Muning Kaibigan
- October 02, 2023 02:50
FEU Advocate
October 22, 2024 20:58
Kinondena ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at KADAMAY ang isinampang kaso laban sa mga senador sa ilalim ng Makabayan Coalition KADAMAY Secretary-General na si Mimi Doringo at PISTON National President na si Mody Floranda nang makatanggap ng abiso noong nakaraang ika-16 ng Oktubre.
Kasama ang mga transport lider na sina PISTON Deputy Secretary General Bong Baylon at MANIBELA Chairperson Mar Valbuena sa sinampahan ng kaso. Matatandaan ding nagpahayag ng kandidatura bilang senador si Valbuena noong ikapito ng Oktubre.
Isinampa sa kanila ang paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act na nag-aabisong “No permit, no rally” na isinabatas sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.
Kaugnay nito ang ikinasang kilos-protesta ng MANIBELA at PISTON noong ika-14 ng Agosto upang tutulan ang Public Utility Vehicle (PUV) Phaseout na hinarangan ng kapulisan sa Welcome Rotonda patungong Mendiola Street.
Sa isang pahayag, iginiit ng PISTON na ang mga isinampang kaso laban sa mga lider-transportasyon at lider-maralita ay sumasalamin sa kapalpakan ng rehimeng Marcos Jr. sa pagtugon sa panawagan ng mga mamamayan.
“Imbes na pagpapabasura ng bogus na negosyong modernisasyon, pagpapatahimik at pananakot ang sagot ng rehimen,” basa sa pahayag.
Para naman sa KADAMAY, ang pagpataw ng kaso laban sa mga tumatakbong senador ay isang paraan ng kapulisan at estado upang paigtingin ang pasismo sa panunupil ng karapatan ng mga tsuper, opereytor, at mga komyuter na magprotesta laban sa makadayuhan at makanegosyong programa.
“Sino nga ba naman ang hindi magagalit sa modernisasyon na kung saan sapilitan na kukuhanin ng mga korporasyon ang mga indibidwal na prangkisa ng mga tsuper at opereytor, pagkatapos ay ipapasa sa mga konsumer na tulad ng mga maralita ang pagbubuno sa pagbabayad ng mga sasakyang ubod ng mahal?” basa ng pahayag.
Kaugnay nito, inilarawan ng Tagapangulo ng Makabayan na si Liza Maza ang kaso laban kina Floranda at Domingo bilang “politically-motivated” at “harassment.”
"My co-senatorial candidates Mody Floranda and Mimi Doringo were exercising their democratic right to speak out in defense of the thousands of jeepney drivers and operators whose livelihoods are threatened by the government's flawed PUV Modernization Program (Ang aking mga kapwa senador na kandidato na sina Mody Floranda at Mimi Doringo ay ginagamit ang kanilang demokratikong karapatan na magsalita bilang pagtatanggol sa libu-libong mga jeepney driver at operator na ang kabuhayan ay nanganganib dahil sa banta ng PUV Modernization Program ng gobyerno),” aniya.
Dagdag pa ni Maza, isa itong pagtatangka upang patahimikin ang mga naninindigan kasama ang mga manggagawa.
“It’s another proof that the Marcos Jr. government is willing to stifle even the slightest voice of opposition through harassment and legal intimidation. It is clear that this case is not about law and order, but about discouraging dissent and shielding anti-poor policies from legitimate scrutiny (Ito ay isa pang pruweba na ang gobyernong Marcos Jr. ay handang pigilan ang kahit katiting na boses ng oposisyon sa pamamagitan ng panliligalig at legal na pananakot. Malinaw na ang kaso na ito ay hindi tungkol sa batas at kaayusan, ngunit tungkol sa panghinaan ng loob sa hindi pagsang-ayon at pagprotekta sa mga anti-poor na patakaran mula sa lehitimong pagsusuri),” paglalahad nito.
Panawagan ng mga grupo ang pagbabasura ng isinampang kaso laban sa mga lider-masa at ang pagbabasura ng PUVMP.
Nakatakda naman ang arraignment ng isinampang kaso laban sa mga lider sa ika-14 ng Nobyembre.
Ito na ang pangalawang beses na sinampahan ng kaso ang mga kandidato ng pagkasenador sa ilalim ng Makabayan.
Matatandaan na hinatulang “guilty” ng Tagum City Regional Trial Court si ACT Teachers Representative France Castro at iba pang kasama ng Talaingod 18 sa paglabag ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act noong Hulyo.
- Kasharelle Javier
(Mga kuha nina Apollo Arellano at Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)