
Lady Booters end elims with 7-0 win against AdMU
- May 04, 2024 11:50
FEU Advocate
March 24, 2025 19:00
Bente Kwatro
Ni Mark Vincent A. Durano, Patnugot ng Balita
Maraming paraan upang makapagpahinga. Maaaring ito’y limang minutong pagpikit, paglanghap ng paboritong Lucky Me Spicy Beef, o isang road trip papuntang Antipolo kasama ang tropa. Minsan, ito’y paglalaan ng oras para lumayo at mapag-isa. Ngunit para sa pagod na humahagkan sa buto at bumabalot sa kaluluwa, ang pahinga ay hindi basta pinagpipilian—ito’y isang pribilehiyo na hindi nakakamit ng lahat sa gitna ng hindi pagkakapantay ng antas ng lipunan at mundo.
Madalas tingnan ang pahinga bilang kaginhawaan at gantimpala, na sa bawat tiyaga ay may nilaga, at kung may itinanim, may aanihin. Subalit, hindi ito ang bunga sa bawat oras na pinipiling tumigil nang panandalian.
Madaling sabihin na magpahinga. Wala namang mawawala rito, ika nga. Ngunit, hindi mo masisisi ang isang taong pilit na hinahabol ang mabilis na pag-ikot ng mundo.
Ang buhay ay karera; lalo na kung hindi ka makatulog dahil sa pagkabagot kakaisip para sa iyong kinabukasan. Ang buhay ay karera; lalo na kung kailangang tagalan sa trabaho para lang sa kakarampot na sahod kada buwan. Ang buhay ay karera; lalo na kung hindi mo nakakayanang yumaman nang nakaupo lamang.
Sa bawat pagkayod para sa kaginhawaan, nagiging balewala ang pangangalay ng leeg, pagkurap ng mga mata, at pagpitik ng mga ugat—hindi para may mapatunayan, kung hindi para lang mabuhay. Para sa iba, hindi na lamang pahinga ang solusyon sa pagkapanghal kung hindi ang tunay na kapayapaan at pagkawala ng balakid ng mapang-abusong sistema.
Buhay ang siyang nakasalalay sa bawat paggalaw ng isang tao at buhay rin ang siyang maniningil sa sarili kapag bumigay na ang katawan sa pagod. Kadikit ng hindi patas na mga oportunidad para mabuhay, kahit patay ay tila walang karapatang magpahinga sa ilalim ng hukay.
Kung tutuusin, iba-iba naman ang ambag ng bawat tao sa larangan ng edukasyon o trabaho. Ngunit, hindi maipagkakait na may ibang nasa ibabaw ng lipunan dahil sa pagpanig nito sa kapangyarihan at kayamanan.
Oo, pare-pareho lang ang hinihinga nating hangin. Kahit saan ka man mapadpad, pareho tayong may bente-kuwatro oras sa isang araw. Iisa lang din ang buwan at araw na siyang palitaw-litaw saan mang emisperyo ng mundo. Ngunit tulad ng hanging binabahiran ng polusyon at pagkakaiba ng oras para masilayan ang langit, hindi pantay ang buhay. Tila isang naratibo na malas mabuhay sa panahong kailangan munang magsunog ng kilay bago masabing nakaahon sa lahat ng pasanin.
Tunay namang walang bagay na madaling makamit sa mundo, nakasalalay pa rin sa’yo kung paano ka aabante sa gitna ng lahat ng danas kahit hindi ito tiyak. Sarili pa rin ang may pasiya kung anong halaga ng buhay ang siyang dapat ipaglaban at taglay. Dahil ang katotohanan, hindi nauubos ang problema kaya hindi rin nauubos ang ating karapatan para magpahinga.
Pahinga rin ang pagtanggap na hindi mo kailangang akuin ang lahat. Lalo’t may mga pagkakataon na hindi mo kasalanan ang iyong katayuan sa mapang-abusong sistema ng hustisya, ekonomiya, at edukasyon. Hindi mo kailangang maging sandalan ng lahat kung lumulundo na ang sarili mong mga balikat.
Kahit tila mahal at mahirap abutin ang inaasam na pahinga, patuloy pa ring umaagos sa katawan ang hangarin ng mas magaan na bukas. Dahil kahit hindi kayang matapalan ng salonpas o simpleng hilot ang sakit ng likod, sinusubukan pa ring paalabin ang pag-asang makausad sa lahat ng danas. Sapagkat, iba-iba man ang mukha ng pahinga sa antas ng lipunan, pare-pareho lamang na hinahagod nito ang mga agam-agam ng isip at duda ng puso.
Darating din ang araw na hindi na kakailanganing magpahilot ng mga kamay, magpalit ng salamin kapag malabo na ang paningin, at darating ang araw na masasabi mo na "sa wakas.”
Para sa iba, mas nananaig ang pag-asang hindi lamang makapagbabago ng lipunan kung hindi matutugunan ang mga puwang sa lipunan na naiibsan ng sama-samang konsensiya at serbisyo sa sarili, pamilya, at bansa.
Bawat bagay ay makabuluhan lalo na kapag pinaggugulan ng oras, tiyaga, at pagod para sa ikabubuti ng lahat. Sa kapasidad ng tadhana upang ilagay tayo sa dulo ng pila, natural na sa atin ang lampasan ang siyang nagpababagsak sa atin. Ito ang siyang magbibigay lakas para magpatuloy, dahil hindi naman babagal ang ikot ng mundo at lalong hindi ito titigil.
Hindi natin kailangang masanay na mapagod dahil hindi lamang ito takda ng ating mortalidad, kung hindi tanda ng dignidad na nararapat bigyang-galang sa anumang aspekto. Ang unang hakbang sa tunay na pahinga ay ang pagtanggap na hindi natin kontrolado ang mundo upang masabing may halaga ang isang tao. Ngunit, walang makapagbibiyak ng tadhanang nag-uugat sa ating sariling pagsisikap, hangarin, at pagod.
Kung sadyang mas matarik ang bundok o mas malalim ang karagatang kailangang sulungin, hindi bubuti ang ruta kung basta-basta itong lalampasan. Walang makikinabang kung hindi kikilalanin ang sarili nating limitasyon, gaano man katagal ito tatahakin. Hindi na dapat kailangang ipaglaban ang pahinga, dahil ito ay isang likas na karapatan—hindi lang para mabuhay, kung hindi para tunay na mabuhay.
(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)