Himagsikan sa kalsada: Pakikibaka para sa patuloy na pasada

FEU Advocate
October 20, 2023 10:50


Ni Niña Amor G. Malakas

Nakaukit na sa puso ng mga Pilipino ang mga hari ng kalsada bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan. Marahil ay naging parte na ito ng kanilang kultura, pinagyayaman at binibigyang halaga. Sa mga nagdaang panahon na nagbabaga ang kapangyarihan ng mga jeepney sa bawat rutang dinaraanan, sinong mag-aakalang ito rin ay may hangganan.

Paano na lamang kung oras na upang alisin ang korona ng behikulong minsan nang nangibabaw sa kalsadang tinuring na kaharian?

Hatol ng bulwagan 

Mahigit 150,000 ang bilang ng mga traditional jeepney sa bansa kung kaya’t maituturing ang mga tsuper na “Hari ng Kalsada.” Bukod pa rito, kaagapay rin sila ng milyun-milyong mga komyuter sa paglalakbay tungo sa kani-kanilang mga destinasyon.

Makalipas ng deka-dekadang pagsisilbi nito sa taumbayan, sinimulan ng dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson na si Winston Ginez noong Enero 2016 ang mandatory phaseout ng mga traditional jeepney at iba pang mga public utility vehicle na labinlimang taong gulang na pagdating ng taong 2017. 

Layon ng aksyong ito na palitan ang mga lumang dyip ng bagong modelo mula sa mga karatig bansa tulad ng Tsina at Japan. Bukod pa rito, ang nasabing mandatory phaseout ay bunga ng 40 kilong carbon dioxide na inilalabas ng mga lumang sasakyan.

Hindi sinang-ayunan ng mga grupong pangtransportasyon ang nasabing programa. Dahil dito, isinagawa ang isa sa mga pinakamalaking jeepney transport strike na pinangunahan ng Stop and Go Coalition noong Pebrero 6, 2017. 

Nasundan ito ng panibagong transport strike noong Pebrero 27, 2017 sa pamumuno ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide, Stop and Go Coalition, at No to Jeepney Phase Out Coalition matapos hindi aksyunan ang kanilang apelang baguhin ang mga parametro sa modernization program.

Ang mga pagkilos na ito ay nagkaroon ng pansamantalang lunas. Hininto ang sapilitang pagpapaalis ng mga traditional jeepney upang mabigyan ang mga tsuper ng pagkakataong makasunod sa planong modernisasyon. Datapwat, hindi sapat ang kanilang pondo upang makamit ang dinedemandang modern jeepney.

Hindi nito natinag ang mga tsuper upang ipagpatuloy ang karangalan sa kanilang mga hanapbuhay. Hanggang sa muling nag-anunsiyo ang LTFRB pagsapit ng Pebrero 21 ngayong taon na hanggang Hunyo 30 na lamang ang panahon na maibibigay sa mga tsuper upang konsolidahin ang modernisasyon.

Bunsod nito, nagbigay-abiso ang transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon, o mas kilala bilang Manibela, noong Pebrero 27 na magsasagawa ito ng isang linggong transport strike mula Marso 6 hanggang Marso 12.

Matapos ang ilang diskusyon, muling nag-anunsyo ang LTFRB noong Marso 1 na muling palalawigin ang deadline ng mga tsuper hanggang Disyembre 31. Gayunpaman, nasundan ito ng transport strike sa inisyatibo ng Manibela noong Oktubre 16.

Nagbabadyang sadlakan

Tulad ng isang pamunuhan ay darating din sa pagtatapos ang mga jeepney sa paghahari nito. Ngunit sa kaso nila ay tila wala na silang patutunguhan kung sakaling magwawakas na ang kanilang karera sa daan. 

Naunang nabanggit na mahigit 150,000 ang namamasadang tradisyunal na jeepney. Nasa 90 libo ang na-consolidate na mga dyip sa kasalukuyan ngunit mahigit 50 libo ang hindi sumasali sa kooperatiba. Kung sisipatin, mahigit 50 libo pa rin ang mawawalan ng hanapbuhay pagsapit ng katapusan ng taon. Ito ay marahil karamihan sa mga ito ang walang kakayahang makakuha ng malaking halaga upang maipundar ang modernong modelo ng jeepney.

Magiging isang malaking aberya rin ang tuluyang pag-phaseout ng mga traditional jeepney para sa mga komyuter. Ayon kay Albay Representative Joey Salceda, nasa 11.5 milyong komyuter ang tumatangkilik sa public utility jeepneys kada araw at labis silang maaapektuhan kung magpapatuloy ang phaseout.

Mula rito ay kakailanganing taasan ng mga komyuter ang halagang kanilang ihahanda para sa kanilang mga pamasahe. Marahil ay dala ito ng mula 1.4 hanggang 3 milyong pisong halaga ng modern jeepney kumpara sa 200 hanggang 300 libong pisong halaga ng traditional jeepney

Bunsod nito, itinaas na sa 13 piso ang minimum fare ng traditional jeepney at 15 piso para sa modern jeepney para sa mga regular na pasehero at patuloy itong lalaki alinsabay sa pag-akyat ng presyo ng produktong petrolyo.

Layunin din ng modernisasyon ng mga sasakyan na baguhin ang ruta ng mga modernong jeepney batay sa plano ng local government unit at pangangailangan ng mga pasahero. Buhat nito, lalo pang mapapasama ang daloy ng trapiko na siyang magdadagdag sa perwisyo ng mga komyuter.

Hangarin mang pagbutihin ang pampublikong transportasyon, tila naisasantabi naman ang kalagayan ng mga tsuper maging ng mga indibidwal na nakaasa sa mga ito.

Habol na panawagan

Sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter—isang kasabihan na tumatak sa isip ng mga indibidwal na sumusuporta sa patuloy na pamamasada ng mga traditional jeepney.

Pagbabahagi ni Roland Atienza, limang taon nang namamasada, maganda naman ang layunin ng gobyerno na palitan ang mga tradisyunal na dyip dala ng kalumaan ng karamihan nito.

“Pero kung talagang aalisin na ang mga lumang jeep ay wala na kaming magagawa. Mawawalan din kami ng hanapbuhay,” ani Atienza.

Aminado siya na nanaisin pa rin niyang mamasada gamit ang modernong jeepney, ngunit hindi pa niya ito kakayanin buhat ng kamahalan ng downpayment upang maipundar ito.

Panawagan ni Atienza na kung aalisin man ang mga traditional jeepney ay tulungan silang makakuha ng mga bagong modelo.

“Sagutin ng pamahalaan ang downpayment at kami naman ang maghuhulog nang buwanan,” daing ni Atienza.

Isa naman si Shane Hernandez, isang mag-aaral mula sa Far Eastern University, na walong taon nang tumatangkilik sa traditional jeepney sa nagpahiwatig ng damdamin sa modernisasyon. 

“Nalulungkot ako para sa mga kapwa ko komyuter at gano'n din sa jeepney driver dahil kitang-kita na walang magandang plano ang gobyerno para sa parehong panig,” saad ni Hernandez.

Binanggit din ni Hernandez ang kanyang pagsang-ayon sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan kung wala lamang maiiwan sa pagsasagawa ng nasabing programa.

Hinaing ni Hernandez para sa mga tsuper ang malinaw na plano at maisapubliko ito sapagkat sila ang apektado rito.

“Ipananawagan ko din na ang ganitong klaseng diskusyon ay ibukas nila sa publiko at pag-aralan nang mabuti bago gumawa ng aksyon na tiyak na masa ang maaapektuhan,” sambit nito.

Iba-iba man ang kinatatayuan sa buhay, iisa lamang ang hangarin tungo sa maayos na daloy ng kanilang paglalakbay. Tulad ng isang kaharian, pinagbubuklod ang mga tauhan nito ng iisang adhikain—ang pagbibigay-halaga at pangangalaga ng nakatataas sa mga alagad ng kalsada.

Sa pagtakbo ng bawat taon ay patuloy pa rin ang umaalab na laban para sa daanang nakaalay sa publiko. Ang kalsadang siyang pinaghaharian ay siyang nagdidikta sa kapalaran ng mga indibidwal. Kung kaya’t pilit mang pababain sa trono, mananatili ang paninindigan ng masa na ipagsigawan na walang maiiwan at ang lahat ay marapat na makikinabang sa pag-unlad ng pampublikong transportasyon ng bayan.