni Janine na ang mga mapanuri at minsang magaspang niyang pagpuntirya sa kulay ng mga foundation o mapuputlang lipstick—na dati’y libangan pagkauwi galing paaralan—ang magdadala sa kaniya ng mga manonood sa TikTok. Nagkaroon siya ng mga tagahangang kabataan na nabigyan ng tapang na sumang-ayon sa kaniyang mga salita at pagkukusang magsimula ng sarili nilang diskurso.
Sa lakas ng kaniyang tinig, lumalawak ang atensiyong nakukuha ng kaniyang ipinaglalaban—pantay na representasyon ng mga Pilipino sa mga produktong pampaganda.
Kalaunan, inalok siya ng isang kilalang kompanya na makipagtulungan kasama ang mga pangakong pagkakakitaan, gagawing mas kilala ang pangalan, at pagkakataong mabisita ang mga lugar na hindi niya pa naisip puntahan.
“Sa wakas, mabibigyan na ako ng mas malaking plataporma para sa mga pinaninindigan ko,” naisip niya.
Ngunit matapos ang kaniyang unang komentaryo tungkol sa kalidad ng bagong produkto, isang mensahe mula sa kompanya ang dumating. Ipinilit nilang ulitin ang bidyo, bawasan ang puna, at bigyang-diin ang mga positibo.
Hindi niya ito binigyan ng malisya. “Unang pangyayari lang naman ‘yon. Walang masama kung magkakaroon ng kaunting kompromiso.” Subalit habang tumatagal, mas dumarami na ang napupuna sa kaniya.
“Hindi mo kailangang palakihin o gawing komplikado ang opinyon mo.”
“Sabihin mo ‘yung makabubuti sa reputasyon ng kompanya.”
“Huwag mong siraan ang produkto, paano ka makabebenta?”
Unti-unti, inirerekomenda na rin niya ang pinunang foundation dahil sa kulang na pagpipiliang kulay; ang blush na hindi pumupula ay pinagpipilitang dagdagan na lamang ang lagay; at ang lipstick na halatang hindi tugma sa kaniyang kulay ay sinasabi niyang ‘bagong uso.’
Sa bawat komentaryong kontrolado, nabibigyan siya ng kapalit—malaki o maliit na kabayadan depende sa kaniyang salitang pinipili—kaya unti-unting humina ang boses na noon ay ipinagmamalaki niya. Ngayon, naging kahimig na lamang siya ng mga sumusunod sa iskrip: nakikinig nang mabuti, walang sariling opinyon, at umiiwas sa panganib.
Kung tutuusin, ano pa ang magagawa niya kung sa simula pa lamang ay limitado na ang mga pagpipilian sa larangang ito? Bilang batang nagsisimula, alam niya na bihira ang ganitong pagkakataon.
Isusugal niya ba ang mga pinangako sa kaniya—mga pangarap, mga lugar, at angat na estado sa buhay—para sa kalagayan ng industriyang walang intensiyong harapin ang pagbabago? O tuluyan na lang bang makikinig sa mga binubulong at isuko ang integridad kapalit ng pananatili sa mabuting panig ng karamihan?
Tinangka niyang hanapin ang dahilan sa likod ng kaniyang mga naging desisyon sa mga sulok na nagbibigay sa kaniya ng kapanatagan, ngunit humarap na lang siya sa katahimikan at bigat ng konsensiya. Sa sandaling iyon, napagtanto niyang hindi na kaniya ang boses na ginagamit niya, kung hindi ay pag-aari ng mga nasa likod ng kamera.
Hindi niya alam kung ang kaniyang ginawa ay kasakiman o pagbabalewala, ngunit pinili niyang manahimik sapagkat iyon lamang ang may katiyakan. Sa likod ng katahimikan, patuloy na kumakatok ang mga kinikimkim niyang katotohanan—hindi tumitigil, hindi naglalaho, sadyang itinatago.
- Russell Ognes
(Dibuho ni/FEU Advocate)