Ika’y Tutubo

FEU Advocate
August 09, 2025 15:48


Isinilang ka sa dibdib ng gubat kasama ang agos ng ilog at ihip ng hangin.

Ikaw ay lumaki sa lilim ng kagubatang saksi ng iyong pagyabong, unang humakbang ang paa sa lupang minana sa salinlahi, na ngayo’y hindi mo na pagmamay-ari.

Hindi mo kailangang ipaliwanag kung sino ka—nananalaytay ito sa kulay ng iyong balat, sa kamay mong may bakas ng tinubuang lupa, at sa tinig mong patuloy na pinatatahimik.

Nagtanim ka ng palay ngunit nananatiling gutom. Ipinagtanggol mo ang kagubatang unti-unting naging minahan. Bilang anak ng lupa, itinuring kang dayuhan sa sarili mong lupain.

Ang kabunduka’y sinusukat ng metro; lupa’y nilalagyan ng presyo.

At tulad ng palay na kasabay mong namunga, ikaw rin ay mamamayapa. Ngunit sa iyong muling paghimlay ay tandaan mong hindi ka namatay, ikaw ay ibinalik lamang sa lupang pinagmulan.

Itinanim ka sa pag-asang ika’y sisibol upang muling mabuhay.

Makipag-iisang-dibdib kang muli sa lupa at hahalikan nito ang iyong katawan na tila ito’y sanay na sa iyong init. Tulad ng ina sa anak, tulad ng ninuno sa tagapagmana.

Ikaw ay yayabong, mamumunga, at makikibaka muli para sa lupang pinagtaniman sa iyo.

Hindi ito ang iyong katapusan.

At kapag ikaw ay handa na muli, ikaw ay babalik.

Ika’y tutubo.

- Sean Clifford M. Malinao

(Illustration by Alexandra Lim/FEU Advocate)