‎Hindi Paaralan ang Aking Tahanan!

FEU Advocate
September 27, 2025 11:54


‎Gigising ako nang maaga kahit wala naman akong lakad. Bubuksan ko ang laptop na parang pinto ng silid-aralan, pero bago ko pa marinig ang tinig ng guro, nauuna na ang tahol ng aso sa labas at kalabog ng kawali sa kusina. Sa bawat segundo ng klase, kailangan kong ipagtabuyan ang mga ingay na hindi ko naman hiniling. Parang mas malinaw pa sa akin ang tingog ng kapitbahay kong nagbi-videoke kaysa sa konseptong itinuturo sa aking harapan.

Tuwing nagkakaaberya naman ang Wi-Fi, kasama nitong nawawala ang atensiyon ko. Ang bawat ‘loading screen’ ay tila pader, humaharang sa pagitan ko at ng leksiyon. Minsan, nakahahabol ako, pero kadalasan, naiiwanan na talaga ng klase habang ako’y nagpapakahirap mag-reconnect, paulit-ulit na nagmamakaawa na sana'y hindi na ito maputol.

‎At heto pa, kung hindi online class, asynchronous naman. Walang guro, walang boses, walang direksiyon. Tila ako’y iniwang mag-isa sa desyerto, nakatitig lang sa mga module na parang sulat na walang kasamang paliwanag. Totoo, natututo raw sa bahay ang isang tao. Natututo ng tiyaga, ng sakripisyo, ng pagtulong. Pero hindi ko aakalain na dito rin ituturo ang mga asignaturang dapat sana’y tinatalakay sa silid-aralan. Ang tahanan ko na dati’y kanlungan, ngayo’y naging kulungan ng pangarap.

‎Madalas sabihin na ito’y simpleng reklamo lang, pero paano kung ang mismong sistema na ang paulit-ulit na pumapalya? Sa unang kalahati ng linggo, may mukha akong nakikita, may tinig akong naririnig. Sa ikalawa, ang natitira na lang ay paghihintay; paghihintay na bumilis ang signal, paghihintay na matapos ang mga gawain, paghihintay na maibalik ang ritmo ng klase.

‎At sa pagitan ng lahat ng ito, ako’y estudyanteng gising nang maaga, ngunit laging nahuhuli.

- Je Rellora

(Dibuho ni Kamyl Celi/FEU Advocate)