Mapagparusang pisara: Dagok ng mga bayaning nagtuturo

FEU Advocate
July 09, 2024 12:57


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Bayani kung maituturing ang mga gurong nagsusumikap para sa mga bagong sibol ng lipunan. Mula sa mga inhinyero, doktor, nars, abogado, artista ng bayan hanggang sa mga pulitiko ng bansa, lahat ng mga ito ay dumaan sa kalinga ng mga nagtitiis na guro.

Ngunit, sa likod at harap ng pisara ay ang kanilang pagdurusa mula sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang pasahod, at kulang-kulang na kagamitan sa silid-aralan.

Kaya isang malaking katanungan mula sa taong bayan, sapat pa rin ba ang mga papuri sa kanilang kabayanihan? Paano naman ang kanilang pinansyal na pangangailangan?

Kitang kakarampot

Bunga ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi maitatanggi ang pag-aray ng mga Pilipino, partikular na ng mga pampublikong guro.

Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 3.9 na porsyento ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Mayo. Mas tumaas pa kumpara sa 3.8 porsyento noong Abril. 

Kasabay pa ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay ang kakarampot na sahod na natatanggap ng mga guro.

Batay sa Salary Standardization Law na naisabatas noong 2019, nasa P27,000 ang sinasahod ng mga entry-level na guro.

Sa panayam ng FEU Advocate sa isang public elementary school teacher na piniling hindi magpakilala, sapat ang sahod na ito kung mapupunta lamang sa personal na pangangailangan at walang anak na pinapaaral.

“Ang P27,000 ay sapat sa pangangailangan ng isang pamilyadong guro na walang pinagaaral sa kolehiyo, pero sa pamilyadong guro na may anak na nagaaral ito ay maaring kulang,” diin nito.

Ayon naman kay Kim Jalotjot, isang Teacher III na guro mula sa pampublikong paaralan sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, hindi rin sapat ang P27,000 na pasahod sa mga titser.

“Bilang isang pampublikong guro na mahigit isang dekada na rin sa aking propesyon, masasabi kong hindi sapat ang sahod namin. Patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at mga serbisyo, ngunit nananatiling mababa ang sahod,” saad niya.

Sinambit ng guro na hindi niya makita ang sarili na manatili pa sa Pilipinas bunga ng kaniyang kasalukuyang sitwasyon. 

“...Isa sa mga plano ko ay maging guro sa ibang karatig bansa na kung saan may mataas na sahod," dagdag pa ni Jalotjot.

Tiyak na isa itong babala sa pamahalaan. Kung patuloy na maisasantabi ang sakripisyo ng mga guro, unti-unting mauupos ang mga nagsisilbing tanglaw ng kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng lipunan.

Pasakit sa bulsa

Matapos ang ilang taong pagsusulong ng mga guro at ibang nag-aalalang mamamayan, pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nitong Hunyo ngayong taon ang Kabalikat sa Pagtuturo Act o ang Republic Act No. 11997.

Layunin ng batas na ito na tulungan ang mga guro sa pamamagitan ng pagtataas ng teaching supplies allowance mula sa kasalukuyang P5,000 na magiging P10,000 sa susunod na panuruan.

Ayon kay Jalotjot, laging ipinagpapasalamat ng mga guro ang ganitong hakbangin, ngunit kaniyang ipinagtapat na hindi sapat ang P10,000 bilang teaching supplies allowance sa isang taon.

”Nakalulungkot mang isipin, kahit na may MOOE [Maintenance and Other Operating Expenses]  ang bawat school, taon-taon pa ring naglalabas mula sa sariling bulsa ang mga guro upang maging maayos ang silid-aralan,” saad nito.

Ipinaliwanag din niya na mas madalas daw na ang mga guro ang gumagastos para sa pambili ng pintura, pagpapaayos ng mga upuan, pagpapakumpuni ng palikuran, at pagkakaroon ng mga bagong electric fan at iba pang kagamitan sa silid-aralan.

Sumang-ayon din ang hindi nagpakilalang public elementary school teacher na hindi sapat ang P10,000 na teaching supplies allowance.

“Hindi, kasi ‘di lang chalk (yeso) ang supplies na kailangan ng guro,” aniya.

Idiniin ng guro na may natatanggap silang supplies mula sa MOOE, ngunit hindi sasapat ang P10,000 para sa pintura at iba pang bagay na kailangan para makapagbigay ng magandang visual aids sa mga mag-aaral.

Bunsod ng ganitong sitwasyon, may mga pagkakataon na hindi nila mapigilang maglabas ng pera mula sa sariling bulsa.

”Noong unang taon ng aking pagtuturo napilitan ako maglabas ng pera ko para pangbaon at pang-recess ng aking mag-aaral para ito ay makapasok,” dagdag pa nito.

Walang halong pag-aalinlangan, karga ng mga kaguruan ang mga problemang dapat gobyerno ang pumapasan. Kahit saang anggulo tingnan, maling-mali ito. 

Ang trabaho ng guro ay gumabay at magbigay-aral sa mga estudyante, hindi ang punan ang kakulangan ng pamahalaan. 

Kakarampot na nga ang kinikita, nababawasan pa ito dahil sa mga gastusin na kung tutuusin ay hindi na dapat bahagi ng kanilang mandato at responsibilidad.

Kabayanihan man ito sa tingin ng iba, pero ang katotohanan ay ang mga guro na nagtitiis at nagbibigay simpatya ay silang tiyak na dehado.

Pag-ukit ng makatarungang pasahod

Taong 2019 nang pirmahan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang Salary Standardization Law na ang layunin ay itaas ang sahod ng mga kawani ng gobyerno kabilang na ang mga guro sa mga taong 2020 hanggang 2023.

Bago pirmahan ang batas noong 2019, tumatanggap ng P20,754 ang isang titser na may Salary Grade 11. Dala ng Salary Standardization Law, tumaas ito sa P27,000 na napapakinabangan na ngayon ng mga entry-level na guro.

Ngunit ayon sa ilang mambabatas, sa kabila ng pagtaas ng sahod ng mga guro na natapos noong 2023, hindi pa rin ito sapat para matawag na nakabubuhay na sahod.

Kaya naman inihain nina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, GABRIELA Rep. Arlene Brosas, at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. France Castro noong Pebrero ang House Bill No. 9920. Hangarin ng panukalang ito na itaas sa P50,000 ang minimum monthly salary ng mga guro.

“Layunin ng panukalang batas na ito na taasan ang minimum wage ng mga guro, na matagal nang napag-iwanan at hindi na nakasasapat,” saad ng ACT Teachers Party-List sa isang paskil sa X.

Panawagan din ni Jalotjot na sana bigyang prayoridad ang paglalaan ng mas malaking badyet sa sektor ng edukasyon para matugunan ang mga problemang dapat noon pa binigyang solusyon.

“Sa ngayon tatlong bagay ang sa tingin ko ay dapat nilang pagtuunan ng pansin: (1) Pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga guro, (2) pag-update ng kurikulum, at (3) pagbibigay ng mga makabagong pasilidad at kagamitan sa mga paaralan,” paliwanag niya.

Nananawagan naman ang public school teacher na mabigyan ng scholarships ang mga batang nasa basic education mula sa pampublikong paaralan upang punan ang kanilang learning materials na kinakailangan.

“Unang-una ay malaking badyet para sa mas makabagong teknolohiya gaya ng tablet, smart TV at iba pa. Gayundin ay mas mabigyan din ng badyet ang kakulangan ng classroom at upuan sa mga paaralan upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mag-aaral at mas makapokus sa talakayan,” sambit niya.

Ang mga guro ay hindi lang basta tagapagturo, sila ang pundasyon ng kaalaman na pinakikinabangan ng mga kabataan at nagsisilbing inspirasyon tungo sa matagumpay na kinabukasan.

Kaya walang duda, ang mga guro ay mga bayani ng modernisadong lipunan na nagtitiis para sa mga tagapagmana ng bayan. Ngunit sa kabila ng pagkilala, marapat din nilang makamit ang sahod na marangal at tamang pagpapahalaga tungo sa buhay na makatarungan.

Mahalagang maunawaan na kailanman, hindi sasapat ang mabubulaklak na papuri para sa mga kaguruan, kailangan din nila ng totoo at nakaaangat na malasakit na mag-aalis ng kanilang pagdurusa at magtataas ng kanilang pamumuhay maging sa likod man o sa harap ng pisara.

(Dibuho ni Abilene Reglos/FEU Advocate)