Mass of the Holy Spirit, ginunita bilang pagsalubong sa A.Y. 2024-2025
- August 27, 2024 22:06
FEU Advocate
February 25, 2026 18:12

Hindi ako ang dapat dakilain, dahil hindi ako bayani.
Ako’y laman lamang ng lansangan; tinig na dumadagundong sa hanay ng libo; at hindi kailanman isang pangalan na dapat iluklok sa isang pedestal.
Bawat sigaw ko ay hindi akin—ito’y hiniram mula sa hininga ng mga inang hinihimay ang sarili sa mukha ng kapitalismo para sa kinabukasan ng kanilang anak. Bawat paglakad ng mga paa ko ay hindi nag-iisa—ito’y bigat ng lupang pinapasan ng mga magsasaka; binubusog ng pawis ng bawat manggagawa sa lipunan.
Hindi ako ang dapat tawaging bayani—hindi isang alamat ang aking kalamnan.
Buhay ang rebolusyon. Ito’y pawis at dugo, sugat at galos, gutom at pag-asa—hindi ito napipirmi sa makamundong katawan, kung ‘di dumadaloy sa nagkakaisang pulso ng bayan.
Hindi mukha sa isang rebulto ang kabayanihan. Ito’y mga kamay na sugatan sa pagbubungkal; mga boses na garalgal sa paulit-ulit na pagkanta sa himno ng paglaban. Ang kabayanihan ay hindi nakikita sa mga monumento—ito’y nananahan sa mga palad na kayumanggi; sa mga paang may paltos mula sa mga tsinelas; sa mga bibig na hindi takot manawagan para sa reporma; sa mga matang lumalagablab kahit pilit na binubulag ng dilim.
Nagkakamali ka. Hindi ako ang bayani.
Ang bayani ay hindi ako—kung ‘di ang masa. Ang dugo ko’y patak lamang sa ilog ng kanilang pakikibaka, at ang ilog na iyon ay aagos hanggang laot at wawasak sa mga pader ng pang-aapi.
Hindi ako bayani.
Ako’y kasama.
At sa araw na bumangon ang bayan—sa araw na makilala nito ang tunay na kalayaan—walang ibang pangalan ang higit na mangingibabaw kung ‘di ang ngalan ng sambayanan: umaalpas, umaalingawngaw, umuusig.
Mabuhay ka, Pilipinas.
- Valerie Rose V. Ferido
(Dibuho ni Janine Raiza Batua/FEU Advocate)