Filipinx: Ang Pagbaybay sa Landas Tungo sa Inklusibong Lipunan

FEU Advocate
September 22, 2020 10:25


Nina Agustin F.San Andres Jr. at Aurea Lyn Nicolette F. Lacanaria

Sa pagtahak ni Juan sa daang minimithi niyang inklusibong lipunan, tila may nakapukaw ng kaniyang atensyon at kamalayan, ito ang pagsulpot ng isang salitang hindi niya nakasanayan—ang salitang Filipinx. Sa pagsibol nito, makarating na kaya siya sa kaniyang hinahangad na paroroonan?

Pagpapakilala sa Filipinx

Kasabay ng halos hindi bababa sa 650 na mga lupon ng mga salita na naitala at napabilang sa dictionary.net kumakailan, nakasama rito ang salitang Filipinx na binigyang-kahulugan ng nasabing diksyunaryo na isang terminong pamalit sa Filipino o Filipina na unang ginamit sa Estados Unidos noong 2016. 

Ayon sa dictionary.net, maihahalintulad ang Filipinx sa historikal na paggamit ng salitang Latinx, isang katawagan na pantukoy sa komunidad ng LGBTQIA+ sa Latin America. Maari itong bigkasin sa paraang “fil-uh-pee-neks” o “fil-uh-pingks”. 

Ang ating pagkakakilanlan bilang Pilipino ay nabahiran na ng mga banyaga mula sa mahabang panahon ng kolonisasyon. Mula 333 taon na pananakop sa atin ng mga Espanyol, malaki ang naipunyal nilang impluwensiya sa ating pagka-Pilipino—lalo na sa ating wika. 

Nakasanayan nating mga Pilipino na kapag ang ‘a’ ang huling titik inuugnay ito sa kasariang pambabae at ‘o’ naman kung kasariang panlalaki. Ipinaliwanag ito ni Rosario Cruz Lucero sa kaniyang akdang pinamagatang, Ang Talinghaga ni Mariang Makiling: Isang Panimulang Makapilipinong Teoryang Feminista (2007). Ayon sa kaniya, nag-ugat ito sa wikang Espanyol kung saan ang kasarian ng tao ay ibinabatay sa kung ano ang huling titik ng pangngalang tumutukoy sa kaniya. 

Sa pag-usbong ng bagong salitang Filipinx, layon nito na magkaroon ng katawagan para sa mga taong hindi kumukomporma sa salitang Filipino o Filipina sa loob o labas man ng bansa.

Ang wikang Filipino at Filipinx

Batay sa ulat ng ABS-CBN, ipinaalala ni Mykel Andrada, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa University of the Philippines (UP) Diliman na ang wika ay dinamiko—patuloy at palaging nagbabago.

Binigyang-diin din nito na ang pag-usbong ng Filipinx ay magandang hakbangin upang magkaroon ng rekognisyon at consciousness-raising ang bawat isa sa mga gender-neutral words.

Ipinahayag din ni Commissioner Arthur Casanova ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)  ang kaniyang pagsang-ayon sa naturang salita.

"Binago lamang 'yong 'o' para sa male at 'a' para sa female at ginawang 'x' para wala nang dibisyon sa pagitan ng babae o lalaki. Okay lang po iyan dahil maaaring iyan ay identidad ng isang pangkat o maaaring umiiwas sila sa diskriminasyon,” pagpapalawig ni Casanova.

Filipinx at ang LGBTQIA+ Community

Noon pa man, umaalingawngaw na ang mga panawagan sa komunidad ng LGBTQIA+ gaya na lamang ng tigil diskriminasyon, respetuhin at kilalanin ang pagkakaiba ng kasarian. Sa pagrehistro ng bagong salita, mas pinaigting nito ang kanilang sigaw ngunit katumbas nito ang pagkakahati ng kanilang komunidad.

Ayon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Kasarianlan, umaasa sila na sa pag-usbong ng salitang ito ay kalakip ang paglawak ng visibility ng mga non-binary

“Ang label na ito ay hindi para burahin ang Filipina at Filipino, isa itong alternative choice para sa mga hindi nasasakop ng binary. Malaking tulong ang maibibigay nito para mas lalo nating mabigyang-respeto ang mga tao na gustong gamitin ito,” pahayag ng grupo.

Hindi man ganoon kinakailangan ang pagbabagong ito para sa ngayon, naniniwala ang PUP Kasarianlan na magiging malaking tulong ito para sa komunidad ng mga non-binary upang mabigyan ng pagkakakilanlan.

Sa kabilang banda, taliwas naman ang saloobin ng Far Eastern University (FEU) Sexuality and Gender Alliance (SAGA) patungkol sa Filipinx pagkat naniniwala ang organisasyon na hindi na ito kinakailangan, dahil ang salitang Filipino ay gender-neutral na. 

Dagdag pa rito, pinalawig ng organisasyon na ang salitang Filipino ay hindi  nangangahulugang lalaki ang isang tao bagkus ito ay terminong panlahat na ginagamit para sa pangkalahatang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. 

“Filipino ang tawag sa mga mamamayan ng Pilipinas at hindi na kinakailangan pa ang ‘Filipinx’ dahil ang katagang ito ay ‘westernized’ ito ay hindi naaayon sa ating kulturang Pinoy, at malayo sa ating kinasanayang tawag bilang mga Filipino,” saad ng FEU SAGA.

Nagbigay din ng kaniyang pananaw at saloobin hinggil sa isyu na ito si Alvin Cloyd Dakis, MHSS, RN, CSSYB na isang Gender Equality and Inclusion & Diversity Consultant. Ayon sa kaniya, ang pagkakagawa ng salitang Filipinx ay isang magandang pag-usad sa usapin ng inklusyon sa lipunan.

“Hindi man kumportable ang ibang mga kababayan sa paggamit ng terminong ito, nagbibigay naman ito ng pagkakataon sa mga tao na makagamit ng isang salita na mas akma sa kanilang pagkilala at kasarian,” dagdag na pagpapahayag nito.

Filipinx, Politikal? 

Para kay Mx. Elijah Rebong na nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Political Science mula sa UP Manila at kasalukuyang graduate student sa Women and Development Program ng College of Social Work and Community Development sa UP Diliman, ang lahat ng bagay kagaya na lamang ng pag-usbong ng Filipinx, ay politikal.

Everything is political. Language is political. Since personal is political. Acknowledging yourself as a Filipinx or having a term embraces your identity, that is very personal thing, and personal things are political things, very value of feminism, yes, it is very political,” ani Rebong.

Ibinahagi rin niya na ang pagkakahanap ng iyong lugar at pagkakakita sa isang salitang nakakayakap sa iyong identidad na malapit sa iyong pagkakakilalan sa lipunan ay isa pang paraan para makita ang politika ng Filipinx.   

Binigyang-linaw naman ni Rebong ang pangamba ng iilan patungkol sa isyu ng kolonyalismo at dekolonyalismo, ayon sa kaniya hindi sa mga banyaga nag-ugat ang terminong ito bagkus resulta ito ng pakikibaka ng mga may lahing Pilipino at mga aktibistang parte ng LGBTQIA+  at tagapagtaguyod ng kasarian sa diaspora.

When we say diaspora it is not just the U.S. [United States], this is not just the Europe, but this is a global phenomenon from the diaspora struggling to find their voice and dictionary.com was able to help them with that, by the PR definitely,” dagdag nito.

Nag-iwan din si Rebong ng isang paalala hinggil sa isyung ito na patuloy pa ring pinag-uusapan, na yakapin natin ang ganitong klaseng kamalayan, bigyan ng respeto at maging bukas sa mga bagong oportunidad at rekognisyon para sa komunidad ng LGBTQIA+ ng walang diskriminasyon at pag-aalinlangan.

Implikasyon ng Daang Babagtasin

Inilahad ni Rebong na isa sa magiging implikasyon nito sa ating lipunan ay ang pagiging inklusibo sa lenggwahe na gagamitin ng bawat isa kung saan magkakaroon ng diskurso na mas makikilala ang mga identidad na hindi masyadong nabibigyang-pansin sa lipunan. 

It adds discourse, it adds interrogation to the Filipino identity,” dagdag nitong pahayag.

Ganito rin ang naging pananaw ni Dakis na isang gender equality and inclusion & diversity consultant, ibinahagi niya na pihadong magiging epekto sa pagkarehistro nito ay ang pagbubukas ng diskurso ukol sa gender-neutral words. Ipinaalala niya rin na kahit pa man na ang salitang Filipino ay kinokonsidera na gender-neutral, may gamit daw ito na nagiging gender-specific lalo na kapag ginagamit ang ‘-no’ para sa lalake at ‘-na’ sa babae.

“Ang pagkakagawa ng salitang Filipinx ay isang magandang pag-usad sa usapin ng inclusivity sa lipunan, ‘di lamang sa mga LGBTQIA+ pati na rin sa lahat ng mga gender non-conforming na tao,” ani Dakis. 

Kabaliktaran naman ang pananaw ni G. Diego Odchimar III, dating propesor sa FEU na nagtapos ng Master of Arts in Philosophy at Bachelor of Arts in Philosophy sa UP Diliman patungkol sa implikasyon nito pagkat kalituhan daw ang maidudulot ng pagbubura ng mga nakaugalian dahil sa pagsusulong ng neutrality. 

“Maaring issue ito sa mga Filipino sa America, who are trying to fit in their multi-cultural context. Pero walang ganoong puwang sa kultura natin na mapupunanan ng Filipinx. It is tantamount to losing our identities,” saad nito.

Ipinaliwanag din ni Odchidmar III kung bakit hindi ito tanggap ng ilang mga Pilipinong nasa loob ng bansa dahil aniya walang nararamdamang urgency ang mga ito patungkol sa isyu hindi katulad ng mga Pilipinong nasa U.S. o ibang bansa. 

“We are not a multi-cultural society like the US. We are not a melting pot of cultures that calls for thinner boundaries among heterogeneous cultures. Although we have minorities among us, we have been able to establish our national identity as Filipinos with our common history,” paliwanag nito.

Sa naganap na round table discussion naman na inorganisa ng UP Babaylan at UP Center for Women’s and Gender Studies noong Setyembre 11,  binigyang-pansin ni Kaye Candaza, isang Filipinx activist and feminist sa Europa, ang kahalagahan ng  identidad.

“Your identity is your identity, whether you identify as Filipino, Filipina, and Filipinx. You have the power to embrace what you call yourself. So for those who are against this, let's think about the people who will benefit from and be recognized by this. Let's not gate keep this term from those who really need it,” mungkahi nito.

Sa iba’t ibang daan na babagtasin ng bawat isa, nawa’y maging dalisay si Juan sa pag-unawa, maging bukas ang kaniyang kaisipan at handang baguhin ito batay sa pagtitimbang ng napakaraming posibilidad na maaring mangyari at umusbong (mabuti man o masama) sa landas na kasalukuyan nitong tinatahak. 

(Ilustrasyon nina Glenda Corocoto at Ricah Cabiling)