‘Journey of Hope,’ mamarkahan ang simula ng UAAP 88

FEU Advocate
August 27, 2025 16:50


Ni Vince Matthew Jaramilla

Ipinagmalaki ng host school na University of Santo Tomas (UST) ang paparating na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 opening ceremony na binansagang ‘Journey of Hope,’ sa ginanap nitong press conference kaninang umaga, ika-27 ng Agosto, sa Dr. Robert Sy Grand Ballroom ng UST.

Nakaayon ang pamagat ng programa sa Jubilee of Hope na selebrasyon ng Simbahan ngayong taon.

Opisyal na magbubukas ang season sa ika-19 ng Setyembre sa UST. Samantala, gaganapin ang mga panimulang laro ng mga basketball tournament sa susunod na dalawang araw sa UST Quadricentennial Pavilion.

Magsisimula ang unang araw ng Season 88 sa isang banal na misa na susundan naman ng opening program.

Itinampok ng kasalukuyang presidente ng UAAP Board of Managing Directors na si Rev. Fr. Rodel S. Cansancio, O.P. ang pagpaparamdam ng “Thomasian pride” sa komunidad ng UAAP sa pamamagitan ng seremonya ng pagbubukas. 

One can expect [a] festive atmosphere with vibes similar to Paskuhan and other iconic UST traditions like the Welcome Walk—all designed to give [the] UAAP community a taste of Thomasian pride and spirit (Maaasahang magkakaroon ng pampistang atmospera na malapit sa Paskuhan at iba pang tradisyon sa UST katulad ng Welcome Walk—lahat para mapadama sa komunidad ng UAAP ang dangal at espiritu ng pagiging Thomasian),” giit nito.

Inaasahang papatak sa pagitan ng 25,000 at 30,000 ang bilang ng mga dadalo sa nasabing pagdiriwang na gaganapin sa UST Grandstand at Open Field. 

Ipinahayag din ni Cansancio ang layuning higitan ang kanilang seremonya noong huli silang naging host school sa UAAP Season 79.

“We are building on the success of Season 79’s opening ceremony held in front of the Main Building and this year, we are taking it to the next level—bigger, bolder, and more spectacular than ever before (Ipinagpapatuloy namin ang tagumpay ng seremonya ng pagbubukas ng Season 79 na ginanap noon sa harap ng Main Building at ngayong taon, itataas pa namin ang lebel—mas malaki, mas matapang, at mas kahanga-hanga),” dagdag niya.

Isasagawa pa rin sa seremonya ang nakasanayang parada ng mga student-athlete, Oath of Sportsmanship, at Lighting of the Cauldron.

Dagdag pa rito, may magaganap na iba’t ibang pagtatanghal ng mga drone display, wall projection mapping, at fireworks show. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na masasaksihan ang mga ito nang sunod-sunod sa muling pagbubukas ng UAAP.

Magkakaroon din umano ng surpresang pagtatanghal na dapat abangan ng mga manonood.

Magtatapos ang opening ceremony sa ‘Hope Concert,’ isang espesyal na handog ng UST sa mga student-athlete at sa buong komunidad ng UAAP, ayon sa presidente ng Board of Managing Directors.

Bilang pangako sa magiging direksiyon ng Season 88, binigyang-diin ni Cansancio ang kahulugan ng UAAP para sa walong paaralan na kasapi nito.

[The] UAAP will always be about celebrating courage, discipline and the uniting spirit of sports. We will constantly espouse the belief that the true meaning of competition is beyond winning, it’s about inspiring transformation of oneself, teams, and greater community (Laging ipagdiriwang ng UAAP ang tapang, disiplina, at ang espiritu ng pagkakaisa sa pampalakasan. Tuloy-tuloy nating dadalhin ang paniniwala na ang tunay na kahulugan ng kompetisyon ay higit pa sa tagumpay, ito ay tungkol sa pagbabago ng sarili, mga koponan, at mas malawak na komunidad),” saad niya.

Mga pagbabago

Bukod sa inaabangang pagsisimula ng season, itinampok din sa press conference ang mga bagong kaganapan na dapat asahan.

Ibinunyag ang theme song ng Season 88 na pinamagatang ‘Strength in Motion, Hope in Action,’ kaparehas sa tema ng UAAP sa taong panuruan na ito.

Sa open forum para sa midya, inanunsiyo na ililipat ang iskedyul ng torneo ng taekwondo mula unang semestre sa ikalawa.

Dagdag pa rito, maaari nang abangan ang pagbabalik ng high school boys’ baseball at ang unang edisyon ng torneo ng tennis para sa nasabing dibisyon.

Nangyayari na rin umano ang usapan sa pagitan ng UAAP at Philippine Basketball Association (PBA) tungkol sa posibilidad ng mas maluwag na mga alituntunin kaugnay ng draft eligibility ng mga student-athlete sa PBA.

Para naman masiguro ang kapakanan ng mga atleta, ibinahagi ni UAAP Executive Director Atty. Rebo Saguisag ang pagpapalakas ng kanilang programang medikal, lalo na ang emergency health services.

Sa kasalukuyan, wala pang anunsiyo kaugnay sa hiwalay na press conference para sa paparating na mga torneo ng basketball.

(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)