UCOM cites technical issues amid voting delays
- May 04, 2023 09:12
FEU Advocate
August 04, 2022 03:47
Nanaig ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa kanilang bakbakan kontra San Beda University (SBU) Red Lions, 82-73, upang makuha ang kanilang ikalawang magkasunod na pagkapanalo sa 2022 FilOil EcoOil Preseason Cup na ginanap sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City, Agosto 3.
Nagsanib pwersa ang Tamaraws sa pangunguna ni Bryan Sajonia na nagtala ng 16 na puntos; kaagapay ang kanyang teammates na sina Royce Alforque na nag-ambag ng 15 puntos, Xyrus Torres na may 11 puntos at Ximone Sandagon na gumawa ng 10 puntos.
Matapos magpakita ng matinding depensa kontra SBU, ipinahayag ni Alforque na ang pagsunod sa gameplan at ang pagkatuto sa mga nagdaan nilang laro ang ilan sa mga nakatulong sa kanilang pagkapanalo.
“Ginawa namin gameplan namin. Kahapon, may game (laro) kami [sa Universities and Colleges Basketball League at] natalo kami sa UP (University of the Philippines). Ayaw naman naming dalhin ang mga mali namin last game (sa nakaraang laro). Natuto kami and eventually (at sa huli), nanalo kami,” ani Alforque.
Hindi na muling binigyan ng tiyansa ng koponan ng Morayta ang SBU matapos magpakita ng malakas na opensa sa pagtatapos ng dikdikang unang quarter, 23-22.
Tuluyang lumamang ang Tamaraws sa tulong ng mga free throws at steals mula kina Sandagon at Torres para ikandado ang nine-point deficit laban sa Red Lions sa pagtatapos ng laban, 82-73.
Binigyang-diin din ni FEU Head Coach Olsen Racela na kinailangan nila ang pagkapanalo na magbibigay sa kanila ng kumpiyansa sa tatlong nalalabing laro sa elimination round.
“This win gave us confidence… We needed this win. Actually kahit back-to-back [wins], we’ve been struggling in our games [and] practices (Binigyan kami ng kumpiyansa ng panalong ito… Kinailangan namin ang panalong ito. Sa totoo lang, kahit back-to-back [ang pagkapanalo], nahihirapan kami sa mga laro [at] ensayo namin),” saad ni Racela.
Kasalukuyang nasa 2-2 win-loss record ang FEU Tamaraws matapos ang pagkapanalo.
Susunod na kakaharapin ng FEU Tamaraws ang Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights sa parehong lugar sa Agosto 7.
-Ma. Katlene R. Angcanan
(Litrato ni Janice Aina Herrera/FEU Advocate)