
Konsyumer, tindera ng baboy, umaray sa epekto ng ASF
- September 03, 2024 15:20
FEU Advocate
August 11, 2025 19:33
Muling lumitaw ang isang lumang pamahiin na matagal nang nakabaon sa aking isipan.
Magpagpag ka muna pagkagaling mo sa burol, para hindi ka sundan ng multo.
Hindi ko rin alam kung bakit ko ‘yon naalala. Isang araw na lang bago ako magsimula bilang mag-aaral sa kolehiyo, at sa halip na kaba at tuwa ang bumalot sa akin, may kung anong bumabagabag sa dibdib ko—tila bigat na marahang dumaragan, ayaw akong tantanan.
Sa gitna ng sarili kong kalituhan, may katahimikan na dumaan—sa sandaling iyon, may isang tanong na nanatili.
Kakayanin ko bang makalaya sa mga multong ako mismo ang nagpasan?
Muli akong ibinalik ng aking mga paa patungo sa harap ng gusaling aking nakasanayan sa loob ng dalawang taon. Kompara sa mga naunang taon ng aking pag-aaral, dito ko natutuhan kung gaano kabilis tumatakbo ang oras—lalo na sa mga minamadaling proyekto, sunod-sunod na pasahan, at sa mga pagsusulit na tila walang katapusan.
Nakatatawa. Sa dami ng kailangang habulin noon, ngayon lang ako nasabayan ng mga panahong palihim nang lumipas.
Habang nilulunod ako ng mga alaala, kusa naman akong napatungo sa suking karinderya sa tabi ng kampus. Umaalingawngaw pa rin sa dingding ang mga boses naming magkakaibigan. Puno ng sigaw at tanungan kung paano kami magsasama-sama pagtuntong namin sa kolehiyo.
Ngayon, hindi na namin alam ang sunod na hakbang sa buhay ng bawat isa.
Huli kong nakita ang sarili kong naglalakad sa kalapit na ospital—ang lugar na pinili kong paglaanan ng sampung araw para sa aking praktikum noong ika-12 na baitang. Dito ko unang nasilayan kung paano ang daloy sa propesyong medikal: pagbabantay ng pasyente, pakikisama sa katrabaho, at pagkatuto mula sa mga nakatataas.
Isang mundong puno ng aral, ngayo’y tila daang hindi ko na muling magagawang tahakin sa kolehiyo.
Noong tuluyan nang lumubog ang araw, tumungo ako sa paradahan ng mga bus. Doon ko lang naramdaman ang dami at bigat ng mga multong kumakapit sa’kin.
Siguro, ito na ang tamang sandali para pagpagan ang sarili ko bago ako umuwi.
Tumingin ako sa bintana at pinagmasdan ang mga anino ng nakaraan at panghihinayang na unti-unti nang lumalayo sa akin. Iniwanan ko man ngayon, alam kong nariyan pa rin sila’t nakabinbin sa paradahan.
Pagbaba ko ng bus, agad kong naramdaman ang gaan.
Gaan na kahit sumagi man sila sa isip ko o madaanan sa paradahan, alam kong tuluyan na silang lumiban sa akin—hindi na makasasabay o makasasama sa bagong paglalakbay na aking tatahakin.
- Russell Ognes
(Illustration by Iya Maxine Linga/FEU Advocate)