
Two women held hostage in Recto
- February 19, 2025 14:25
FEU Advocate
September 01, 2025 21:21
Ni Marcus Isaac Bandong
Ipinagmalaki ng Far Eastern University (FEU) Jin na si Jay-ar Casas ang nasungkit niyang dalawang bronze medal sa kaniyang pagrepresenta sa Pilipinas sa 17th ASEAN Taekwondo Federation Championships (ATF) noong ika-18 hanggang ika-21 ng Agosto, sa Nha Trang, Vietnam.
“Sobrang saya at malaking karangalan po na nairepresenta ko ang FEU, at higit pa doon ang Pilipinas sa aking unang international tournament na ginanap sa Vietnam. Hindi po biro ang responsibilidad na bitbitin ang pangalan ng paaralan at bansa, pero ang experience na ito ay nagpatibay sa akin,” saad ni Casas sa panayam ng FEU Advocate.
Nakuha ng Tamaraw ang kaniyang unang medalya matapos magtala ng 73 puntos sa individual freestyle poomsae.
Sunod na nasungkit ng green-and-gold athlete ang ikalawang medalya sa team freestyle event ng torneo kung saan naka-iskor ang Pilipinas ng 72.666 na puntos.
Naging katuwang ni Casas sa team freestyle event ang mga kapwa-atleta mula sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), kabilang sina Jeus Yape at Vincent Rodriguez ng University of Santo Tomas, at sina Zyka Santiago at Sofia Ignacio ng De La Salle University.
Lubos namang pinasalamatan ni Casas ang kaniyang mga coach at teammate matapos masungkit ang dalawang medalya para sa Pilipinas.
“Hindi naging madali, dahil marami kaming [naging] sakripisyo; pawis, oras, at luha binuhos namin sa training. Pero dahil sa guidance ng mga coach at sa tulong ng mga teammates ko nakayanan ko lahat ng paghihirap,” aniya.
Naiuwi ng dalawang koponan ng Vietnam ang gold pati silver na medalya sa parehong individual freestyle poomsae at team freestyle event.
Matapos ang matagumpay na kampanya sa Vietnam, handa nang ipamalas ni Casas ang kaniyang mga natutuhan at naranasan para sa paparating na UAAP Season 88.
Ang ATF ay isang kompetisyon kung saan iniimbitahan ang mga taekwondo athlete mula sa Timog-Silangang Asya upang mabigyang pansin at paunlarin ang larangan ng taekwondo.
(Litrato mula sa FEU Poomsae Instagram page)