FEU Taekwondo team hailed as overall champs in national tourney
- October 13, 2022 09:34
FEU Advocate
May 30, 2024 04:12
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Kapag ang init ng araw ay humahalubilo na at ang pagod ay tila umaalipusta sa bawat diwa, ang Arroceros Forest Park, na tinaguriang "Huling Baga ng Maynila," ay nagsisilbing kanlungan sa gitna ng nakapapasong init at magulong kalunsuran.
Subalit, paano masisiguro na hindi hahapuin ang natitirang hingahan na ito sa gitna ng usok ng modernisadong siyudad?
Hagupit na init ng El Niño
Sa pagpasok ng buwan ng Abril, matatandaan ang matinding init na humaplos sa balat ng nakararami bunsod ng El Niño.
Naitala ng heat index bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mahigit 30 lugar sa bansa ang sumailalim sa danger classification noong pagpasok ng Mayo.
Buhat ito ng temperaturang nagmula sa 42°C hanggang 47°C, kabilang na ang Batangas, Occidental Mindoro, at ang Metro Manila, kung saan naitala sa Pasay ang heat index na 42°C noong mga nakaraang linggo.
Base sa panayam ng Philippine Star kay Ana Liza Solis, isang PAGASA climate monitoring and prediction section chief, kadalasang nagsisimula sa buwan ng Marso ang matinding pag-init ng temperatura sa bansa.
“The peak of El Niño is in March, April and May. Many areas have already declared a state of calamity and hopefully this will not increase (Ang rurok ng El Niño ay sa Marso, Abril at Mayo. Marami nang lugar ang nagdeklara ng state of calamity at sana hindi na ito tumaas),” paliwanag niya.
Buhat nito, pinayuhan ng State Weather Bureau ang publiko na limitahan ang mga aktibidad sa labas at manatiling hydrated upang maiwasan ang mga potensyal na komplikasyon mula sa matinding init.
Nagsuspinde na rin ang ilang lokal at panlalawigang pamahalaan ng mga face-to-face na klase noon at napilitang lumipat sa online classes sa gitna ng ‘mapanganib’ na antas ng mga heat index.
Bayani laban sa alinsangan
Sa kabutihang palad, sa mga lansangan ng Kamaynilaan namamalagi ang pag-asa, isang salbasyon – tinaguriang Last Lung ng Maynila, ang Arroceros Forest Park.
Mayroon itong 3,000 puno na mayroong 60 iba’t ibang uri. Tahanan din ito ng mahigit 8,000 species ng halaman at 10 species ng ibon.
Matatagpuan ito sa kahabaan ng Antonio Villegas Street sa Ermita, Manila, at naghahatid ng tulong na ginhawa para sa mga komyuter, residente, at bisita sa parke.
Dahil dito, pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila noong 2022 ang karagdagang 5,100 metro kuwadrado ng lupa upang lalo pang mapalawak ang Arroceros, na nagdala sa kabuuang lawak ng urban forest park sa 2.71 na ektarya.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Gideon Navarro, isang inhinyero at officer-in-charge ng Arroceros Forest Park, ay ibinahagi rin nito ang mga plano at layuning konserbasyon ng kanilang opisina upang mas mapanatili pa ang kaayusan ng parke.
“Sinisikap nito na mapanatiling malinis, sustainable, at patuloy na nakatira ang mga hayop dito. Kaya ang aming opisina ay patuloy na nagdadagdag ng mga puno para patuloy na yumabong ang biodiversity, at ecosystem ng parke,” saad nito.
Ang pagpapalawak ay nag-angkla rin ng mga karagdagang tampok tulad ng mga matataas na walkway, pedestrian trail, fountain, koi pond, meditation area, at exhibit area na nagsisilbi ring outdoor information center, vertical garden, coffee shop, at iba pa.
Bukod pa rito, ang Arroceros Park ay hindi lamang isang tanawin ng kasiyahan; ito ay isang mahalagang bahagi sa paglaban sa climate change.
Ipinaliwanag ni Navarro na naglilinis ito ng hangin at nagbabawas ng carbon footprint, sa pamamagitan ng pagsamsam ng mga halaman ng carbon sa hangin.
Sa matatayog na puno at mapayapang kapaligiran, kapansin-pansin din na ang temperatura ay mas presko at naghahandog ng pahinga mula sa nakapapasong araw.
Sa katunayan, naitala ang Arroceros Forest Park na 5°C mas mababa kaysa sa aktwal na Manila heat index. Kung saan mula sa 41°C ng lungsod, nasa 36°C lamang ang init ng kagubatan noong ika-23 ng Abril. Kaya naman sa gitna ng mainit na panahon, hindi maiwasan ng publiko na dumugin ang parke.
Para kay Tatay Nicolas, isa sa mga madalas dumayo sa Arroceros, inilahad niya sa panayam ng FEU Advocate ang pagkalugod sa pagbisita sa naturang parke.
“Okay kasi ang sitwasyon dito, tahimik at presko. Talagang dapat lang na may ganito kasi kumbaga sa ano, hindi artificial na nature ito eh. Talagang nature ito dahil ang mga puno eh original ‘yan,” sambit nito.
Ngunit bukod sa kahalagahan nito sa kapaligiran, ang Arroceros Forest Park ay may sariling bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas.
Mula kalakalan hanggang kalikasan
Noong ika-17 siglo, kinilala ito bilang Parian de Arroceros, isang pamayanan sa labas ng Intramuros kung saan nag-iimbak at nagtitinda ang mga Tsinong mangangalakal ng bigas o arroz, kung saan nito nakuha ang pangalan.
Naging pabrika rin ito ng tabako, hanggang sa naging garrison ng militar noong Kolonyalismo ng mga Amerikano.
Pagkatapos ng digmaan ng mga Amerikano laban sa Espanyol noong 1898, itinatag ng sibikong organisasyon na Winner Foundation ang forest park noong 1993. Nakipagtulungan sila sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang simulan ang isang greening project.
Nakilahok sa planong ito si dating alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim, kasama ang dating first lady Amelita Ramos. Kaya naman ang 2.2-ektaryang lote noon na inuukupahan ng Department of Education, Culture, and Sports ay naging forest park na kilala natin ngayon.
Sa kabila ng kasaysayan, benepisyo, at ginhawang dulot ng naturang kagubatan, hanggang saan ba aabot ang pagpapanatili dito laban sa nagbabadyang pagkasira nito sa ngalan ng kaunalaran?
Kaunlaran o konserbasyon?
Sa kasalukuyang panahon, unti-unti nang nagiging progresibo ang lipunan, bunsod ng masidhing kagustuhan ng mga tao na makisabay sa agos ng buhay. Sa kabila nito, patuloy pa rin na namalagi ang berdeng espasyo sa kalunsuran.
Kaya naman inamin ng magkakaibigang sina Aaron, Kit, at Jelrose sa panayam ng FEU Advocate, ang pagkamangha nila sa parke sa hatid nitong sariwang tanawin, na kabaligtaran ng karaniwang kapaligiran sa siyudad.
“Gano’n ka-polluted na since puro sasakyan, puro buildings na po... Parang nawawala na po ‘yung mga puno sa paligid and siguro to keep something green in the city. Kasi the city’s progressing, modernizing. So it’s good na in a sense na, may nakikita tayong greenery in the city itself,” bahagi pa ni Jelrose.
Subalit, hindi rin pala nakaligtas sa pagnanasang ito noon ang Arroceros Forest Park. Isang salungatan sa pagitan ng pag-unlad at pangangalaga ng kalikasan ang lumitaw sa loob ng parke.
Noong 2017 lamang, ipinanukala ni dating alkalde ng Maynila Joseph Estrada ang pagpapatayo ng gymnasium sa loob ng parke.
Nagdulot ang kalapastanganang ito ng matinding pagtutol mula sa publiko at mga environmentalist, na humantong sa pagbuo ng Save Arroceros Movement, isang protesta na naglalayong protektahan ang parke laban sa mga proyektong makasisira rito.
Inilunsad ng grupo ang kampanya nito online at nakakalap ng mahigit 200,000 lagda para sa isang petisyon na tumututol sa plano ni Estrada.
Bunsod nito, tumayo bilang isang tagapagtaguyod ng konserbasyon ng parke ang sumunod na alkalde kay Estrada na si Isko Moreno Domagoso, o mas kilala bilang Yorme.
Nangakong haharangin ng Yorme ang anumang aksyon na magsasapanganib sa parke.
Kaya’t ayon kay Navarro, kapalit ng silong at kanlungan na naihahatid ng Arroceros Forest Park, gumawa ang lokal na pamahalaan ng isang tiyak na hakbang noong Marso 2020, ang Ordinansa Blg. 8607. Kung saan ito ay opisyal na naideklara bilang isang permanenteng forest park.
Tinitiyak ng ordinansang ito ang pangangalaga at pag-iingat ng pampublikong espasyong ito, na nagsisilbing tanglaw ng pag-asa para pahalagahan at tangkilikin ng mga susunod na henerasyon.
Subalit kinakailangan din nito ng kamay na proprotekta sa kaniya, kawangis ng pagproteka nito sa atin laban sa tumataas na temperatura.
Hakbang na reproduksyon sa pagpapayabong
Sa harap ng mga hamon, ang parke ay hindi lumalaban nang mag-isa. Ang gobyerno at ilang mga non-government organization (NGO) ay aktibong gumagawa ng mga hakbangin para protektahan ang Arroceros Park.
Noong 2021, mayroong konstruksyon na bahagi umano ng redevelopment project ng gobyerno ng Maynila para sa parke. Kinabibilangan ito ng pagdaragdag ng mga elevated pathways, sementadong lugar, at iba pang mga pasilidad. Ngayon, patuloy pa rin ang pagrenoba para sa lalong ikagaganda nito.
Dagdag ni Navarro, hindi pa nauudlot ang pagsasaayos nito simula nang maitatag ang ordinansa.
“Naipasa ang ordinansa, kaya after ng taong ngayon, nagkaroon ng rehabilitasyon ang parke na nakikita at naeenjoy natin ngayon. Mas maganda at mas kaaya-aya sa bisita,” pagbabahagi niya.
Bilang karagdagan, ang komunidad ay kumikilos na rin. Maraming mga diskarte sa konserbasyon na pinangungunahan ng komunidad ang ipinapatupad. Ito ay nagpapakita ng lubos na hangaring mapanatili ang ekolohikal na hiyas sa gitna ng mataong lungsod.
Kaya naman sa panawagan ni Navarro, hinikayat nito ang mga residente ng Maynila na patuloy pagyabungin ang mga ganitong uri ng parke.
“Eh kung meron naman tayong mga open spaces na… p’wedeng i-convert into parks, kahit mga pocket parks, garden… Kaya ang panawagan ko sa mga kababayan natin, sa mga taga-Maynila, patuloy nating pangalagaan ang mga green spaces na na-e-enjoy natin ngayon. ‘Wag nating sirain ang mga halaman, kung meron tayong mga open spaces sa ating mga tahanan, bakit kung hindi taniman natin,” pahayag nito.
Ang Arroceros Park ay nangangahulugang higit pa sa isang parke. Ito ay tumatayo bilang isang simbolo ng isang matagumpay na symbiosis ng pag-unlad ng lungsod at ekolohiya.
Sa panahon na nanganganib ang mundo sa global warming at pagbabago ng klima, nararapat na isulong ang pagpapatayo ng mga karagdagang forest park sa iba't ibang panig ng Pilipinas.
Sa ating sama-samang pagsusumikap, ikrus sa noo ang mga kabataan sa hinaharap na maranasan pa rin ang malinis at hindi mapolusyon na kapaligiran. Huwag nating hayaang ito ang maging huli, at magpayabong pa ng marami.
Hindi maaaring tuldukan ito sa simpleng pagtangkilik lamang; nararapat na ang pangangalaga rito ay isang tungkulin at sumpang dapat gampanan. Bunsod nito, tayo ay magbibigay-diwa sa isang mas maunlad at mas mainam na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.
(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)