
'Pillars of strength to others': FEU admin declines students' request for acad break
- April 10, 2021 20:00
FEU Advocate
August 31, 2025 18:35
Ni Randy Espares Jr.
Kakaibang handa ang inihain ng Far Eastern University (FEU) Theater Guild (FTG) bilang paggunita sa ika-91 taon ng kanilang pagkakatatag. Dadalhin ng kapisanan ang mga manonood sa munting tahanan ng isang mag-asawa sa Zamboanguita, Negros Oriental, kung saan naghahalo ang pag-ibig, komedya, at misteryo. Tiyak na mapapakagat ang madla sa kanilang bagong produksiyon na ‘Karne’ na magbubukas simula ika-11 ng Setyembre.
Bago ang opisyal na pagpapalabas, nagsagawa ang FTG ng ‘Press Preview,’ kung saan naimbitihan ang ilang mga piling organisasyon, mag-aaral, at influencers, para mapanood ang Karne.
Isinulat at dinerek ng Philippine Educational Theater Association Senior Artist-Teacher at artistic director ng FTG na si Dudz Teraña ang dula na hango sa maikling kuwento ni Roald Dahl na ‘Lamb to the Slaughter.’
Sinusundan ng Karne ang kuwento ng mag-asawang Mary (ginagampanan nina Maria Mayano, Julia Nicole Ramas, at Janae Dionisio) at Patrick Patrosa (RB Pascua, Aaron Bayani, at Arvin Javier), habang hinaharap nila ang mga pagsubok sa kanilang buhay mag-asawa.
Kasama rin sa kuwento ang mga kaibigan ni Mary na sina Dante (Jonas Cunanan, Renz Dotillos, at Jharelle Villalobos), Ellen (Dianne Andallo, Maria Ysabel Delos Reyes), at Maloi (Bjorn Pestaño, Margarita Barrameda, at Sheila Peralta).
Tampok din ang iba pang taga-Barangay Lutoban tulad nina Mrs. Poblacion (Cassandra Herilla, Irish Oliveros, at Trisha Tan) at ang kaniyang apo na si Estong/Estang (Lorenze Moral, Nash Desonyo, at Heleina Li), at tinderong si Samuel (Julian Anabo at Migi Mesina).
Sa kwentong nakapaloob noong dekada 1980 kung saan kasagsagan ng Batas Militar sa Pilipinas, makikilala rin ng mga manonood ang mga kasamahang pulis ni Patrick na sina Police Lieutenant Elnar (Arvin Javier, Shawn Tarala), Patrolman Enopia (Kristian Samson, Justin Abalos), at Patrolman Credo (Dave Bambang, Kirstan Orbegoso).
Unsa nga pinulongan ang imong gisulti?
Bagaman hango sa isang banyagang kuwento, hinubog ng FTG na gawing natatanging Pinoy ang istorya sa pagtatampok ng adobo—isang sikat na putahe sa bansa. Bukod pa rito, higit pang pinayaman ang dula sa paglalangkap ng sariling kultura sa pamamagitan ng mga disenyo, karakter, at higit sa lahat, ang paggamit ng wika.
Dahil sa Zamboanguita, Negros Oriental ang tagpuan ng dula, nangingibabaw ang paggamit ng wikang Cebuano (Bisaya) at Filipino ng mga tauhan, na paminsan-minsan ay hinahaluan ng Ingles.
Buhat sa pagkahumaling ni Teraña sa wika, kinailangan ng mga aktor na matutong magsalita ng Cebuano, mula sa tamang bigkas at tono, sa tulong ng kanilang kaisa-isang kasaping nagsasalita nito na si Peralta.
“Fascinated talaga ako ever since sa Bisaya, I don’t know, ‘di ako nagbi-Bisaya; in fact, sa Theater Guild, isa lang ‘yung nagbi-Bisaya. So sabi ko, it’s a great challenge for us, may beauty kasi siya kapag napapakinggan mo, kapag nakikinig ako sa salita ng Cebuano or any language sa Bisaya para akong nagagandahan parang gano’n, may tone siya,” saad ng direktor sa press preview.
Kahit hindi bihasa sa Cebuano ang karamihan sa kanilang miyembro, umani pa rin ito ng papuri mula sa mga manonood dahil sa husay ng mga aktor sa paggamit ng wika, na para bang nagmula sila mismo sa naturang rehiyon.
“It’s something na very praiseworthy, lalo na with the cast, kasi you were able to deliver it in such a way that it sounded na you were natives to the language (Isang bagay ito na talaga namang kapuri-puri, lalo na dahil sa cast, kasi naihatid ninyo ito sa paraang parang kayo mismo ay katutubo sa wika),” ayon sa isang manonood sa kanilang press preview.
Ipinapakita lang nito ang puspusang pagsusumikap ng mga aktor upang isakatauhan at buhayin ang kanilang mga ginagampanang papel.
Nindot kaayo ang imong balay!
Bilang bahagi ng kanilang misyon na iparanas sa manonood na bahagi sila ng istorya, dinisenyuhan ng FTG ang FEU Center for the Arts (FCA) Studio upang magmistulang isang bahay-probinsiya na mayroong mga kaldero, kalan, at gumaganang lababo.
Maihahalintulad ang disenyo ng kanilang entablado sa mga dulang may sapat na pondo, kaya mas kahanga-hanga ang naturang set design dahil inamin ng direktor na karamihan sa kanilang mga kagamitan ay recycled lamang.
“One thing po, recycled ang mga production kasi po mayroon pong protocol ang FEU na dapat recycled lahat,“ paliwanag ni Teraña.
Si Beatrize Villareal, isang estudyante ng FEU, ang punong taga-disenyo ng entablado para sa produksiyon ng kapisanan ng Karne.
Kabilang sa mga bumubuhay sa entablado ang masinop na paggamit ng ilaw at musika na nagbibigay-diin sa mga tauhan at pinatitingkad ang damdamin sa bawat eksena. Bukod sa mahusay na pag-arte at pagsulat ng iskrip, ipinakikita rin ng dula ang kahusayan ng FTG sa teknikal na aspeto.
“The use of lighting was actually genius in this performance… Everytime that somebody would say something… kada isang light bulbs would light up and then ‘yung sectioning ng set just to put focus on one’s thought versus the other (Ang paggamit nila ng ilaw ay talagang matalino sa pagtatanghal na ito… Sa tuwing may magsasalita, iilaw ang isang bombilya, at pagkatapos ay ‘yung pagkakabahagi ng set ay para lang bigyang-pokus ang iniisip ng isa kompara sa isa pa),” wika ng isang miyembro ng madla sa press preview.
Ang mga estudyante ng FEU na si Shawn Tarala, ang namumuno sa teknikal at musikal na disenyo, habang si Dave Bambang naman ang namamahala sa disenyo ng ilaw.
Hindi makokompleto ang dula kung wala ang mga kasuotan sa pangangasiwa ni Justin Abalos na isinakatawan ng mga karakter upang sila ay magmukhang nasa dekada ‘80.
Makikita na pinag-isipan talaga ang Karne hanggang sa maliliit nitong detalye, mula sa buhok ng karakter ni Ellen na tila mula sa isang lumang magasin, hanggang sa mga uniporme ng kapulisan na talagang ibabalik ka sa panahon ng Batas Militar.
Lisod gyud kaayo ang pagluto!
Ayon sa direktor, dumaan sa madugong produksiyon ang dula bago ito makompleto upang maisakatuparan ang layuning ipakita ang tema ng realismo.
Kinakailangang sumailalim ang bawat eksena at diyalogo sa masusing mata ng direktor at mga miyembro upang ipadama sa mga manonood ang makatotohanang larawan ng buhay noong dekada 1980.
Dagdag pa ni Teraña, isa ang Karne sa mga pinakamahirap na dula na kaniyang binuo sa Pamantasan.
“Napagod ako dito, ito ‘yung pinaka-nakakapagod kong play sa FEU. Hindi ko alam kung bakit, kasi ang hirap ng realism, mahirap magpanggap,” aniya.
Kabilang sa mga dating produksiyon ng FTG sa mga nakaraang taon ay ang ‘Niyebe: Isang Musikal,’ ‘Ang Pinakamakisig sa mga Nalunod sa Buong Daigdig,’ ‘Agnoia,’ at ‘Ang Unang Aswang.’
Sa kabila ng hamon, nagpatuloy sa pagluluto ang FTG. Gaya sa kusina na gamit ang lahat ng sangkap—mga talentadong aktor, malikhaing creatives, at mga kahanga-hangang indibidwal sa likod ng entablado—sila ay nakapaghain ng isang ‘Karne’ na masasabi mong kumpletos rekados.
Mapapanood ang Karne simula ika-11–13, 18, 25–27 ng Setyembre; ika-2–4, 9–11, 16–18, 23, at 30 ng Oktubre; at ika-6–8 ng Nobyembre, tuwing Huwebes hanggang Sabado sa ganap na 6:30 p.m. sa FCA Studio na matatagpuan sa Ground Floor ng Engineering Building.
(Kuha Ni Aleena Louise Abad/FEU Advocate)