Liwanag na dala ng ‘Sunshine’ sa kababaihang Pinoy

FEU Advocate
August 08, 2025 15:02


Ni Randy Espares Jr. 

#TAMlakayan: Sa pagdating ng internationally acclaimed na pelikula ni Antoinette Jadaone na ‘Sunshine’ sa Pilipinas, iminulat nito ang mga mata ng manonood sa mapait na realidad—na ang mga kababaihan ng bansa ay marami pang kailangang tahakin upang labanan ang patriyarkal na lipunan na gumagapos dito. 

Agad na ipinakilala ng pelikula si Sunshine (ginampanan ni Maris Racal), isang gymnast na nangangarap makasali sa pambansang koponan ng bansa upang lumaban sa Olympics. 

Sa kaniyang unang practice routine na ipinakita sa mga manonood, nagpaparamdam ito ng masiglang atmospera, kasabay ng angkop na musikang tumutugma sa bawat indayog ng kaniyang laso. Nagsisimula rin dito ang pagpapamalas ni Racal ng husay sa pag-arte, dahil maihahalintulad ang kaniyang bawat galaw sa isang tunay na gymnast.

Subalit, nang mapansin ng kaniyang coach na si Eden (ginampanan ni Meryll Soriano) na siya ay tumataba, napagtanto ni Sunshine na maaaring siya ay buntis.

Mula sa gymnasium, agarang pumunta ang bida sa isang botika para bumili ng pregnancy test. Ipinamalas agad sa eksenang ito ang hirap ng kababaihan pagdating sa kanilang karapatang pangkalusugan, na mismong pagbili lamang ng pregnancy test ay agad nang nakatanggap ng panghuhusga si Sunshine mula sa kahera. 

Mabuti na lang at pinayuhan ng isa pang kaherang babae ang bida na dalawang pregnancy test ang bilhin upang masigurado ang kaniyang kalagayan. 

Nang makumpirma ni Sunshine sa loob ng pampublikong banyo na siya ay buntis, dali-dali itong tumungo sa simbahan ng Quiapo upang magdasal. Hindi siya pumasok sa loob, nanatili itong nakadungaw sa mga rehas ng bintana ng simbahan na parang isang bilanggo, nagdarasal sa Diyos na tanggalin ang bata sa kaniyang sinapupunan. 

Malaki ang gampanin ng Quiapo sa pelikula. Bagama’t kinikilala bilang isa sa mga pinakarelihiyosong lugar sa Maynila, sikat din ito bilang bentahan ng mga estatwa ng santo, anting-anting, at mga ipinagbabawal na gamot pampalaglag na tinatawag na ‘pamparegla.’ Sinisimbolo nito ang kabalintunaan ng relasyon ng mga Pilipino at relihiyon. 

Makikita itong mabuti kay Sunshine, sa kabila ng salungat niyang paniniwala sa turo ng Simbahan sa paghiling na mawala ang bata sa kaniyang sinapupunan ay kumakapit pa rin siya sa paniniwala sa Diyos. 

Sa katunayan, tumingin pa ito sa mga gamot pampalaglag. Dito sumulpot ang batang karakter (ginampanan ni Annika Co) na walang pangalan at tinawag siyang ‘murderer’ o mamamatay-tao.

Madalas ilarawan ng mga manonood ang batang ito bilang boses ng hindi pa isinisilang na anak ni Sunshine dahil sa paglubog at paglitaw sa mga eksena na mistulang konsensiya. 

Nang komprontahin ng bida si Miggy (ginampanan ni Elijah Canlas), ang kaniyang mayamang nobyo, umaasta ito na para bang hindi niya dala ang bigat ng responsibilidad ng pagbubuntis na pasan ni Sunshine, inutusan niya lamang ito na “to just get rid of it,” o ipalaglag na lang ang dinadala. 

Isang repleksiyon si Miggy kung paano ipinapatong ng mga lalaki sa kababaihan ang pagpasan sa isyu ng hindi inaasahang pagbubuntis. Bitbit nila hindi lamang ang emosyonal na epekto nito sa mental na kalusugan, kung hindi pati na rin ang pisikal na epekto ng pagdadala ng lumalaking sanggol sa tiyan—bagay na hindi kayang maranasan ng isang lalaki, kung kaya’t madali para sa kanilang iwanan ang mga babaeng nabubuntis. 

Dahil wala siyang nakuhang suporta mula kay Miggy, naghanap si Sunshine ng mga alternatibong paraan sa online kung saan nabasa niyang maaaring gumana ang pag-inom ng alak bilang pampalaglag.

Isinisiwalat nito ang panganib na kinakaharap ng mga babae kung walang sistemang gagabay sa kanila pagdating sa kalusugang reproduktibo, at kinakailangang umasa ng hindi lang mga babae, kung hindi pati kabataan, sa mga hindi mapagkakatiwalaang impormasyon sa online

Sa kabila ng pagkakaroon ng bansa ng Reproductive Health Law at pagsisikap ng Kagawaran ng Edukasyon na ipasok ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa kurikulum ng K-12, marami pa ring mga institusyon sa bansa ang hindi ito maipatupad nang tama dahil sa konserbatismo at kakulangan ng malinaw na mga gabay. 

Dulot nito, mas lalong tumataas ang bilang ng maagang pagbubuntis at HIV infections sa kabataan at kababaihan. 

Nakakuha lang siya ng salaping pambili ng ipinagbabawal ng gamot mula kay Miggy dahil sa pagbabanta ni Sunshine na isusumbong niya ito sa kaniyang pastor na ama. 

Gumastos siya ng mahigit P3,500 para sa gamot pagbalik sa Quiapo. Kung iisipin, mahirap makakuha ng ganitong halaga para sa mga Pilipinong kumikita ng mababang sahod kaya’t hindi lang ito nagiging inaccesible dahil ilegal, kung hindi dahil ito rin ay mahal. 

Sa pagpapatuloy niya sa plano na ipalaglag ang bata, palaging sumusulpot ang karakter ni Annika, nagsisilbing babala na ang hindi ligtas kaniyang gagawin. Para sa isang bata, kahanga-hanga ang pagsabay ni Co sa pag-arte ni Racal habang ginagampanan ang kaniyang karakter.  

Sa isang mabigat na tagpo, nag-check-in si Sunshine sa isang motel sa kahabaan ng Recto, at sinubukang ipalaglag ang bata nang walang kasama.

Dahil sa hindi makayanang sakit dulot ng pagdudugo, humingi na ito ng tulong sa babaeng may-ari ng motel na siyang nagdala sa kaniya sa ospital. Nakayakap ang karakter ni Annika sa bida habang nasa tricycle papunta sa pagamutan. 

Nakaligtas si Sunshine sa pahamak, pero may mga hindi niya kasingsuwerte sa totoong buhay. Sa Pilipinas, may mahigit 1.2 milyong hindi ligtas na sadyang nagpapalaglag kada taon, at tinatayang tatlong kababaihan ang namamatay araw-araw dulot nito, mga buhay na sana’y hindi masasayang kung madali lang sanang makakuha ang kababaihan ng serbisyong medikal. 

Habang nasa ospital, sinilip si Sunshine ng isang doktor at sinabing nakaligtas ang bata sa kaniyang tiyan bago niya ito husgahan sa kaniyang desisyon. Pinilit siyang magpatawad sa Diyos, at sinabihang “Paano kung ‘yung bata na ‘yan ang future president of the Philippines?”—pero paano si Sunshine?

Bata lang din siya, may buong buhay pang naghihintay sa kaniya, may posibilidad na maging rhythmic gymnast olympian—isang karangalang hindi niya matatanggap kung ipagpatuloy ang pagbubuntis. 

Inuudyok ng pelikula ang mga manonood na suriin ang ating kasakuluyang mga batas at sistema na sa halip na tumulong sa mga kababaihan ay ikinukulong lamang sila sa siklo ng trauma at mga nasayang na oportunidad. 

Sinundo si Sunshine ng kaniyang kapatid na si Geleen (ginampanan ni Jennica Garcia) upang protektahan mula sa mapanghusgang doktor. Siya rin ay dating gymnast na kinailangang tumigil dahil nabuntis. 

Hindi lamang ang dalawang karakter ang nakaranas ng paghihirap sa pelikula, si Mary Grace (ginampanan ni Rhed Bustamante) ay isang 12 taong gulang na bata na ginahasa at nabuntis ng kaniyang tiyuhin. 

Isang tunay na sitwasyon na nangyayari sa bansa ang kalagayan ni Mary Grace. Sa katunayan, batay sa Department of Social Welfare and Development, humigit-kumulang 400–500 kaso ng incest ang naitatala taon-taon, at karamihan sa mga biktima ay mga batang nasa edad lima hanggang 14 taong gulang.

Itinuloy ni Mary Grace ang pagpapalaglag sa tulong pinansiyal na ibinigay ni Sunshine. Subalit hindi rin naging matagumpay ang bata, kinailangang magmakaawa ng bida upang tulungan sila ng mga doktor. Ngunit dahil ilegal ang aborsiyon sa bansa, karamihan sa kanila ay umiiwas. 

Sa kabutihang-palad ay nariyan si Dr. Helena, isang babaeng doktor na nagpasyang tumulong kay Mary Grace kahit walang kapalit. Siya ang nilapitan ni Sunshine para sa kaniyang pinal na desisyon ukol sa pagpapalaglag. 

Sa isa sa mga pinakamabigat na tagpo ng pelikula, sinundan ng kamera si Sunshine habang pumapasok sa isang maternity room upang hanapin si Mary Grace. Puno ang silid ng mga babaeng kapapanganak lamang, karamihan sa mga ito ay nagsisiksikan sa isang kama, nagpapaypay dahil sa init, at hindi makapagpahinga nang maayos dahil sa ingay. 

Masasabing naging mabusisi ang trabaho ng disenyong produksiyon ng pelikula dahil mausisa nitong nasalamin ang bulok na sistema ng kalusugan sa mga ospital na mayroon ang Pilipinas sa kasalukuyang panahon. 

Tulad ng paglalarawan ng pelikula, ang pinakaapektado sa ganitong sitwasyon ay ang mga babaeng nasa laylayan ng lipunan kagaya ni Mary Grace. Silang walang sapat na pera para magkaroon ng family doctor, makakuha ng pribadong kuwarto sa ospital, at pantustos para sa mga mahal na gamot.  

Pagkauwi ni Sunshine, binisita siya ni Miggy at ng kaniyang tatay na si Pastor Jaime (ginampanan ni Piolo Pascual), nagmungkahi sila na susustentuhan ng kanilang pamilya ang kaniyang pagbubuntis, ibibigay ang lahat ng kaniyang pangangailangan, na mistulang wala nang desisyon ang bida at dapat na lang itong sumunod. 

Dito pumapasok ang patriyarkang malalim na nakaugat sa sistemang lipunan ng Pilipinas. Kung saan ang mga lalaki ang may pangunahing kapangyarihan sa pagdedesisyon pagdating sa iba't ibang aspekto ng buhay. Ikinukulong nito ang kababaihan bilang suporta lamang ng mga lalaki, pinatatahimik ang kanilang boses sa mga diskurso, at ipinagkakaitan ng karapatan sa sarili nilang katawan. 

Kaya naman, karamihan sa mga isyung tinalakay sa ‘Sunshine,’ gaya ng awtonomiya sa sariling katawan, kawalan ng akses sa serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan, at mga batas na hindi tunay na pumoprotekta sa kanilang karapatan, ay tuwirang bunga ng pinatatag na sistema ng patriyarkiya, na lumalala dahil sa patuloy na kakulangan sa tamang pag-unawa at pagkilala sa kababaihan. 

Nais ipakita ng karakter ni Miggy at Pastor Jaime kung paano mag-isip ang kalalakihan na tila sila lamang ang nakaaalam kung ano ang dapat gawin, pero hindi silang dalawa ang nakaranas ng mga mapapait na pinagdaanan ni Sunshine para lang maipagpatuloy nito ang pangarap na makatungtong sa Olympics.  

Sa bansa kung saan inaasahan na ang mga babae ay hindi kasing halaga ng isang lalaki, kung saan ipinapalagay na tungkulin lang nila ang sumunod, binabasag ni Sunshine ang patriyarkal na pagiisip na ito. Sa pagsuway niya sa pagbubuntis bilang itinakdang papel ng babae sa lipunan, siya ay naging simbolo ng pag-asa para sa karapatan ng kababaihan sa sariling katawan.

Napuno ng pagdududa ang dalawang lalaki na kaniyang kausap, pero paano naman nila maiintindihan kung hindi sila ang nakararanas ng mga ito?

Mula sa kaniyang coach, kahera sa botika, tindera ng ilegal na pampalaglag, may-ari ng motel, kaniyang ate Geleen, kaibigang si Thea, si Doc Helena, si Mary Grace, at hindi pinangalang karakter ni Annika, sila ang mga tunay na nakaiintindi sa sitwasyon ni Sunshine—ang mga kapuwa nito babae. 

Sa mga huling eksena ng pelikula, muling inulit ni Sunshine ang kaniyang panibagong piyesa nang walang pagkakamali, sumulpot ang karakter ni Annika, niyakap ito at sinabing “Gets ko na,” isang emosyonal na tagpo mula sa dalawang aktres na pinagtibay ng kanilang pagganap.  

Kasunod nito’y ipinakita si Sunshine na suot ang kaniyang damit pampaligsahan habang nakangiti, bilang kinatawan ng pambansang koponan. Isang panimula sa dulo ng pelikulang ang pamagat ay kasing liwanag ng araw, ngunit ang kuwento ay nababalot ng kadiliman.

Ipinakikita ng direktor na ang ‘Sunshine’ ay talagang para sa babae, at kakailanganin ng matibay na pagkakaisa ng mga ito kung gugustuhing mabago ang patriyarkal na sistema na mayroon sa bansa, dahil ang pinakamakauunawa sa kanila ay ang kanilang kapuwa sarili. 

Nagbibigay ito ng pag-asa para sa mga ‘Sunshine’ ng Pilipinas, na maaaring piliin ng isang babae ang kaniyang sarili, na hindi nagiging dahilan para mabawasan ang kaniyang pagkatao at pagkababae. 

Nagbibigay ito ng liwanag sa mga maselang isyu sa pagbubukas ng talakayan ukol sa posibilidad ng legalisasyon, o kahit man lang dekriminalisasyon ng aborsiyon sa bansa. Na hindi dapat maipahamak ng babae ang kaniyang sarili, kung may iba pa itong pangarap at plano sa buhay maliban sa pagiging ina. 

Bilang isang lalaki na sinusuri ang pelikula, malinaw sa akin na may hangganan ang aking pag-unawa sa danas ng kababaihan—lalo na sa usapin ng aborsiyon at karapatan sa sariling katawan. Hindi ko maaaring angkinin na ‘gets ko na’ ang bigat ng dinaranas nila, dahil ito ay realidad na sila lamang ang may ganap na kaalaman at karanasan.

Gayunpaman, isang paalala ang pelikula na ang mga karanasan ng mga kababaihan sa ‘Sunshine’ ay hindi kathang-isip o simpleng naratibo lamang na mapapanood sa sinehan, kung hindi aktuwal na dinaranas ng maraming babae sa kasalukuyan. Hindi ito simpleng salamin ng totoong buhay—ito mismo ay realidad.

Ang mas mahalaga ay hindi ipaintindi sa mga lalaki kung ano ang karanasan ng isang babae, kung hindi ang kilalanin ang kanilang kakayahan at karapatang magdesisyon para sa kanilang mga sarili, katawan, at kinabukasan anuman ang kanilang kalagayan at pinagdaraanan. 

Bagama’t marami pang kailangang tahakin ang kababaihan upang tuluyang matamasa ang nararapat na pagtrato sa kanila, nagsisilbing liwanag ang ‘Sunshine’ sa mistulang madilim na rutang ito, isang pelikulang nagbubukas ng diskurso para sa mga susunod na henerasyon. 

Mapanonood ang ‘Sunshine’ sa ikatlong linggo nito sa mga piling sinehan ng SM sa halagang P275 para sa Metro Manila at P230 naman para sa mga nasa labas ng punong lungsod.

(Dibuho ni Darlyn Baybayon/FEU Advocate)