Limang Natatanging Binhi: Ang Pag-alala sa New Bataan 5

FEU Advocate
April 13, 2022 03:49


Nina Melanie E. Uson at Erica Mae G. De Luna

Walang pananakot ang makapipigil sa taong may malalim at mabigat na adhikaing makatulong at makapag-ambag sa isang komunidad na pinagkaitan ng karapatan. Kahit pa buhay ang maging kapalit, patuloy na mananaig ang ipinaglalaban para sa bayan— para sa kapwa. 

Sumisikdo ang mga damdamin sa galit, sa pighati. Ang bawat masalimuot na ‘engkwentro’ ba ang sagot para sa ‘ligtas’ na bayan? O maskara lang ito ng patuloy na pagyurak sa karapatan ng mga Lumad at sa mga kasama nilang tumindig laban sa mga inhustisya?

Hindi sina Chad Booc, Jurain Ngujo, Elgyn Balonga, Robert Aragon, at Tirso Anar o ang ‘New Bataan 5’ ang una at huling biktima ng terorismo ng estado. 

Pagkilala at pag-alala 

Salungat sa nakasanayang daan ng bawat nagtatapos ng pag-aaral, mas pinili ng mga volunteer Lumad teachers na sina Chad Booc at Jurain Ngujo ang tumungo sa kanayunan. 

Tulad ng dalawang volunteer Lumad teachers, pinili rin ni Elgyn Balonga, isang community health worker, na maglingkod at tumulong sa komunidad ng mga Lumad. Ayon sa panayam ng Rappler sa tagapagsalita ng  Save Our Schools (SOS) Network - Cebu na si Meg Lim, aktibo si Balonga sa pagsasagawa ng mga medical missions sa mga liblib na lugar sa Mindanao tulad ng Talaingod at munisipalidad ng Kapalong sa Davao. Bukod pa rito, nakapagturo na rin siya sa mga mag-aaral ng medisina na sumasailalim sa kanilang internship sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran, isa sa mga pinakamalalaking ospital ng mga bakwit. 

Isiniwalat din ni Lim na bago ang nangyaring pagpaslang sa New Bataan 5, nakapagpadala pa ng mensahe si Balonga sa mga kaanak niya na sunduin sila agad pagdating sa Davao, maaaring indikasyon ng napupulsong panganib sa kanilang siguridad. Kasama rin nina Booc, Ngujo at Balonga ang dalawang drayber na sina Robert Aragon at Tirso Anar, kabilang sa mga napaslang noong ika-23 ng Pebrero sa New Bataan, Davao de Oro.

Sa kabilang banda, dahil minulat ng aktibismo at pagkatampak sa mga kwento ng mga Lumad, nagbaga ang kagustuhan nilang magsilbi at samahang magbigay kamalayan sa kalunsuran tungkol sa nararanasang mga suliranin ng mga Lumad. 

Sa mga taon ng pagsisilbi sa komunidad, hindi man naging madali ang pagtahak sa simula, maaalala pa rin si Booc bilang maaasahan at mapursiging guro. Bilang nakapagtapos ng computer science at walang karanasan sa pagtuturo, naging pagsubok kay Booc kung paano magiging epektibong guro para sa mga Lumad. Gayunpaman, kilala si Booc ng kapwa niya guro at mga kaibigan na mapursigi at laging magaling sa kung anumang ginagawa niya. 

“Hindi ito dahil sa cum laude siya, ngunit dahil sa mas maraming bagay na hindi niya pa kayang gawin [pero] pinagpupursigihang matutunan,” paglalarawan ni Denver Fajanilan, isa sa mga malalapit na kaibigan ni Booc. 

Dagdag pa niya, si Booc ‘yung tipo na walang takot sumubok at matuto hindi lamang para sa sariling kaunlaran, ngunit mas tinutulak ng matinding kagustuhan na patuloy na paglingkuran ang masa. 

Sumang-ayon naman rito si Mayka, hindi niya tunay na pangalan, isa rin sa malalapit na mga kaibigan nina Booc at Jurain. Ayon sa kaniya, hindi lamang basta guro ng Lumad si Booc, isa rin siyang mag-aaral dahil nagagawa niyang matuto rin sa kaniyang mga estudyante at kapwa volunteer teachers. 

Gaya naman ni Booc, maaalala din si Teacher Jurain bilang maaasahan at mabait na guro ng Lumad. Nakasama ni Mayka si Jurain sa pagtuturo sa isang bakwit school sa Maynila taong 2018. Aniya, ‘di tulad ni teacher Chad, mas may karanasan si teacher Jurain sa pagtuturo. 

Bukod sa pagiging guro, mabuting kaibigan din sina Booc at Ngujo. Sa katunayan, mailalarawan ang dalawang volunteer Lumad teachers bilang masiyahin, masasandalan at may paninindigan na kaibigan. 

“Masayang magbahagi sa kanya ng mga kuwento at chika kasi alam namin kung gaano ka-dakilang Marites si Chad sa iba’t ibang mga usapin,” paglalarawan ni Fajanilan.

Ayon naman kay Mayka, nagagawa rin ni Booc na pagaanin ang loob ng mga kasama niya sa tuwing may mabigat na balita sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagiging masiyahin nito, saad pa ng kaibigan. Dagdag pa nito, kahit na malapit silang magkakaibigan, nagagawa pa rin nilang punahin ang isa’t isa na siyang nakakatulong din sa kaunlaran nila bilang indibidwal at kaibigan. 

Adhikaing pinanindigan at ipinaglaban

Mula nang mamulat, naging pangunahing layunin na ng New Bataan 5 ang paglingkod sa komunidad ng Lumad. 

Isa na sa mga ito ang pagtindig kasama ng mga Lumad at paglaban sa karapatan nila sa edukasyon, pagdepensa sa lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya. Higit pa rito, ang matinding paglaban nila sa karahasan ng estado, o militarisasyon sa komunidad. 

Ipinasara ng Kagawaran ng Edukasyon ang limampu’t limang paaralang Lumad sa Davao noong Oktubre 8, 2019 dahil sa hindi pagsunod sa aprubadong kurikulum ng gobyerno at sa pagtuturo raw ang mga ito ng ‘makakaliwang ideolohiya’ sa mga mag-aaral. Isinailalim sa apat na buwang suspensyon ang nasabing bilang ng paaralan bago ito tuluyang ipasara. Ayon sa balita ng CNN Philippines, nasa isang libong mag-aaral na ang naka-enroll sa nasabing mga paaralan sa kalagitnaan ng suspensyon.

Isa pang halimbawa ng militarisasyon ng estado sa komunidad ng Lumad ang nangyaring biglaang pagbomba sa Sitio Panukmoan at Diatagon sa Lianga, Surigao del Sur noong alas dos ng madaling araw ng Hulyo 16, 2020. Ayon sa balita ng Save Our Schools – Caraga, nasa tatlumpu’t pitong pamilya ang nasagip sa nasabing karahasan. Ang mga lugar na nabanggit ay pangunahing target na ng mga mining companies na angkinin para makapagsimula ng operasyon.

Patuloy na banta ng karahasan

Nakararanas ng karahasan noon pa man ang komunidad ng Lumad, pati na rin ang mga aktibista at volunteer teacher tulad nina Booc at Ngujo, ngunit mas tumindi ito sa administrasyong Duterte, saad ni Atty. Sol Taule, isang human rights lawyer

Madalas nang target si Booc ng panghaharas ng estado bago pa nangyari ang masaker sa New Bataan 5. Kabilang siya sa tinaguriang ‘Kabataan 8’ na hinuli noong Hulyo 2017 dahil sa isinagawang ‘lightning rally’, o uri ng rally na mabilis at hindi inanunsyo sa kasagsagan ng diskusyon ng Kongreso tungkol sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao. Naibasura rin ang kasong isinampa sa kanila at napalaya matapos ang tatlong araw na pagkakulong.

Kinasuhan sila noon ng kidnapping and serious illegal detention, human trafficking, and child abuse ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan tinagurian silang ‘Bakwit School 7’. Kalaunan, naibasura rin ang mga ito at napalaya sila matapos ang tatlong buwan na pagkakakulong. 

Bukod pa rito, matinding red-tagging ang naranasan nina Booc at Ngujo sa online man o on-ground. Ayon kay Mayka, may nangyari ring pagpapakalat ng mukha ni Booc at iba pang mga volunteer teacher at advocate sa mga checkpoint sa Mindanao dahil itinuturing silang ‘terorista’.

Nag-uugat ang red-tagging, o mukha ng mas malalim na ugat ng karahasan sa hanay ng mga aktibista, sa mga state policies na iniimplementa  ng gobyerno gaya ng NTF-ELCAC at ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Law na ipinasang batas noong 2020, ayon kay Atty. Taule. Gaya ng nabanggit, batid niyang mas mapanganib ang administrasyon na ito para sa mga gaya nina Booc.

Kasi it’s more systematic in the sense na mayroong kin-[c]reate ‘yung gobyerno na isang agency, Executive Order No. 70 that created NTF-ELCAC...sabi ng batas ang purpose ng EO 70 is to curb insurgency and rebellion pero sa totoo lang, it’s a way of the government to go after its perceived enemies like activists, dissenters, [inaudible] organizations, and people like Teacher Chad and Teacher Jurain na madalas sa madalas, dahil sa path nilang pinili, tina-tag na communist, NPA, terrorist, or whatever they want to call them,” pagpapaliwanag niya. 

Pinatunayan ng nangyaring masaker sa New Bataan 5 na tumitindi ang pasismo o ang paggamit ng dahas ng estado sa halip na tugunan sa demokratikong paraan ang mga pangangailangan ng mamamayan, saad ni Mayka. Aniya, patunay din ito na takot ang estado sa mamamayan, lalong lalo na sa hanay ng mga kabataang mulat at kayang tumindig sa mga inhustisiya ng pamahalaan. 

Dagdag pa ni Atty. Taule, makapagdulot man ito ng takot, hindi ito magiging mitsa upang tumigil at magtago. Sa halip ay mas lalakas pa ang pwersa ng mga ito sa patuloy na pagtindig. 

“Hindi natatapos sa pagkamatay ng isang tao ‘yung problema, in fact maraming magpapatuloy,” pagdidiin niya. 

Ayon pa sa kaniya, ang nililinang na edukasyon sa mga Lumad ay hindi patungo sa pagiging ‘alipin’ ng kapitalismo pagdating ng araw. Bagkus, itinuturo at itinatatak sa puso’t isipan nila ang magsilbi rin sa bayan, sa kahit anumang paraan, kahit saan, at kahit kailan.

Lagi’t lagi, para sa bayan

Sa kabila ng matinding banta sa kaligtasan nila, hindi naupos ang alab ng kagustuhan nila na magpatuloy pa at mas lalong magpursigi para sa kapakanan ng nasa marhinalisadong sektor gaya ng mga Lumad. 

Ayon kay Mayka, bagaman batid nila na sa pagtahak ng landas na ito kaakibat na ang pagtanggap na tulad ng isang inang magluluwal ng sanggol, nasa hukay na rin ang isa nilang paa, hindi ito magiging dahilan ng kanilang pag-atras. 

Sa tuwing pinanghihinaan siya ng loob sa gitna ng bokasyon niya sa mga Lumad, ayon sa kaniya, dala-dala niya sa bawat pagtindig ang madalas na bilin nina Booc at Ngujo na pagdating sa paglilingkod sa mamamayan, walang maliit o malaking ambag at palaging kaya, basta’t magkakasama.

Patuloy ang panawagan at pagbibigay malay nina Mayka at Fajanilan na hindi krimen at hindi terorismo ang pagtuturo sa mga kabataang Lumad na magbasa at magsulat. Lalong lalo na sa hustisya para sa New Bataan 5 at sa lahat ng pinaslang ng kasalukuyang administrasyon, kasama na ang extrajudicial killings sa ilalim ng laban kontra droga. 

Napuksa man ng gobyerno ang itinuturing nilang katunggali, kasabay naman nito ang pagkawala ng sandigan at katuwang ng mga Lumad sa pakikipaglaban. Sa pagkawala ng New Bataan 5 at iba pang pinaslang na nasa parehong hanay, patuloy na napipilayan at nawawala ang pag-asa para sa pantay na karapatan na matagal nang inilalaban ng komunidad. 

Tuluyan mang tumigil na ang paglalakbay ng New Bataan 5 sa mundong ibabaw, hindi kailanman malilimutan ang itinanim nilang binhi ng karunungan at katapangan. Umaasang sa paglipas ng panahon, marami ang umani ng mga aral at prinsipyong ito para sa patuloy na paglakas ng pwersa at pagtindig laban sa mga inhustisya. Dahil hindi ang New Bataan 5 ang una at huling biktima ng pasistang rehimen, maging isa ka sana sa aani nito at titindig, kahit anumang lakas o dahas ng hangin, dapat lagi’t lagi, para sa bayan. 

KAUGNAY NA ARTIKULO: Pagtuturo at Pakikibaka: Pagpapasiklab ng Adhikain Tungo sa Inklusibong Edukasyon

(Dibuho ni Margarita Rivera/FEU Advocate)