Lady Tams, pormal nang ipinakilala ang bagong Fil-Norwegian forward

FEU Advocate
August 07, 2025 22:14


Ni Joshua Kyle Beltran

#SportsBites: Opisyal nang inanunsiyo ng Far Eastern University (FEU) Women’s Basketball sa kanilang Facebook post ang pag-anib ng Fil-Norwegian forward mula sa Trondheim na si Marthe Kant sa kanilang koponan ngayong gabi, ikapito ng Agosto.

Bago ang pahayag na ito, nangako na si Kant na mapabilang sa Lady Tamaraws noong ika-29 ng Abril. 

Unang nadiskubre si Kant sa Fil-Euro Nation Select, isang sports agency na nagbibigay-oportunidad para sa mga Pilipinong manlalaro sa Europa. 

Kamakailan lang, apat na beses niyang nirepresenta ang Fil-Euro sa Play Manila Live tournament bilang manlalaro sa under-19 team.

Samantala, naglaro ang 5’11” na forward para sa Nidoras Jets upang katawanin sa 1st Division Women’s League ang koponan sa Trondheim nang siya’y 18 taong gulang pa lamang.

Si Kant ang unang babae na nangakong umanib sa isang unibersidad simula nang mabuo ang Fil-Euro Nation Select. 

Sa kasalukuyang pagsusulat, hindi pa kumpirmado kung kailan unang masasaksihan si Kant sa University Athletics Association of the Philippines. 

(Litrato mula sa FEU Women’s Basketball Facebook page)