Tiffany’s Epiphany
- November 27, 2023 08:21
FEU Advocate
October 04, 2021 02:57
Nina Norwin D. Trilles at Melanie E. Uson
Katumbas ng paglago ng teknolohiya ang pagdami ng mga plataporma na kayang makapagbigay ng tagumpay sa iba’t ibang sangay ng industriya sa bansa. Subalit, kung kikilatising mabuti ang industriya ng musikang Pilipino, kapansin-pansin ang nararanasang pagliit ng atensyon na naibibigay dito.
Sa usapin ng lumulobong suliranin, agarang aksyon ang kailangan upang ito ay malinang at hindi tuluyang mawalan ng tamang tempo at tono. Nararapat lamang na mabatid ng lahat na sa bawat sulok ng mga magkakahiwalay na pulo, nakakubli ang mga awiting naghihintay magpahayag sa mundo.
Sa kagustuhang maiangat ang musikang Pilipino, paano ito maisasakatuparan sa likod ng mga barikadang hindi malaman-laman kung paano malalampasan?
Ang Musikang Pilipino
Hindi maitatanggi na mayroong masaya at makulay na sining at kultura partikular ang musika na mayroon ang bansa. Mula Batanes hanggang Jolo, matatanaw ang pagkakaiba sa kung paano ito nabubuo.
Gayunpaman, sa kabila ng pagkakaiba-iba sa kung paano ito nilalapatan ng tunog ay ang iisang mithiing nais ipabatid sa bawat isa — ang maging rebelasyon sa nagtatagong husay at yaman ng musikang Pilipino.
Likas na makasining ang mga Pilipino. Ang pagdaraos ng kapistahan sa iba’t-ibang lugar sa bansa ay isang daan kung paano naipapakita ng bawat isa ang kanilang pagiging malikhain. Hindi ka pa man lumalabas ng tahanan, ramdam na ang init at yakap ng kulturang nagpupumilit umunlad.
Walang partikular na tono ang tradisyunal na musikang Pilipino. Ang himig at ingay ay simbolo ng pakikipag-ugnayan ng sarili patungo sa kani-kanilang paniniwala.
“Dahil ang musika ay mahalaga, ang aming kultura [kulturang Pilipino] ay naging mayaman, makulay at naging buhay na buhay — katulad na lamang ng mga taong bumuhay sa mga ito,” limbag ng isang pinoy na si Paul De Guzman na sumulat sa pristingyosong magasin mula United Kingdom na ngayon ay nasa Asya, ang Tatler Asia Group.
Marami ang magagaling na mang-aawit sa bansa, katotohanang hinding-hindi mababali ng sinuman. Nariyan ang mga sikat na manganganta tulad ni Gary Valenciano, Regine Velasquez, Moira Dela Torre, folk at pop band na Ben & Ben, KZ Tandingan at marami pang iba.
Marami sa hanay ng mga artistang ito ang nakapaglabas ng mga musikang pumatok at tumatak sa masa. Maraming Pilipino ang nakitalon, nakiindak, nakiiyak, at natuwa sa mga awiting ipinarinig sa bansa.
Kalagayan ng Industriya
Sa kabilang banda, bagaman nagdudulot ito ng kasiyahan, hindi maipagkakaila na hindi tuloy-tuloy ang suporta na kanilang natatanggap. Animo’y ilaw na naghihingalo — aandap-andap at hindi malaman kung kailan magpapatuloy ang lingas.
Isa si Precious Xena Boliche, assistant director ng MusiComm, isang grupo ng mga mang-aawit mula Far Eastern University (FEU) Communication Society sa mga nakapansin sa tumatamlay na suporta sa Original Pilipino Music (OPM).
“Kung ikukumpara ang kalagayan ng OPM sa henerasyon ngayon sa henerasyon noon, masasabi kong mas tinangkilik ang OPM noon,” sambit ni Boliche.
Dagdag na paliwanag ng musikera, kapansin-pansin ang mabilisan na pagsikat ng isang kanta ngunit mabilis ding pagka laos nito sa madla. Isa sa maaaring tingnan na dahilan sa kung bakit mayroong pumapatok at mayroong hindi ay ang pagkakaiba-iba ng panlasa sa musika ng mga Pilipino.
Kung babalasahin naman nang mabuti ang masang Pilipino lalo na ang kabataan, mababatid ang suportang kaya nilang ibigay sa mga awitin mula ibang bansa.
Kapansin-pansin na trending ang mga musika mula ibang bansa sa mga broadcasting mediums ng bansa tulad ng telebisyon, radyo, at sa mga music streaming apps gaya ng Spotify at YouTube.
Isa sa mga dayuhang musika na umuupo na nang may katagalan sa industriya ng musikang Pilipino at umukupa sa atensiyon ng napakaraming mamamayan ang K-Pop o Korean Pop.
Ayon sa datos na inilabas noong 2020 ng The Korea Foundation, isang malayang organisasyon na pinangangasiwaan ng Ministry of Foreign Affairs ng South Korea, mayroong humigit kumulang 104 milyon katao na sa buong mundo ang patuloy na sumusuporta sa Korean pop. Ang bilang na ito ay miyembro ng humigit kumulang 1,200 fan clubs.
Batid sa ekonomiya ng bansang South Korea ang tagumpay na nararanasan ng mga artista. Sa huling datos noong 2018 na inilabas din ng organisasyon, mahigit siyam na bilyong dolyar ang naging kontribusyon ng Pop culture sa ekonomiya ng bansa.
Malawak na nga ang naging sakop nito kung ibabatay sa mga datos na inihain. Dahil dito, hindi maiwasan ni Boliche na malungkot.
“Wala namang masama sa pagtangkilik sa musika ng banyaga ngunit hindi maiaalis ang katotohanan na sa bawat pagtangkilik natin sa musika ng iba, unti-unting nawawala ang kinang ng OPM,” pagpapaliwanag niya.
Dagdag pa ni Boliche na ang bawat tao ay may karapatang pumili ng gusto nilang musika ngunit sana ay huwag hayaang mapunta sa ilalim ang sariling yaman.
Sa kabilang banda, naniniwala naman si Natalie Ojerio, isang indie local artist mula sa Quezon City na mas nabibigyang pansin na ang iba’t ibang uri ng musika gaya ng indie at rap sa kasalukuyang panahon sa tulong ng internet na nagpadali ng proseso ng pagbabahagi ng kanta sa madla.
Ngunit, sa kabila ng progresong ito, batid niyang hindi pa rin tuluyang natatanggap ng masa ang ibang kanta na ‘di katunog ng mga nasa hanay ng mainstream.
“Kaunti pa lang ang suporta na ibinibigay ng gobyerno at ibang mga kumpanya sa OPM, lalo na kung walang koneksyon o pera ang mga lokal na musikero,” dagdag na paliwanag niya.
Isa rin sa mga nakikitang rason ni Ojerio ang colonial mentality --- ito ay tumutukoy sa pagtanaw sa OPM bilang mas mababa kumpara sa mga musikang dayuhan.
Sinang-ayunan ito ni Maki Patricio, isang aspiring singer-songwriter mula sa Laguna. Aniya, hindi kailanman nalaos ang musikang Pilipino, ngunit gaya ni Ojerio, batid din niya ang pangangailangan ng industriya para sa mas maayos na sistema.
Pagsabay sa Tempo
Upang matugunan ang problema ng pagkalimot sa sariling musika, nagbigay na ng aksyon ang mga nasa ahensya ng gobyerno partikular na ang Department of Science and Technology (DOST).
Noong Setyembre 8, taong kasalukuyan, inanunsiyo ng kagawaran kasama ng National Research Council of the Philippines ang pag-aaral patungkol sa industriya ng musika sa bansa.
Ang gagawing pag-aaral ay pinamagatan na “MusikaPilipinas: Research and Mapping Towards Understanding, Scoping, and Defining the Philippine Music Industry”. Tinatayang tatagal ng tatlong taon sa pangunguna ni Dr. Ma. Alexandra Chua, miyembro ng DOST-NRCP Division of Humanities.
Layunin nitong makapagbigay ng komprehensibong pagbabasehan ng economic performance ng awiting Pilipino, at malaman ang mga paraan at posibleng mga hamon na kahaharapin sa paggawa ng mas epektibong at masiglang sistema ng nasabing industriya.
Isa rin sa mga inaasahang magiging epekto ng pananaliksik ay ang pagbibigay ng disenteng kabuhayan para sa mga nasa industriya ng sining at musika. Ang mga pangunahing makikinabang sa pag-aaral ay ang mga young talented artists, music agents, promoters, managers, and producers; mga professional artists, managers, at mga producers mula sa matured music industry ecosystems.
Kabilang din sa mga makikinabang ang mga mambabatas sa larangan ng kultura; mga allied personnel ng industriya; at ang muling pagbuhay sa malamyang music ecosystem ng bansa.
Nakaangkla ito sa House Bill No. 8101 o ang Philippine Creative Industries Act HB 8101 na ipinanukala ni Pangasinan 4th District Representative, Christopher “Toff” de Venecia.
Prayoridad ng panukalang batas ang musika at pagtatanghal kung saan hangarin ang mapayabong at mapaghusayan pa ang creative economy ng bansa. Ayon kay De Venecia, oras na para mabigyan ng pansin at kahalagahan ang mga nasa industriya para sa pagpapa-usbong nito.
Hindi tulad ng mga nakakasanayang pag-aaral sa teknolohiya at agham, masasabing may kalayuan ang tema ng pananaliksik ngayon ng ahensiya. Gayunpaman, dapat itong isaalang-alang at bigyan ng sapat at pantay na atensyon sapagkat ang inaasam na resulta ng pag-aaral ay umaakbay sa misyon ng ahensiya — maihatid ang ekonomiya ng bansa sa tugatog kasama ang mamayang Pilipino.
Himig ng mga Mang-aawit
Isang pagkakataon ang dumating sa mga mang-aawit ng kasalukyang henerasyon ng bansa kabilang na ang musikera at lider na si Boliche, mang-aawit at indie songwriters na sina Patricio at Ojerio.
Isang malaking hakbang para sa industriya ng musika ang mangyayari sa oras na mapagtagumpayan ang pag-aaral.
“Sa wakas,” iyan ang naging reaksyon ni Patricio matapos malaman ang nilutong plano ng DOST. Aniya, bilang isang manunulat at estudyante sa larangan ng sining, ito na ang panahon upang bigyang atensyon ang sining at kultura ng Pilipinas.
Paliwanag pa niya na ang kasaysayan ng bansa ay nakadikit sa musikang Pilipino, na sa likod ng bawat orihinal na musikang Pilipino na naililimbag ay ang kwento ng buhay ng bawat Pilipino.
“Naipapakita at naipaparamdam ng isang kanta kung ano ang mga nangyayari noong mga oras na ito ay nalikha, ano ang intensyon ng manunulat, ano ang kaniyang kwento,” saad niya.
Sinang-ayunan naman ito ng mangangantang si Boliche kung saan binigyang diin ang kahalagahan ng musikang Pilipino sa pagpapakilala ng wikang Filipino saan mang panig ng mundo.
Ikinatuwa rin ito ni Ojerio, aniya, ang pananaliksik ay simbolo ng pagbibigay halaga ng gobyerno sa musikang Pilipino.
“Ang pag-unawa sa lagay ng industriya ay ang simula ng pagnanasa na gumawa ng pagbabago, kaya ito’y nakakaantig ng puso bilang isang lokal na artist dahil sa wakas, nakikita na ng gobyerno na kailangan na ng pagbabago sa music industry ng Pilipinas.” Pagdidiin niya.
Kagalakan naman ang bumalot kay Airelle Ferrer, miyembro at dating presidente ng Delta Harmonica ng FEU - Medical Technology Department matapos malaman ang pananaliksik na gagawin ng DOST.
“Ang pagpapalalim ng pag-aaral ay maka pagpapatibay ng pundasyon ng musika bilang bahagi ng kulturang Pilipino” sambit ni Ferrer.
Naniniwala sina Patricio, Boliche, Ferrer at Ojerio na lubos na makatutulong ang pananaliksik ng ahensya para sa pagpapayabong ng industriya.
Hiling ni Boliche, nawa’y hindi mawala sa pokus ang mga mag-aaral ng pananaliksik lalo na at mas makapagbukas ito ng mga oportunidad sa mga aspiring music artists.
Ang musika ay tila mabigat at nag-uumapaw na kahon ng kayamanan na dapat bigyan ng natatanging pagpapahalaga. Ang inisiyatibong pagbagtas sa kasaysayan ng musikang Pilipino ay isang malinaw na tagumpay kung maituturing para sa lahat ng tao na umaasa sa kapangyarihan ng musika.
Kaya naman ang ganitong pambihirang pagkakataon ay hindi dapat sinasayang. Nararapat lamang na ito ay ihayag sa bawat Pilipino, bata man o matanda, sapagkat ito na marahil ang magiging simula ng tagumpay hindi lamang ng mga nasa industriya ngunit pati ng bansa.
Hindi mabibilang gamit ang mga daliri sa kamay ang oportunidad na kayang ibigay ng musika sapagkat hindi lamang ito limitado sa simpleng paglimbag ng awitin, paglalapat ng tono at pagkanta. Kung tutuusin, marami na ang nabigyan ng maginhawang buhay ang musika at kung mas mapagtitibay ang industriya, mas marami pa ang makikinabang sa kapangyarihan nito. Sa musikang dala ng makabagong mundo, nararapat lamang na hindi matinag ang sariling tono. Ito na ang panahon upang isama ng lahat ang musikang Pilipino sa kung anomang plano at paghahanda ang ginagawa para malampasan ang ibinibigay ng mundong mapanghamon.
Ngayong kumilos na ang nasa ahensya at ipinaabot ang kakayahan sa pagpapatibay sa industriya ng musika, nawa ay solidong pagkakaisa rin ang ibigay ng lahat. Sama-sama nating ihahayag sa mundo ang mga nagkukubling tono ng musikang Pilipino nang sa gayon ay hindi ito maging sintunado kapag ipinarinig sa susunod na henerasyon.
(Dibuho ni Maria Margarita Corazon P. Rivera)
Mga Sangunian:
De Guzman, P. (2020). Are we Filipinos because we love music, or do we love music because we are Filipinos. Retrieved on September 25, 2020 from https://www.tatlerasia.com/culture/arts/historical-notes-on-why-filipinos-love-music
Department of Science and Technology. (2021, September 8). DOST’s National Research Council of the Philippines to map PH music industry. Retrieved from https://www.dost.gov.ph/knowledge-resources/news/72-2021-news/2440-dost-s-national-research-council-of-the-philippines-to-map-ph-music-industry.html
Sajnach, P. (2021). The Korean Wave: From PSY to BTS -The Impact of K-Pop on the South Korean Economy. Retrieved on September 25, 2020 from https://www.asiascot.com/news/2021/01/22/the-korean-wave-from-psy-to-bts-the-impact-of-k-pop-on-the-south-korean-economy/