
Captains Alforque, Bautista shine in clutch, FEU wins 2nd straight
- October 16, 2024 20:01
FEU Advocate
February 26, 2025 22:40
Iginiit ng mga estudyante ng Far Eastern University (FEU) ang kahalagahan ng kanilang kolektibong presensiya at pakikibaka sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Uprising sa People Power Monument sa Lungsod ng Quezon kahapon, ika-25 ng Pebrero.
Sa panayam ng FEU Advocate, inihayag ng ikatlong-taong mag-aaral ng International Studies at Tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS) Morayta na si Lavigne Araque ang kahalagahan ng paglahok ng kabataan sa pagsasabuhay ng diwa ng EDSA Uprising dahil sa mga problemang umiral noong panahon ng Batas Militar na nananatili hanggang ngayon.
“Bukod sa alalahanin [ang] kasaysayan ng Pilipinas, relevant siya kasi nananatiling bulok ‘yung lipunan natin sa panahon ngayon [dahil] meron pa rin namang pagpatay, enforced disappearance sa mga aktibista, mamamayan, mas lalo sa kanayunan,” diin ni Araque.
Dagdag pa ni Araque, nananatili pa rin sa kasalukuyang administrasyon ang mga isyung nilabanan ng kabataang nag-walk out noong diktadurang Marcos tulad ng pagtaas ng matrikula at panunupil sa mga pahayagang pangkampus.
Kaya aniya’y napakahalagang nasa komemorasyon ng EDSA ang kabataan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at ang hindi tuluyang pagkalimot sa kasaysayan.
Binigyang-diin naman ng ikalawang-taong mag-aaral ng Sikolohiya at Tagapangulo ng Anakbayan FEU na si Alecx Ymson na ang kabataan ay may espesyal na kontribusyon sa pakikibaka sa kahit anong larangan.
“Tayo, bilang mga kabataan, mayroon tayong unique na katangian. Makabuluhan ang ambag natin sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino. Maraming mga sektor [na nakikibaka] pero may unique na kontribusyon ang mga kabataan sa kalayaang tinatamasa natin ngayon,” saad niya.
Samantala, kinondena ni Araque bilang historical distortion ang hindi pagsuspende ni Marcos Jr. ng mga klase upang gunitain ang People Power.
Sa halip na isuspende ang mga klase upang gunitain ang EDSA People Power Uprising, matatandaang idineklara ng Malacañang ang ika-25 ng Pebrero bilang isang ‘special working day’ kaya maraming mga pamantasan ang kaniya-kaniyang nagsuspende ng mga klase.
Para sa Tagapangulo ng LFS Morayta, pilit na binubura ng administrasyong Marcos Jr. ang madilim na kasaysayan ng bansa noong panahon ng Batas Militar kabilang na ang pagdakip sa mga aktibista, pagpatay, at paglapastangan sa mga Pilipinong tutol sa diktadurang pamamalakad ni Marcos Sr.
Nagpabatid naman ng pagkadismaya si Ymson sa pagdeklara ng Malacañang bilang ‘special working day’ ng People Power Anniversary ngayong taon.
“I think that speaks kung paano gustong i-fog up [ni Marcos Jr.] ‘yung esensiya ng EDSA. Imbes na alalahanin ng mga tao ang rebolusyonaryong kasaysayan natin ay makikita na lang natin ang EDSA bilang panahon para mag-shopping, panahon para kalimutan ang problema sa Pilipinas na lumalala at lumalala dahil sa kaniyang administrasyon,” diin niya.
Kaugnay nito, itinakda ng FEU Manila ang anibersaryo ng EDSA Uprising bilang independent study day.
Samantala, nagpatuloy naman ang onsite na klase sa FEU Cavite habang asynchronous online naman sa FEU Institute of Technology, Alabang, at Diliman.
Para kay Araque, nagpapakita ito ng neoliberal na impluwensiya sa edukasyon dahil sa hindi pagsulong sa karapatan ng mga estudyante. Sa halip, mas inuuna ng administrasyon ang aspetong pinansiyal kaysa sa kapakanan ng mga estudyante.
Ilan pa sa mga paaralang hindi nagkansela ng klase ay ang Polytechnic University of the Philippines - Sta. Mesa at ang Cavite State University - Indang na naging dahilan ng kolektibong pag-walk out ng mga estudyante sa kani-kanilang mga klase.
Dagdag pa rito, inihayag ni Araque ang kahalagahan ng pag-aaral ng lipunan dahil aniya’y hindi nakukulong sa paaralan ang edukasyon upang matukoy ang tunay na isyu ng lipunan.
Binigyang-diin din ng Tagapangulo ng Anakbayan FEU ang kanilang panawagan na “Education is not for sale” at “Tamaraws against commercialization” at inudyok ang mga Pilipinong maging matapang sa gitna ng diwa ng EDSA.
“Bakit ba nangyari ang EDSA? Saan ba siya nagsimula? Dahil nag-speak up ang mga tao, dahil nag-speak up ang mga kabataan. Be brave. As long as the Filipino people keeps being brave, kahit gaano kakurakot na politiko ang nakaupo sa Malacañang ay makakayanan natin,” ani Ymson.
Panawagan din ng mga dumalo sa programa ang pagsingil kay Marcos Jr. sa mga krimeng naganap sa ilalim ng diktadura ng kaniyang ama, panagutin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa karahasang nangyari sa kaniyang termino, at ang pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte sa kaniya umanong hindi maipaliwanag na paggamit ng confidential funds.
Magkakasunod namang naglabas ng pahayag ang FEU Central Student Organization, Institute Student Councils, at iba pang mga organisasyon sa loob ng Pamantasan bilang paalala ng kahalagahan ng pagdiriwang ng People Power at kung gaano kalakas ang kolektibong pagkilos ng mga tao laban sa mapang-api at abusadong administrasyon.
- Kasharelle Javier at Art Santiago
(Kuha ni Shane Claudine Rodulfo/FEU Advocate)