Hudyat ng Kasaysayan: Pagpapatuloy sa Kabayanihan ng Pilipino

FEU Advocate
August 29, 2022 08:55


Ni Samantha Cheyenne Gail D. Pagunuran

Ang rebolusyong sinimulan upang makawala sa 333 taong pananakop ng mga Kastila ay isa lamang sa patunay na matindi ang pinagdaanan at paninindigan ng mga bayani. Dala ang naglalagablab na hangarin para sa kalayaan, sila ay magsisilbing kampanang gigising sa sariling kakayahan at pagiging makabayan ng bawat Pilipino.

Nagkakaroon man ng hindi pagkakaunawaang dulot ng magkakaibang mga kaalaman, tradisyon, at paniniwala, magkakampi pa rin ang lahat ng Pilipino. Nawa’y maging isang palatandaan ang pagkilala o pag-alala sa mga bayani upang gawing mas matatag ang pagmamahal ng mga Pilipino sa bansa at kanilang kapwa.  

Maaani mula sa butil ng kasaysayan at kaalaman ng mga bayani ang inspirasyong bumubuo ng lakas sa pagkakaroon ng sariling ambag sa lipunan.

Liderato at ang Liwanag ng Pagkakaisa

Kilala si Datu Lapu-Lapu bilang unang bayani ng Pilipinas kung saan pinigilan niya ang pananakop ng hukbo ni Ferdinand Magellan na may layuning palaganapin ang Katolisismo sa bansa—na siyang dahilan ng pagdaong sa isla ng Mactan sa Cebu noong 1521.

Ayon sa artikulong The Story of Lapu-Lapu: The Legendary Filipino Hero”, ang alitan sa pagitan ni Lapu-Lapu at Rajah Humabon ang siyang nag-udyok sa kampo ni Magellan upang dumaong sa isla. Ang nasabing alitan ay dulot ng pagsalakay ni Rajah Humabon sa mga barko ng Opong na kinabibilangan ang mga lugar na hawak ni Lapu-Lapu sa Cebu. 

Sa mata ng mga Pilipino noon, ang layuning baguhin ang kanilang paniniwala tungkol sa usaping relihiyon ay mistulang pagmamanipula laban sa kanilang mga nakasanayan. Kung kaya’y kasama ang 1,500 na mandirigma, pinangunahan ni Lapu-Lapu ang matagumpay na paglaban sa hangaring kalayaan sa pagpili ng mga Pilipino noon.

Sa parehong paraan, nagtatag naman ng Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) si Andres Bonifacio—na pinangunahan ang armadong pag-aalsa upang ipanalo ang kalayaan laban sa kapangyarihang kolonyal ng mga Kastila. 

Tatlo ang kanilang layunin: ang tuluyang paglaya ng mga Pilipino sa mga Kastila kasabay ng pagturo ng kabutihang asal, paglaban sa bulag na pagsunod sa relihiyon, at pagtulong sa pagtatanggol ng mga inaapi at mahihirap. 

Matapos maitatag ang KKK, naging posible ang pagkakaisa sa pag-aaklas ng mga mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang probinsya. Kaya naman, ang walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas ay sumisimbolo sa mga probinsyang ito—ang Batangas, Laguna, Cavite, Manila, Bulacan, Tarlac, Pampanga at Nueva Ecija. Bunsod ng kaganapang ito, kinilala si Bonifacio bilang “Ama ng Himagsikang Pilipino”. 

Sa pamumuno ni Bonifacio, malaking parte ng kasaysayan ang iniambag ng samahang KKK nang sabay-sabay nilang punitin ang kanilang mga sedula noong Agosto 1896. Ang pagkilos na ito ay simbolo ng kanilang pag-alsa laban sa mga Kastila. Layunin din nito ang pagtuligsa sa pagtawag sa mga Pilipino bilang Indio—na nangangahulugang walang alam o hindi nakapag-aral.

Ang sinimulan ni Lapu-Lapu at Bonifacio ay tanda na posible ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sa iisang misyon. Dulot ng kanilang paggabay, sa anyo ng maabilidad at mapagkakatiwalang pamumuno, nagkakaroon ng konkretong solusyon mula sa pakikinig at pakikisama ng bawat isa.

Hindi ka Babae “Lang”

Sa isang lipunang patriyarkal, hindi maikakaila na matindi ang pinagdadaanan ng mga kababaihan sapagkat tinitingnan silang mas mahina o mas mababa kaysa sa mga kalalakihan simula noon hanggang ngayon. Noong panahon ng mga Kastila, hinubog ang mga kababaihan ayon sa pagkakakilala kay Birheng Maria—banal, masipag, mabait, maintindihin, at mayumi. 

Matagal bago naputol ang esteriyotipoko na nasa bahay lamang dapat ang mga babae bilang ilaw ng tahanan na nararapat lamang manilbihan. Sa kabila nito, pinatunayan nina Gabriela Silang at Melchora Aquino, o mas kilala bilang “Tandang Sora”, na hindi hadlang ang kasarian upang gampanan ang mabibigat na responsibilidad—hindi lamang para sa kanilang sarili kundi, higit sa lahat, para sa bayan.

Bukod sa pagiging maybahay ni Diego Silang, nagsilbi ring gabay si Gabriela Silang sa pagpapatalsik sa kinasusuyaang pamamahala ng mga Kastila sa Vigan, Ilocos Sur. Buong tapang na ipinagpatuloy ni Gabriela Silang ang matagal nang sinimulan na pag-atake ng mga gerilya. Sila ay kilala bilang mga dalubhasa sa pamumundok at biglaang pagsalakay na lumaban sa mga Kastila. 

Kasama man sa mga dinakip at pinaslang noong Setyembre 1763, si Silang ang isa sa mga dahilan sa pagsisimula ng posibilidad na mamahala ang mga kababaihan at mamuno sa isang pag-aalsa.

Bunga ng kanyang pagkabayani, ipinangalan sa kanya ang nabuong samahan ng kababaihan noong Abril 1984. Ang General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership, and Action (GABRIELA) ay kasalukuyang  pinamumunuan ni Rep. Arlene Brosas. Prayoridad ng samahang bigyan ng edukasyon at lakas na ipaglaban ang mga karapatan at interes ng mga kababaihang nasa laylayan ng lipunan. 

Katulad ni Silang, babaeng bayani rin sa panahon ng pananakop ng mga Kastila si Melchora Aquino. Siya ay kailanmang hindi naging miyembro ng samahang KKK, kung kaya’t mas kilala siya bilang katuwang nito.

Sa edad na 84 taong gulang, nakiisa si Melchora Aquino sa katipunan kung saan tinawag siyang ‘Tandang Sora’ bilang pagbibigay-galang ng kanyang mga kasamahan sa KKK. Sa katunayan, nilalapitan din siya ni Bonifacio upang manghingi ng konkretong payo ukol sa mga operasyon at plano ng grupo.

Sa kanyang kontribusyon, nagmistulang ilaw ng tahanan si Aquino sa bawat Katipunero. Ilan sa mga serbisyong naitulong ni Tandang Sora ay ang paghahanda ng pagkain, paghahandog ng tirahan, at pagbibigay ng pangangailangang medikal. Sa kanyang pangangalaga, natulungan niya ang mga Katipunero sa iba’t ibang pamamaraan.

Makalipas ang anim na araw mula ang pagpunit ng sedula noong ika-29 Agosto 1986, siya ay pilit na dinakip ng mga Kastila upang kuhaan ng impormasyon tungkol sa Katipunan. Agresibo man ang kanilang pamamaraan upang siya ay mapaamin, pinili pa rin niyang protektahan ang grupo. 

Hindi nagtagal ay sumapit naman ang panahon ng pananakop at pamumuno ng mga Amerikano. Sa ilalim nito, tinanggihan niya ang mga pensyon at parangal na pera sapagka’t sapat na sa kanya ang kontribusyon niya sa rebolusyon.

Agimat ang Pagsusulat

Ang pagsusulat ay isang instrumento ng komunikasyon na may kakayahang manghikayat at magbahagi ng kwento o kaisipan gamit ang mga salita. Kung gayon, mga pluma ang hawak nina Dr. Jose P. Rizal at Apolinario Mabini upang lumaban sa pang-aapi ng mga Kastila. Ang kanilang angking talino ang patunay na ang lakas ay hindi lamang nasusukat sa paggamit ng armas. 

Sa kilalang nobela ni Rizal na El Filibusterismo (The Reign of the Greed), pinagtibay niya ang pampulitikang adbokasiya laban sa mapang-abusong mga Kastila sa pagpapakita ng mga karahasan at paghihiganti. Idiniin nito na walang silbi ang pag-abot sa kalayaan ng mga inapi kung magiging maniniil lamang ng kapwa sa hinaharap.

Isang ilustrado si Rizal na dalubhasa sa maraming bagay kagaya ng medisina, panitikan, arkitektura, at marami pang iba. Kasama ng  El Filibusterismo, kasalukuyang itinuturo sa hayskul ang Noli Me Tángere (Touch Me Not) na sumasalamin sa mga pang-aabuso ng mga pari sa panahon ng mga Kastila. 

Naging daan ang dalawang ito upang mas maintindihan ang mga pinagdaanan ng mga Pilipino noong panahon na iyon—na siyang nagsisilbing inspirasyon upang ipaglaban ang ating karapatan at ang nararapat para sa kapwa Pilipino.

Sa pamamagitan ng matagal at masipag na pagsusulat ni Rizal, kanyang naipakita ang mensahe at katotohanan ng kalagayan ng mga Pilipino sa paraang mapayapa at progresibo. Dahil sa kanyang mga sulatin, ang pagsisiwalat sa mga kawalang-katarungan at kalupitan ng Kastila ay pumukaw sa mga Pilipino upang bumuo ng mga samahang organisado pati na rin ng mga malawakang paghihimagsik.  

Bukod kay Rizal, tanyag din si Apolinario Mabini bilang isang paralitikong matalas ang isipan at lohika. Ito ang dahilan sa likod ng pagkilala sa kanya bilang “Dakilang Lumpo” at ang utak ng himagsikan. Maliban sa kanyang pagsusulat, siya ay nagtapos ng kursong abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Ginamit ni Mabini ang kanyang mga natutunan upang tumulong sa mahihirap na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Kasama rin si Mabini sa Kilusang Propaganda na binubuo ng mga ilustrado gaya ni Rizal kung kaya’t nang mamatay ang pambansang bayani, nag-udyok ito sa kanya upang makiisa sa Katipunan. 

Isa sa sikat na akda ni Mabini ay ang Programa Constitucional de la Republica Filipina na naglalaman ng mga plano para sa pamahalaan at edukasyon ng bansa. Maliban dito, kilala rin ang kanyang El Desarollo y Caida De la Republica Filipino na nangangahulugang pagtaas at pagbagsak ng Republikang Pilipino.  

Sa paglathala ng kanyang tanyag na artikulong El Simil de Alejandro (The Resemblance of Alejandro), nadakip si Mabini sapagka’t laman nito ang pagtuligsa sa pamahalaang Amerikano. Ito rin ay nagbigay-diin sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino na nararapat nila makamit noon.

Isa sa pinakamahalagang mensahe ng artikulo ay, "Ang tao, gustuhin man niya o hindi, ay gagawa at magsusumikap para sa mga karapatang ipinagkaloob sa kanya ng Kalikasan, dahil ang mga karapatang ito ay ang tanging makakatugon sa mga hinihingi ng kanyang sariling pagkatao." Karugtong nito ay ang paghahalintulad ng halaga ng pagkain sa pinagdamutang taong gutom sa kahalagahan ng karapatang mabuhay ng isang tao.

Makabagong Paraan, Makabagong Panahon

Nakalaya man sa mga banyaga, hindi natatapos ang iba't ibang suliranin ng mga Pilipino sa araw-araw; isa sa mga ito ay ang kahirapan. Sa kasalukuyan, may mga iilang ordinaryong Pilipinong nagpapakabayani para sa kapakanan ng kapwa ibang tao maging kapwa Pilipino.

Sa isang artikulong inilathala ng Rappler, nabanggit na bayani ang isang tao na nais maglingkod, magtanggol ng kapwa, at mag-udyok ng pagbabago para sa tama at ikabubuti ng nakararami.

Kamakailan, nabanggit sa State of the Nation Address 2022 ni Pangulong Bongbong Marcos na kailangang tutukan ang pagpapatibay ng healthcare at ekonomiya sa bansa. Hindi man mabilis ang pag-usad ng bansa sa pandemya, nariyan ang mga makabagong bayaning Pilipino na patuloy na umaagapay sa masa—mga doktor, nars, at mga empleyado ng ospital. Sila ay binansagang frontliners dahil sariling buhay ang itinataya nila para maging ligtas ang publiko sa kapahamakang dulot ng COVID-19.

Ngunit bago pa man magsimula ang social distancing dulot ng COVID-19, naging obligado na ang 2.2 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) na dumistansya sa kanilang mga pamilya sa matagal na panahon. Kumakayod sila at inaalay ang kanilang dugo't pawis upang makamit ang maginhawang buhay para sa pamilya na nakabubunga rin ng positibong epekto sa ekonomiya ng bansa. 

Hindi pa man nagtataguyod sa mga mahal sa buhay ang isang mag-aaral, maaari rin silang maging bayani sa kanilang kapwa at bansang tinitirhan. Gaya nga ng winika at pinaniwalaan ni Rizal,  “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Para sa kanya, ang edukasyon ay susi ng mga kabataan sa pagpapayabong ng bansa—hindi lamang ito magsisimula sa loob ng paaralan ngunit maaari rin itong makamtan kasama ang masa.

Namumulat ang bawat mag-aaral sa reyalidad ng buhay nang dahil sa pagpupursigi ng isang guro sa kanyang tungkulin. Sa gayon, umuusbong ang kanyang mga kakayahan at pangarap para sa sarili at sa kanyang kapwa; ang simpleng pagbibigay ng kamalayan at pagkakaroon ng kapasidad tumulong ay nagiging posible. 

Kadalasan, ang mag-aaral din ay may kakayahan at kagustuhang alamin at ipaalam ang tama. Gaya ng mga itinuro sa mga paaralan, mahalaga ang simpleng pagtuturo o pagkakalat ng katotohanan sa paglaganap ng fake news ngayon. Ang mga nagkakalat ng maling impormasyon na inihahain bilang balita ay may intensyong baliktarin ang kasaysayan—na nagiging sanhi ng iilang hindi pagkakaintindihan at mga maling desisyon na maaaring negatibong makapekto sa buhay ng isang tao at sa bayan na kinabibilangan niya.

Walang pinagbasehang pamantayan ang bawat bayani dahil tanging mga karanasan at pagmamahal sa kapwa at sariling bansa ang umiral tungo sa inasam nilang pagbabago. Anumang estado, kasarian, lakas, at talino ng isang Pilipino ay maaari siyang makapagsilbi para sa ikaaangat at ikabubuti ng bayan at masa.

(Dibuho ni Shiena Sanchez)