
FEU IL Dean steps down after 9 years in service
- January 26, 2023 09:40
FEU Advocate
August 31, 2025 16:10
Ni Lana Laurel
Idinaos ng Far Eastern University (FEU) Buklurang Mag-aaral sa Filipino (BUMAFIL) ang ‘Pistahan sa Piyu Ambahan Serye 1: Paggawa sa FEU,’ upang bigyang-halaga ang wika at kultura ng mga katutubong Pilipino bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, sa Arts Building Room 401 noong ika-27 ng Agosto.
Tinalakay ng organisasyon ang paggawa ng ambahan, isang katutubong paraan ng tula na likha ng mga Hanuno’o Mangyan mula sa Timog-Silangang Mindoro.
Sa panayam ng FEU Advocate, inilahad ng Pangulo ng BUMAFIL na si Christian Raiven Galicia ang kahalagahan ng pag-aaruga sa mga tradisyon, kultura, at wika ng mga katutubo sa Pilipinas sa kabila ng modernisasyon.
“Hindi naman natin talaga mapipigilan na magkakaroon ng modernisasyon pagdating sa ating kultura, wika, at ating kamalayan. Nawa’y ‘wag lang natin kalimutan kung saan tayo nagsimula, kung ano ‘yung dahilan kung bakit tayo nagkaroon ng kalayaan bilang mga Pilipino,” aniya.
Idiniin din ng organisasyon na hindi dapat natatapos sa Buwan ng Wika ang diskusyon sa pagtanggol ng identidad ng mga Pilipino, lalo na ang mga katutubo.
“Gusto namin ipaglaban hindi lamang ang identidad natin bilang mga Pilipino, bagkus ipaglaban din natin kung ano pa ba ‘yung ibang sangay na hindi gaano napag-uusapan … [lalo na ang] Mangyan at mga wikang katutubo. Sila ‘yung madalas na hindi napag-uusapan,” saad ni Galicia.
Samantala, binigyang-tuon ni Kevin Armingol, propesor mula sa FEU Department of Language and Literature, ang kakulangan ng suporta at paggalang sa pamumuhay ng mga katutubo na aniya’y dapat ipinagkakaloob ng pamahalaan.
“Kailangan ng tapat at genuine na reporma sa buhay ng mga katutubo… Dapat ang mga katutubo nasa kanilang communities, hindi nanlilimos sa city. Nasaan ‘yung mga malalaking institusyon, gaya ng gobyerno, simbahan, at mga ahensiya ng gobyerno na siyang nangangalaga sa mga kababayan nating katutubo?” sambit niya.
Noong 2024, humarap sa banta ang mga lupaing ninuno ng mga katutubo dahil sa pagsulong ng pagmimina sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan napilitang lumikas ang mga naninirahan dito.
Sa 75 porsiyentong natitirang kagubatan at 13 hanggang 14 na milyong ektarya sa mga katutubong lupain, 33 porsiyento ng mga ancestral domain ang nakuha.
Itinuturing ng mga katutubo ang mga lupaing ito bilang pamana mula sa kanilang mga ninuno na pinanggagalingan ng pangunahing kabuhayan tulad ng kaingin.
Bukod pa rito, iginiit din ni Galicia ang kahalagahan ng muling pagbuhay sa sariling panitikan ng bansa sa pamamagitan ng mga proyekto at karagdagang suporta mula sa administrasyon ng Unibersidad at Non-Government Organizations (NGO).
“Nararapat lamang na suportahan din kami ng mga administrasyon at iba pa sa loob ng ating Pamantasan. Siguro isang hakbang na rin dito ang pagkakaroon ng negosasyon o pakikipag-tambalan sa mga Non-Government Organizations or NGO at iba pa kung sa gano'n ay mas lalo namin maipakita [at] mapayaman kung ano nga ba ‘yung nais ibahagi ng wikang Filipino,” anito.
Hinikayat din ng organisasyon ang mga nakilahok na mas palaguin ang paggawa ng ambahan sa pamamagitan ng paghihikayat at pagtuturo sa iba ng tamang proseso.
Ang FEU BUMAFIL ay isang organisasyon na nagsimula noong 2021 at nagtataguyod ng wikang Filipino sa pamamagitan ng paglikha ng espasyo, pagbibigay-suporta, at pagpapakita ng lakas nito sa loob ng Unibersidad.
(Kuha ni Alexandra Louise Borbon/FEU Advocate)