Sinepiyu XV kicks off annual film festival with calls for short film entries
- March 21, 2023 12:55
FEU Advocate
December 03, 2025 10:43

Ni Bianca Bumatayo
Karapatan ng bawat kabataan na mapanatili ang matibay na pundasyon ng kanilang kalusugang mental. Katuwang nito ang matatag na pagpapahalaga sa bawat kilos at emosyong humuhubog sa kanilang pagkakakilanlan. Ngunit sa kasalukuyan, tila umaalingasaw ang hinagpis mula sa sugat na nagpapalubha sa suliraning kinahaharap ng kabataang Pilipino pagdating sa kalusugang pang-isip.
Binalot ng pagkadismaya ang publiko sa patuloy na mababaw na pagtingin ng pamahalaan sa isyu. Kamakailan lamang, inihain ni Senator JV Ejercito ang Emman Atienza Bill o ‘Anti-Online Hate and Harassment Bill’—isang panukala na naglalayong palakasin ang proteksiyon laban sa cyberbullying, online hate speech, harassment, at cyberlibel.
Layunin nitong tugunan ang tumataas na kaso ng paninirang puri at pag-aatake sa social media, lalo na sa kabataang araw-araw na nakasuong sa digital na espasyo.
Subalit, kahit makabuluhan ang ganitong hakbang, hindi pa rin nito nabibigyang-liwanag ang tunay na pangangailangan ng henerasyon—ang pagkakaroon ng matatag, sapat, at totoong kalinga para sa kanilang kalusugang pang-isip.
May sugat na umuukit, lumalalim
May mga bakas na natatamo ang tao na kahit maghilom, nag-iiwan ng hapding
nakaukit—hapding hindi mawari ng isip kung saan o paano hahanapan ng lunas.
Nananatiling hamon sa Pilipinas ang kalusugang pangkaisipan ng kabataan, lalo na’t patuloy na lumalala at tumataas ang mga kasong naiuulat nitong mga nagdaang taon.
Sa isang press release na inilabas ni Sen. Joel Villanueva noong 2018, isinaad niya ang datos mula sa National Poison Management and Control Center ng Philippine General Hospital, kung saan 46 na porsiyento ng naitalang kaso ng pagpapakamatay mula 2010 ay mula sa kabataan.
Bunsod nito, unti-unting sumilay ang mas malawak na pagkilala sa isyu at naitaas ito bilang mahalagang bahagi ng diskursong panlipunan.
Noong 2018, ipinasa ang ‘Philippine Mental Health Act’ na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga indibidwal na may kondisyong pangkaisipan at palakasin ang suporta sa kanilang pangangailangan.
Ngunit sa kabila ng batas na ito, nananatiling kulang ang kongkretong solusyon upang matugunan ang isyu. Lalo na sa usapin ng aksesibilidad, pondo, at tindi ng hamong hinaharap ng kabataang Pilipino.
Ayon sa artikulo ni Francis Mina, isang tagapagpayo mula sa Acta Medica Philippina noong 2024, patuloy na nahaharap ang Pilipinas sa matitinding kaso ng depresyon, pagkabalisa, at pagkikitil ng buhay.
Dulot ng mga kasong ito, mas lumalala rin ang antas ng kahirapan, sapagkat nawawalan ng kakayahang makapagtrabaho o makapag-aral ang mga kabataang apektado.
Dagdag pa rito, batay sa datos ng Department of Education para sa taong panuruan 2021–2022, mahigit 404 na mag-aaral ang naiulat na nagpatiwakal, habang higit 2,100 naman ang nagtangkang wakasan ang kanilang buhay dahil sa depresyon.
Kamakailan lamang, muling nabigyang-diin ang isyu sa kalusugang mental ng kabataan bunsod sa biglaang pagpanaw ng social media influencer at content creator na si Emman Atienza sa edad na 19 na gulang.
Isa rin siyang biktima ng depresyon, kaya’t lubos na nagdalamhati ang publiko sa kaniyang pagpanaw, lalo na’t marami ang nabigyan niya ng inspirasyon at kasiyahan sa pamamagitan ng kaniyang plataporma.
Matapos ang insidente, inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang Emman Atienza Bill o ‘Anti-Online Hate and Harassment Bill,’ na naglalayong labanan ang cyberbullying at iba pang uri ng pang-aabuso sa plataporma ng teknolohiya.
Ngunit nang ilabas ang panukala, umalingawngaw ang tanong ng publiko: Bakit ngayon lamang kumikilos ang gobyerno, gayong matagal nang lumulubha ang suliranin?
Kaya’t nananatiling palaisipan kung may tunay bang pagbabago sa tugon ng pamahalaan, lalo na’t kahawig lamang ito ng mga umiiral nang batas tulad ng Anti-Bullying Act of 2013—ang batas na may kaparehong layunin ngunit hindi pa rin nagpapakita ng malinaw na epekto sa buhay ng kabataang Pilipino.
May galos na nagbabakas, nagmamarka
Buhat nito, sumiwang ang mababaw na pagtingin ng gobyerno hinggil sa sitwasyon ng kalusugang pangkaisipan ng kabataang Pilipino. Matagal na itong nagsisilbing sugat sa lipunan ng bansa, ngunit may kakulangan pa rin sa lunas ng tugon at aksiyon ang pamahalaan.
Dulot ng pag-aalinlangan ng masa hinggil sa isyu na ito, tila hinahanapan nila ito ng mas malalim na layunin na tunay na makapagpapalago at makapagtataguyod sa kalusugang mental ng bawat kabataan.
Ibinahagi ni Dr. Hardie Gieben Cruz, ang kasalukuyang direktor ng Guidance and Counseling ng Far Eastern University (FEU), sa panayam ng FEU Advocate ang paghanga nito sa pagiging tinig ng kabataan ni Emman, ngunit kalakip nito ang pangamba sa tugon ng gobyerno sa isyu na ito.
“Naisip ko nga nung nabasa at napakinggan ko ito—kung hindi lang ba dahil sikat siya, o, at kung hindi lang ba dahil anak siya ng kilalang personalidad kung kaya’t nagkaroon ng movement na ganun?” tugon niya.
Dulot nito, tila may isang diskusyon na nabuksan ang panukalang batas na ito—sa rami ng kaso ng kalusugang mental sa Pilipinas pati na rin sa ibang lupalop ng mundo, bakit namumukod-tangi itong solusyon hinggil sa isyu na ito?
Dahil kung sisipatin nang maigi, hindi lamang isang personalidad ang dapat nilang maging alarma upang tumugon, kung hindi ang patuloy na pag-usbong ng mga kaso sa kalusugang mental ng kabataan.
Karugtong nito ang nakaugat na lubos na pagkapagod dulot ng mga gawaing akademiko ng mga kabataan—isa ring hudyat na nagbabahagi ng malaking epekto sa kalusugang mental ng henerasyon.
Binigyang-diin naman ni Kathlyn Alas, isang mag-aaral ng Bachelor of Science in Psychology ng FEU, na nagsilbing simbolo ng kamalayan ang panukalang batas, subalit hindi nararapat matapos doon ang pagtugon.
“Para sa akin, magandang simula ang batas dahil naging sanhi ito ng unawa sa mga isyu na matagal na ring napapabayaan. Ngunit sa kabilang banda, tingin ko hindi dapat natitigil ito rito. Malawak na usapin ito at hindi lang ito tungkol sa pagpaparusa sa mga taong nakapanakit—tungkol din ito sa pagtugon kung bakit napakaraming kabataan ang nahihirapan nang tahimik sa una pa lang,” aniya.
Sa katunayan, maraming kabataan ang nawawalan ng boses upang ipahayag ang sarili nilang damdamin. Pinipiling itago imbes na binibigkas ng puso’t labi, tumahimik sa halip na iyakan ang pagod at sakit na hindi maikubli.
Sinang-ayunan naman ito ng direktor ng Guidance and Counseling nang ibahagi niya ang kaniyang obserbasyon mula sa mga mag-aaral ng Pamantasan na totoong umiikot sa komunidad ang paghihirap sa kalusugang mental.
“Naniniwala ako na lahat ay nakararanas ng masasaya at malulungkot sa buhay. Natitiyak ko na may realidad talaga na nangyayari ito sa loob ng FEU,” aniya.
Kaakibat ng diskusyon na ito ang malinaw na kakulangan ng tugon ng gobyerno hinggil sa pagpapalakas ng sektor ng pangangalagang pangkalusugan.
Sa kasalukuyan, nananatiling kulang ang bansa sa mga pasilidad na may abot-kayang serbisyo. Gayundin sa mga plataporma sa edukasyon na susuporta sa mental health ng mga kabataan, dahil wala pang maayos na sistema na nakatuon sa kanilang pangkaisipang pangangailangan.
Inayunan naman ito ng sikolohistang mag-aaral nang mapagtanto nito ang mga lubos na kakulangan sa pag-agapay para sa kalusugang mental ng kabataan.
"Kulang ang facilities, mahal ang services, at kahit sa educational setting, walang proper na mental health support systems din (Kulang ang mga pasilidad, mahal ang mga serbisyo, at kahit sa plataporma ng edukasyon ay walang matinong suporta para sa kalusugang mental ng mga mag-aaral),” saad niya.
May humigit-kumulang na 500 psychiatrists at dalawa hanggang tatlong mental health workers lamang para sa bawat 100,000 Pilipino. Kabilang na rito ang 4.95 kama lamang para naman sa mga psychiatric hospital.
Sa katunayan, noong 2023, may nakalaang 4.77 bilyong pisong badyet para sa inpatient at outpatient services para sa mga Pilipino.
Subalit hindi pa nito natutugunan ang pagpaparami ng mga pasilidad at agarang serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan ng mga mamamayan dahil sa limitadong pondo at mababang prayoridad ng gobyerno sa sektor ng pangangalaga ng kalusugan.
Dagdag pa rito, karamihan ng mga psychiatrist, psychologist, at iba pang kasapi ng sektor ay nasa pribadong serbisyo at nakasentro sa Metro Manila, kaya’t naging sanhi ito ng mas mahirap na aksesibilidad para sa mga nasa malalayong rehiyon.
Panandalian nila itong binibigyan ng tugon, ngunit hindi narerespondehan ng pangmatagalang solusyon. Kung kaya’t sa tagal ng suliranin na ito, hinahanap pa rin ng kabataan ang lipunang may progresibong sistema sa kalugusang mental ng henerasyon.
Sa patuloy na pag-usbong ng mga kaso hinggil sa isyung ito, batid ng kabataan na nasa lipunan ang mga biktima ng sistema, at ang tunay na lunas ay nakasalalay sa mga nasa tuktok ng pamahalaan.
May lunas na humihilom, nagpapalaya
Sa kabila ng mga hilab na nagmumula sa kailaliman ng isip ng henerasyon, patuloy na yumayabong ang pag-asa para sa bawat kabataan. Pag-asang may kakayahang hilumin ang mga sakit na minsang sumisigaw ng pag-unawa at pagtanggap mula sa lipunan.
Suhestiyon ni Cruz na kilatisin muli ang representasyon ng panukalang batas na sumasalamin sa lahat ng mga taong nakararanas ng paghihirap sa kalusugang mental.
Isang representasyon para sa mga taong nagdusa at dinanas ang parehong paghihirap, nang sa gayon ay mabigyan ng mas malalim na kahulugan ang panukalang batas.
Mula sa mga kaganapang ito, nananatili itong panimulang punto sa mas malawak na diskusyon hinggil sa kaayusan ng emosyonal at pangkaisipang estado ng bawat kabataan.
Panawagan din ni Alas na hindi lamang ito tungkol sa pagbangon ng kamalayan—kung hindi paglaganap din ng aksesibilidad para sa lahat ng mamamayan.
“Hindi lang basta awareness, it should be action and access (dapat may aksiyon at aksesibilidad). Kasi tuwing kailan lang ba tayo kikilos, kapag may nangyari na lang ulit? Hindi dapat ganun. Every life we lose to mental health struggles is one too many (Bawat buhay na nawawala dahil sa suliranin sa kalusugan ng pag-iisip ay isa ng malaking pagkalugi),” saad nito.
Lalo na sa kasalukuyang panahon, nararapat na mamuhunan ang gobyerno upang mas mapalawak at maging abot-kaya ang suporta para sa kalusugan ng pag-iisip ng kabataan.
Kaakibat din nito ang mga instrumentong kaagapay ng mga kabataan tulad ng mga ekspertong tagapayo, sikolohista, at mag-aaral.
Inayunan naman ito ng direktor na nanawagan sa gobyerno na palawakin ang lakas-tao sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan upang higit na mapalaganap at mapabilis ang tugon sa pangangailangan ng kabataan.
“Sana mas mabigyan ng pansin, mabigyan ng pondo ang sektor ng pangangalagang kalusugan dahil dito maaaring magsimula ang pagsasanay ng mental health professionals lalo na’t hindi lahat ng mga manggagawa sa sektor na ito ay nababayaran nang tama,” tugon nito.
Hindi lamang ito usapin ng kamalayan; nararapat na may kaakibat itong tugon at aksiyon, upang mabago ang mababaw na pananaw ng publiko at maitaguyod ang tunay na pangangalaga sa kabataan.
Bilang pag-asa ng bayan, may karapatan din silang humanap ng paraan upang pawiin ang hapdi ng kanilang pinagdadaanan.
Dahil sa bawat pagkakataong may hapding dulot ang isang sugat na unti-unting naghihilom, may kagamutang hindi nabibili o basta hinahanap lamang—ito ay kagamutang nagmumula sa lipunang mapag-unawa at mamamayang may malasakit sa kapuwa.
Sa kabila ng mga hapdi sa bawat galos ng kabataan, mapagtatanto na ang batas ay hindi lamang isang tugon ng lunas sa kalusugang pangkaisipan—isa itong palatandaang hinahanapan ng mas malalim na kahulugan na sisiwang sa unawang unti-unting hihilumin ang isip na mapagpalaya.
(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)