FEU Advocate
December 01, 2025 09:13

Malaya
Ni Arianna Montefalcon Mercado, Tagapangasiwa ng Multimedia
Bilang lamang ang ligtas na espasyo para sa mga aktibista at mamamahayag, lalo na sa mga kabataan at estudyante. Kahit sa loob ng paaralan, lugar na dapat nagpoprotekta sa kanila, wala rin silang tunay na seguridad. Hind nila binibigyang-halaga ang malayang pagpapahayag, bagkus sila pa ang nagbibigay-tuldok sa kalayaan nito. Sa impluwensiya ng administrasyon, patuloy na nagkakaroon ng banta sa kaligtasan ng bawat kabataang lumalaban para sa bayan.
Kamakailan lamang sa University of Santo Tomas (UST), dumalo si Jose Joel Sy Egco, director-designate ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at si Arian Jane Ramos, NTF-ELCAC agent, sa isang forum sa kampus. Nang magkaroon ng open forum matapos ang diskusyon, ni-red-tag si Raven Kristine Racelis, miyembro ng Kabataan Partylist–UST, matapos niyang kuwestiyunin ang mga tagapagsalita. Nang magdesisyong umalis si Racelis, tinawag pa siya ng kapuwa-estudyante niyang “komunista.” Sa bansang sensitibo sa terminong ito, simpleng salita lang ang maaaring maglagay sa kaniya sa panganib.
Naganap ang lahat ng ito sa kaniyang sariling Unibersidad—isang lugar na dapat nagpoprotekta sa kalayaan niya sa pagpapahayag ng kaniyang boses. Ipinakikita nito kung gaano kadali mawala ang kaligtasan sa akademikong espasyo kapag nabibigyan ng plataporma ang mga pasistang institusyon tulad ng NTF-ELCAC.
Iyan ang nagiging resulta sa kanilang pagsalakay sa mga pang-akademikong institusyon—minamanipula ang isip ng mga estudyante at nagiging banta sa kaligtasan ng iba.
Makikita na hindi ligtas ang mga kabataan at aktibista sa kanilang mga Pamantasan, kung saan pa inaasahang mas mapauunlad ang anumang klase ng pamamahayag. Sa halip na ipagtanggol ang mga estudyante, mas lalo pa nilang iniipit ang mga ito upang kontrolin ang mga naratibo at manipulahin ang isip ng publiko—dulot ng burukrasya na malaking hadlang sa malayang pamamahayag.
Subalit, hindi lamang limitado sa simpleng estudyante ang karanasang ito. Saksi at biktima rin ang bawat mamamahayag sa iba’t ibang isyu sa lipunang kanilang kinabibilangan. Kung tinatakot ang kabataan na nagsisikap magsalita at magbukas ng diskurso, nagiging anino ng sarili nitong layunin ang demokrasya.
Matatandaan ang kaso ni Frenchie Mae Cumpio, isa ring kabataang mamamahayag at tagapagtanggol ng karapatang pantao na inaresto noong 2020, kabilang ang apat pang aktibista sa Tacloban City na binansagang ‘Tacloban 5.’ Bago pa man maaresto si Cumpio dahil sa umano'y "illegal possession of firearms," "terrorism financing," at iba pa, matagal na siyang nire-red-tag dahil sa kaniyang matapang na estilo ng pamamahayag, lalo na sa usaping politikal.
Kung kaya't ang ilegal na pag-aresto kay Cumpio, pagkabasura ng ilang kaso, at patuloy na pagkakakulong niya ay malinaw na pagtatangka ng administrasyon na kitilin ang boses ng mga nagsisiwalat sa kanila at itakip ang katotohanan.
Ngunit sa kabila ng panunupil, nananatili pa rin ang paninindigan ng mga kabataan. Kahit anong matinding hamon ang ibato sa kanila ng kahit anong institusyon, patuloy nilang ipagtatanggol ang kanilang karapatan na maghayag. Sapagkat hindi naman limitado sa buhay-estudyante ang kanilang mga karanasan, mulat din sila sa realidad ng mundong kanilang ginagalawan.
Ipinakita ni Cumpio na sa mundong inaasahang magiging obhetibo ang mga mamamahayag, dapat unahin nating ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag. Lalo na't para sa mga taong ginagamit ang kanilang boses upang isiwalat ang kawalang-katarungan ng administrasyon.
Kung hahayaan nating takutin at patahimikin ang mga itinuturing nating pag-asa ng bayan, paano tayo makakaasa sa mas makatarungan at mas progresibong kinabukasan?
Matitiyak din natin na mayroon silang ligtas na espasyo kung maitataguyod ang kanilang mga karapatan sa malayang pamamahayag, upang isaboses ang kanilang mga pananaw nang hindi pinanghihimasukan, pinipigilan, at nililimitahan.
Patunay lamang na hindi kakampi ng kabataan ang mga institusyon na ito sa pagtataguyod ng kanilang kalayaan, bagkus sila pa mismo ang unang nagbibigay-tuldok sa kanilang ligtas na espasyo. Hindi sila kakampi sa pagpapalakas ng tinig ng kabataan; sila mismo ang nangwawasak sa demokrasya na dapat nagsisilbing haligi ng kamalayang panlipunan.
Kung paghihigpitan ang pamamahayag ng kabataang lumalaban para sa bayan dahil sa paninindak na kanilang natatanggap, paano pa kaya ang panunupil na nararanasan ng iba pang mga sektor ng lipunan—mga sektor na mas mahina ang tinig at sadyang hindi pinakikinggan ng mga nasa itaas? Pinipili ng mga institusyong ito na balewalain ang mga gulugod ng bansa dahil inuuna nila ang sarili nilang mga interes at imahe.
Ipinararating ng pagkalampag sa pamahalaan ang kanilang mga kakulangan para sa ikabubuti ng taumbayan. Kung aalisin ang kalayaang ito, patuloy na mapagsasamantalahan at malulugi ang mga marhinalisadong sektor sa kamay ng may kapangyarihan.
Testamento ang kolektibong pakikibaka sa katatagan ng pagpapahayag—na kahit sa ilalim ng administrasyong mapaniil, nagpapatuloy ang paglaban at pagsisikap para sa lipunang hindi lamang malaya ang pamamahayag, kung hindi tunay na protektado.
Kitang-kita sa kaso nina Racelis, Cumpio, at Tacloban 5 na hindi lamang ito tungkol sa pag-asinta sa mga aktibista, ngunit malalim na representasyon ng paninikil sa malayang pagpapahayag. Sapagkat hindi naman na-red-tag si Cumpio dahil sa kasinungalingan o pag-uudyok ng karahasan, kung hindi dahil pinili niyang hindi pumikit at talikuran ang kaniyang mga ipinaglalaban.
Sa bawat bibig na tinitikom, matang pinapipikit, at taingang tinatakpan, duwag lamang ang pasistang rehimen sa katotohanang mabunyag ang kanilang kasakiman at panlilinlang sa taumbayan at pamantasan. Salungat ito sa bahid na pilit ipinipinta sa mga tunay na may malasakit sa bayan. Kaya kahit paulit-ulit silang patahimikin ng administrasyon, hindi mapipigil ang mga kabataan sa paglapit sa masa at lansangan upang isulong ang mga karapatang hindi na dapat pinaglalaban pa.
(Mga kuha ni James Neil Tamayo; Mga litrato mula sa Embassy of the Netherlands in the Philippines at The Flame; Latag ni Phoemella Jane Balderrama)