Abarrientos after a year in KBL: ‘Sobrang nagpapasalamat ako sa FEU’
- June 03, 2023 12:12
FEU Advocate
October 20, 2024 23:54
Kahit sabihin mong malinis ang iyong mga palad,
hindi ako maniniwala.
Ilang dekada nang dinudungisan ang aking bayan
ng mga kamay na nagnanakaw ng kaban—
binubungkal ang inangking lupa't tinatayuan
ng mga rebulto ng kasinungalingan.
Kakawala sila sa hawla ng entablado
o sa harap ng husgado,
at hahantong sila sa himpilan ng mga politiko.
Hindi ka nararapat dito—
sinasamba, sinasanto, o binoboto.
Dapat nasa likod ka ng mga rehas.
Dapat alam mong kahit anong hugas
at kuskos mo sa mga bakas ng dugo,
ang sinugatan mong sambayana’y ‘di maglalaho.
Hindi pa ba sapat na salat na ang iyong bayan?
Patuloy na magdarahop ang mga mamamayan,
habang inyong ikinukubli ang mga kasalanan.
Ngunit kahit tangkaing banlawan ang mga katiwalia't pangakong huwad,
hindi na nito lilinisin ang inyong mga palad.
Hindi na kami maniniwala.
-Kristine Aimee Millonte