Kita Kita

FEU Advocate
February 28, 2025 21:06


Sa munting sulyap umusbong ang pagmamahalan,
Ating mga mata ay nagtagpo sa gitna ng kawalan.
Sa panata ng pag-ibig, ako’y lugod na sumusumpa,
“Ikaw ang aking tahanan,” bulong ng aking kaluluwa.

Tanaw kita sa dulo ng mga inaasam na pangarap,
At higit pa sa bawat hinahangad kong tapak sa alapaap.
Ikaw ang patutunguhan sa landas na minsang salat,
Damdamin ko ay tiyak kaya’t huwag mag-alinlangan.

Tingnan mong maigi ang pag-ibig na nagpupursigi,
Kung paano pawiin ng iyong yakap ang bawat hikbi;
Kung gaano napapawi ang pangungulila sa iyong pag-uwi,
At sa pananabik natin sa isa’t isa pagdapo ng gabi.

Masdan mo ang aking kamay na ngayo’y nanginginig,
Nangangamba na sana huwag magwakas itong pag-ibig.
Isusuot ko sa iyo ang singsing upang makita ng daigdig,
Na sa kabila ng pag-aalala’y puso pa rin ang mananaig.

At sa huli, saksi ang langit sa pag-iisang dibdib na ito,
Na ang nawawalang piraso ng puso ay natagpuan sa’yo.
Pangakong sa bawat sulok ng mundo’y hahanapin kita;
Dahil sa hirap man o ginhawa, aking sinta: kita kita.

- Sean Clifford Malinao
(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)