Sa Aking Pagsadlak
- January 11, 2024 09:31
FEU Advocate
August 26, 2022 05:59
Ni John Vincent Cruz & Yuichi Desquitado
Sa opisyal na pagbabalik-eskwela nitong Agosto 15, panibagong hamon ang haharapin ng mga mag-aaral na milya-milya ang layo ng tahanan sa napiling paaralan. May pag-aalinlangan man, ang paghahanap ng dormitoryo ang kanilang magiging sandigan upang makaiwas sa masalimuot na daloy ng trapiko mula sa kanilang pinanggalingan.
Kaginhawaan at swak sa badyet–ito ang pareho at pangunahing konsiderasyon ng mga magulang at mag-aaral sa pagpili ng dormitoryo, lalo na sa muling pagtawid ng mga estudyante mula birtwal patungong pisikal na moda ng klase.
Mahalagang malaman ang mga bagay na dapat nating pakatandaan sa ating magiging panibagong tahanan. Bukod sa pagbukod mula sa pamilya't kaibigan, kaakibat din nito ang isa pang pagsubok—ang takot na harapin ang mga ito nang mag-isa.
Sa mga nabanggit na aspeto at kondisyon, narito ang ilang natatanging tips at tricks upang mas mapagaan at mapadali ang napipintong dorm living.
1. Kilalanin ang dorm na pipiliin
Mahalagang malaman ng isang mag-aaral kung ano ang dorm na kanilang titirahan. Tulad na lamang ng kung ano ang maaari o ipinagbabawal sa loob ng establisyemento, oras ng curfew na nakalaan, mga tuntunin at patakaran ng namamahala sa dormitoryo, at mga landmarks at mahahalagang pook na malapit sa tinutuluyan.
Kinakailangan itong isaalang-alang sapagkat ang pagsunod sa mga alintutunin ng dormitoryong tutuluyan ay simbolo ng respeto, pagpapanatili ng magandang samahan, at pag-iingat sa kagamitan na sa atin ay pinahiram lamang.
Halimbawa na lamang ay ang mga dormitoryong ipinagbabawal ang paggamit ng kalang de gasul upang makaiwas sa sunog at disgrasya. Isa lamang ito sa mga paraan ng pagiging responsable at pagpapahalaga sa mga patakaran–simple o enggrande man.
2. Matutong gumawa ng mga gawaing-bahay
Bilang ikaw ay bubukod na ng tirahan pansamantala, marapat na marunong ang isang mag-aaral sa mga gawaing-bahay. Ilan sa mga ito ay pagluluto, paglilinis, paglalaba, pagpaplantsa, at iba pa.
Para kay Lara Asuncion, isang 2nd year student mula sa Bachelor of Science in Nursing, mahalagang matuto ang isang indibidwal ng gawaing-bahay, lalo na kung hindi kilala ang makakasama nito sa dormitoryo.
“Kasi hindi tulad sa bahay na may magulang/katulong na nag-aasikaso sa ibang atupagin sa bahay, kapag nasa dorm ka, mag-isa ka nalang. Tapos, syempre, dahil may ibang tao kang kasama, parang pakikisama ‘yon sa kanila,” (Unlike at home where we have our parents and helpers who attend to house chores, when you’re in a dorm, you’re all alone,)" pagbabahagi ni Asuncion.
Sinasalamin ng ating kapaligiran, lalo na ng ating silid, ang kalagayan ng ating pag-iisip. Kung malinis ang ating paligid, maayos din ang ating isipan na siyang nakagiginhawa ng lagay ng ating pamumuhay. Bukod sa mas maginhawa ang paninirahan, nakatutulong din itong makapawi ng stress.
Ayon sa artikulo ng Yorleny Cleaning Service, mayroon din itong handog na benepisyong pangkalusugan. Ang paglilinis ay nakababawas ng pollutants, allergens, at alikabok sa hangin na ating nalalanghap.
Kung malinis ang hangin, mas lumiliit ang pagkakataong magkasakit ang isang tao. Bukod pa rito, mas nakagaganda ng kalidad ng tulog ang malinis na silid.
Kaya kung ikaw ay may kasama sa dormitoryo, butihing mag-set ng iskedyul at magsalitan sa paggawa ng mga gawaing-bahay. Bukod sa repleksyon ito ng isang responsableng mag-aaral, isa rin itong gawaing nakapagpapakalma para sa ilan dahil mapapanitiling organisado ang espasyong tutuluyan.
3. Maging responsable sa salapi
Kasama sa dorm living ang pamamahala ng badyet. Madalas sa mga mag-aaral na nagdo-dorm, mayroon silang karampatang pondo o allowance na nakahanda para sa espesipikong araw, linggo, o ‘di kaya'y buwan.
Ganito ang nakasanayan ng 2nd year BS Applied Mathematics student na si Paul Aldrin Cristobal. Para sa kanya, mahalagang ihiwalay ang parte ng kanyang pera na nararapat para sa mga bayarin katulad na lamang ng kanyang kuryente, tubig, at renta sa dormitoryo.
Mahalaga para kay Cristobal na magplano nang naaayon sa kakayahan niyang gumastos o “spending power.” Dagdag pa niya, na matapos mahiwalay ang pambayad sa mga bayarin, sinusunod naman niya ang pagsusuma at pagtatantiya ng gastusin sa pagkain at iba pang dapat bayaran.
Ibinahagi naman ni Cristobal ang ilan sa kaniyang mga gawi upang makatipid. Una, mas makakamura kung magluluto nang maramihan o pangmalakihang salu-salo.
Halimbawa, kung may natirang ulam o pagkain sa hapag, maaari pa itong ihanda muli bilang almusal. Pagdating naman ng hapon, maaari ulit itong initin bilang hapunan. Bukod pa rito, maaari kang maghanda ng sariling meal plan upang masiguro na nakatatanggap ka ng tama at angkop na nutrisyon.
Pangalawa, maglaan ng budget para sa cravings. Minsan, hindi talaga maiiwasan na manabik tayo sa mga pagkaing kinagigiliwan natin. Subalit, kung hindi planado ang paggastos, maaari itong magkulang kung saan hindi mo na mapupunan ang mga pangangailangan.
Huli, huwag magpadala sa FOMO o “Fear of Missing Out”. Ito ay tumutukoy sa takot na mapag-iwanan sa magbabarkada (o publiko) dahil sa hindi ka nakasusunod o nakasasabay sa kanilang lifestyle.
“We're adults naman na that can understand that everyone will have their own spending capacity (Matatanda naman na tayo na nakaiintindi na hindi lahat ay may kakayahang gumastos),” saad ni Cristobal.
Mahalaga rin na magtago ng bahagi ng baon bilang ipon upang mayroon ang bawat isa ng salaping magagamit sa oras ng pangangailangan, lalo na kung para ito sa pag-aaral.
4. Subukang makitungo sa mga kasama
Maaaring tingnan ang mga kasama sa dormitoryo bilang malayong kamag-anak na magiging kaagapay sa hirap at ginhawa ng buhay mag-aaral. Tunay na mahirap ang malayo sa ating pamilya dahil sila ang napagbabahagian natin ng ating tagumpay at pagkatalo noong tayo ay bata pa lamang.
Bilang panghalili, subukang kilalanin at pakitunguhan ang mga makakasama sa dormitoryo dahil sila ang magiging kakampi mo sa mga taong lilipas sa haba ng iyong pag-aaral.
Tulad sa isang tahanan, ang bawat naninirahan ay kinakailangang may tiwala sa isa’t isa para sa maayos na pagsasama.
Subukang kumain nang magkakasama tuwing gabi, bumisita sa kanilang silid habang may libreng oras, o hindi kaya'y simpleng kumustahan lamang. Mahalaga ito sapagkat maaaring sila pa rin ang iyong makakasama sa ilan pang mga taon–na siyang magbibigay kulay ng iyong buhay, sa aspetong akademiko man o hindi.
5. Maging alisto at mapagmatyag
Ang masigla at masayahing kalye ng Morayta ay nagbabagong-anyo tuwing sasapit ang gabi. Noon pa man ay talamak ang mga krimen sa kahabaan ng Unibersidad kaya marapat na maging alisto sa paligid. Sa mga pagkakataong ito, maghanap ng makakasabay pauwi upang maiwasan ang paglakakad o pagcocommute nang mag-isa.
Sa panayam ng FEU Advocate sa kasalukuyang pangulo ng FEU Central Student Organization (FEUCSO) na si Roberto Reynoso II, ibinahagi niya na kasakuluyang pinagtitibay ang seguridad sa loob at labas ng Unibersidad dahil sa hindi maiiwasan na pang-gabi na klase sa FEU.
“Maoobserbahan rin natin ang pagdami ng mga pulis na nagbabantay at mayroon rin silang mga itinalaga na help desks kung saan ang isa sa mga ito ay matatagpuan sa kanto ng P. Campa (We can observe the increase in police visibility and availability of help desks in the area. In fact, one of them can be seen in P. Campa),” pagsasalaysay ni Reynoso.
Dagdag pa niya, patuloy ang rekomendasyon ng FEUCSO at pakikipag-ugnayan nito sa lokal na pulisya upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Tamaraw sa kanilang pagbabalik-eskwela.
Ang nakakabagabag na takot sa pagtahak ng madilim at peligrosong daan ay malalampasan kung tayo ay magiging alerto nang sa gayon ay makauwi sa kani-kanilang tahanan nang ligtas.
6. Maging disiplinado!
Sa lahat ng mga nabanggit na tips, marahil ito ang dapat bigyan ng malaking importansya dahil sakop nito ang wastong paggamit ng ating oras hindi lamang sa pag-aaral kundi na rin sa iba’t ibang bagay.
Sa kadahilanang tayo ay namumuhay ng mag-isa, sarili ang tanging sandalan sa pag-aasikaso ng mga responsibilidad sa loob at labas ng Unibersidad. Kasama na rito ang mga pang-akademikong gawain at aktibidades sa bahay at trabaho. Mainam na timbangin ang bawat gawain ayon sa kahalagahan ng mga ito—para matukoy kung ano ang mas kailangang pagtuunan ng pansin.
Para kay Ronnel Josh Cruz, kalihim ng FEU Communication Society (FEU CommSoc), mas mabuti na gumawa ng to-do list bilang paalala sa mga gawain na kailangang unahin.
“Mas maganda kapag magkakaaayon ang ating mga ginagawa para madali nating makontrol ang lahat ng ating mga kanya-kanyang gampanin (It is better if the things we will do are cohesive so that we can easily carry out our own tasks),” pagbabahagi ni Cruz.
Sa pamamagitan nito, masisiguro ang sapat at patas na atensyon nang hindi nakokompromiso ang ibang gawain, kung saan maaaring hati-hatiin ang mga gawain mula sa pinaka komplikado hanggang sa pinakasimple.
Hindi maikakaila na puspusan ang paghahanda ng mga estudyante sa pagbabalik-eskwela, lalo na’t kagagaling lang natin sa masalimuot na pandemya. Hilingin man nating manatili sa nakasanayan, bahagi ng buhay ng isang tao ang pagbabago.
Sa muling pagtatagpo sa loob ng Pamantasan, ang paghahanap ng dormitoryo ay simula pa lang sa marami pang listahan ng mga pagsubok na pagdadaanan. Ito man ay nakapanghihina ng loob, tiyak na may makikilalang mga kaibigan na sasamahang harapin ang mga unos at dalitang dala ng panahon—magkakaiba man ng pinanggalingan at destinasyon.