
Lady Booters tamp 8 goals against AdMU
- March 09, 2024 14:08
FEU Advocate
August 18, 2025 13:21
Nina Shayne Elizabeth T. Flores at Julliane Nicole B. Labinghisa
Nabahala ang mga Far Eastern University (FEU) first-year student sa mga naantalang aktibidad ng Tatak Tamaraw 2025, habang binigyang-linaw naman ng Office of Student Involvement (OSI) ang sanhi ng mga nangyaring pagbabago.
Unang inanunsiyo ang bagong iskedyul sa opisyal na Facebook page ng Tatak Tamaraw noong ikatlo ng Agosto, ilang araw bago magsimula ang nakatakdang taunang selebrasyon para sa mga bagong Tamaraw.
Kompara sa tradisyonal na isang linggong pagdiriwang, ginanap ang plenary sessions at program orientations noong ikaanim hanggang ikawalo ng Agosto, habang ang ibang mga aktibidad naman tulad ng campus tour, Tatakan Rites, at Welcome Fest Concert ay itinakda sa huling dalawang linggo ng Agosto.
Epekto ng pagkaantala sa freshmen
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng Communication freshman na si Adrianne Curameng ang kaniyang pagkadismaya sa naantalang Tatak Tamaraw, lalo na’t inasahan niyang ipagdiwang ito bago pa man magsimula ang regular na klase.
“It felt off to think na busy na kami probably with school works when we finally get to experience the Tam Challenge, Tatakan Rites, and Welcome Fest. It felt off kasi Tatak Tamaraw should've been celebrated by freshies nang walang iniisip (Nakababahalang isipin na abala na kami sa mga gawain sa paaralan kapag mararanasan na namin ang Tam Challenge, Tatakan Rites, at Welcome Fest. Ipinagdiriwang dapat namin ang Tatak Tamaraw nang walang iniisip),” aniya.
Hindi rin niya naiwasang maramdaman na napag-iiwanan sila ng mga estudyante mula sa ibang mga unibersidad na nakapagdiwang na ng kani-kanilang selebrasyon para sa mga freshman.
Ganito rin ang pananaw ng first-year Nursing student na si Jhames Lorenzo na nabigla sa mga naging pagbabago dahil sa maliit na pagitan ng oras ng pag-anunsiyo at ng mismong okasyon.
“Marami sa amin ‘di nakapaghanda, lalo na ‘yung mga commuter or may ibang commitments. Parang sobrang kulang sa heads-up, kaya parang surprise na lang lagi ang announcements. Lalo na no’ng nag-post sila ng parang sneak peek ng Tatak Tamaraw '25 tapos mapo-postpone pala,” sambit niya.
Ayon pa kay Lorenzo, hindi pa nararamdaman ng mga freshman gaya niya na sila’y ganap na bahagi na ng FEU dahil sa mabagal na daloy ng mga aktibidad.
Samantala, halo-halong opinyon naman ang isinaad ng mga estudyante tungkol sa mga naganap nang plenary session at program orientation.
Bagama’t nasiyahan at maraming natutuhan sa paunang pagtanggap ng Tatak Tamaraw, pinuna ni Lorenzo ang kakulangan sa preparasyon para sa programa.
“Informative and I appreciated the effort ng mga department. Pero ramdam mo rin na parang nagmamadali lahat. It could’ve been more engaging kung mas well-planned and spaced out (Puno ng impormasyon at nakita ko ang mga pagsisikap ng mga departamento. Ngunit ramdam mo rin na parang nagmamadali lahat. Kaya pa sana itong maging mas nakaeengganyo kung mas naplano at nalatag nang maayos),” saad niya.
Sa kabilang banda, ipinahayag ng mga first-year student na naiintindihan nilang maaaring nagkaroon ng problema sa preparasyon na nagdulot sa pagkaantala ng pagdiriwang.
“I understand why they had to move and change the schedule. It's better to have a Tatak Tamaraw na alam mong pinaghandaan at binigyan ng atensiyon, rather than one na minadali at they're just trying to rush out the door (Naiintindihan ko kung bakit kinailangan nilang ilipat at ibahin ang iskedyul. Mas mabuti nang magkaroon ng Tatak Tamaraw na alam mong pinaghandaan at binigyan ng atensiyon kaysa sa minadali at gusto lang matapos),” ani Curameng.
Gayunpaman, hiling nila ang mas masinop na pagpaplano at pagsasagawa ng mga susunod na okasyon para sa kanilang mga estudyante.
Binigyang-diin din ng mga freshman ang kahalagahan ng matatag na koneksiyon sa pagitan ng Administrasyon at mga estudyante, lalo na’t isa ito sa mga itinuturong rason sa likod ng pagkaantala batay sa pahayag ng FEU Central Student Organization (FEUCSO).
“Kailangan tutukan ng ating student-leaders ang pag-build ng better connection between them and the admin. As for the University admin, they should learn getting off their high horses and actually try to reach and connect to students in order for our student-leaders to build that stronger bridge (Dapat magpakumbaba ang Administrasyon at makipag-ugnayan sa mga mag-aaral upang makagawa ng mas matibay na tulay ang mga lider-estudyante),” giit ni Curameng.
Pahayag ng FEUCSO
Ayon sa opisyal na pahayag ng FEUCSO noong ikatlo ng Agosto, sa kabila ng maagang pagpaplano, ang badyet umano at ang sistema ng pag-aproba ang nagdulot ng mga pagkaantala sa iba’t ibang mga aktibidad ng Tatak Tamaraw 2025.
“We also had to face challenges within the system. Delays in approvals, lack of access to platforms for early information dissemination, and the absence of timely fund releases (Kinailangan din naming harapin ang mga problema sa loob ng sistema. Mabagal na pag-aproba, kakulangan sa akses ng mga plataporma para sa mas maagang paglalabas ng impormasyon, at ang kakulangan ng oras sa paglalabas ng badyet),” saad ng FEUCSO.
Base sa kanilang mensahe, nagsimula ang kanilang pagpupulong para sa Tatak Tamaraw 2025 noong ika-14 ng Hulyo.
Nagpatuloy ang kanilang pagpaplano sa kabila ng kakulangan ng detalye noong ika-19 ng Hulyo, at nagsimula ang FEUCSO na magpulong kasama ang mga Institute Student Council (ISC) noong ika-21 naman ng Hulyo.
Ayon sa organisasyon, naging dahilan din sa pagkaantala ng mga preparasyon ang mga naging pagsuspinde ng mga operasyon sa Pamantasan dulot ng habagat at mga bagyo.
Gayunpaman, nang magkaroon ng mas pinal na mga detalye, muling nakipag-ugnayan ang FEUCSO sa mga ISC.
Nagsumite ang organisasyon ng proposal noong ika-29 ng Hulyo para sa akses sa Tatak Tamaraw Facebook page, at pagdating ng ika-31 ng Hulyo ay nagsumite na ang FEUCSO ng mga proposal para sa Tam Challenge, concessionaires, Tatakan Rites, at Welcome Fest kahit wala pang sapat na badyet sa kanilang bangko.
Sa parehas na araw, naipasa rin nila ang mga kinakailangang papeles at naghihintay na lamang na maaprobahan ang mga ito.
Ngunit, pagdating ng unang araw ng Agosto, naabisuhan ang FEUCSO na hindi tinanggap ng nakatataas na opisina ng Pamantasan ang kanilang mga ipinasa na proposal.
Dahil dito, nagdesisyon ang FEUCSO at iba pang mga ISC na ipagpaliban na lamang sa ibang araw ang mga aktibidad dahil sa naging mga pagtutol ng Administrasyon.
Iginiit ng FEUCSO na sa kabila ng kanilang mga paghahanda para sa Tatak Tamaraw at pagkilala sa burukrasya ay kailangan ng mas mabilis at mabisang sistema upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante.
“We moved, planned, coordinated, and we kept going… But the truth is: we cannot move freely in a space that keeps us from making things happen. These systems must also be adaptive and responsive to the needs of time (Tinuloy namin ang pagpaplano pero ang totoo, hindi namin kayang gumalaw nang malaya sa espasyong nililimitahan kami. Dapat umaangkop at tumutugon sa mga pangangailangan ng panahon ang mga sistemang ito),” paliwanag ng sentral na organisasyon.
Kaya naman, nanawagan ang FEUCSO para sa pagbabago tungo sa isang sistemang kayang makipagtulungan sa mga estudyante at hindi laban sa kanila.
“For faster and clearer approval processes. For timely fund releases. For access to platforms that support student engagement. For open and proactive communication between the administration and student leaders. For a system that works with the students, not against them (Para sa mas mabilis at mas malinaw na proseso ng pag-aproba. Para sa napapanahong paglabas ng pondo. Para sa akses sa mga plataporma na sumusuporta sa pakikipag-ugnayan ng mag-aaral. Para sa bukas at aktibong komunikasyon sa pagitan ng administrasyon at lider-estudyante. Para sa sistema na gumagana para sa, sa halip na laban sa, mga estudyante),” sabi ng FEUCSO sa parehong pahayag.
Binigyang-diin din ng FEUCSO ang responsibilidad ng Administrasyon na panagutan ang pagbibigay ng mas maka-estudyanteng mga sistema.
“You deserve a Tatak Tamaraw that is more than just a tradition. But one that lives up to its name, and to you. We hold the administration accountable to provide student-centered systems (Nararapat sa inyo ang isang Tatak Tamaraw na hindi lamang isang tradisyon, kun’di kayang isabuhay ang kaniyang pangalan, at para sa iyo. Dapat na panagutan ng administrasyon ang pagbibigay ng mas maka-estudyanteng sistema),” saad ng organisasyon.
Tugon ng Admin
Samantala, bagama’t inamin na nagkaroon sila ng pagkukulang sa pag-implementa ng Tatak Tamaraw 2025, pinabulaanan ng OSI ang ilang bahagi ng pahayag ng FEUCSO.
Sa panayam ng FEU Advocate kay OSI Coordinator Kristine Cerenado, iginiit niya na mabilis na naaprobahan ang proposal ng FEUCSO noong unang araw ng Agosto, isang araw lamang ang nakalipas nang ihain ito.
“It's not because of late approvals. As you can see in the timeline, they submitted on July 31. It was approved on August 1…. We approved proposals within the day (Hindi ito dahil sa mabagal na pag-aproba. Batay sa talaan ng pangyayari, nagsumite sila noong ika-31 ng Hulyo. Inaprobahan namin iyon matapos ang isang araw lamang noong unang araw ng Agosto),” aniya.
Ayon kay Cerenado, totoong nagkaroon ng pagkaantala sa lead time ng preparasyon, ngunit hindi ang mabagal na proseso ng pag-aproba ang sanhi nito.
Sa halip, dahil ito sa mga naging pagbabago sa Administrasyon noong Hunyo, lalo na’t kasisimula pa lamang nila sa opisina sa naturang buwan.
Nakadagdag din sa pagkaantala ang paghahanda para sa mga naunang malalaking okasyon tulad ng Send-Off 2025 at Commencement Exercises, pati na rin ang isang linggong pagsuspinde sa klase at opisina dahil sa habagat.
Bunsod nito, isang linggo lang ang natira sa kanila para sa preparasyon.
“Offices have lead time. It's on our part. We're very apologetic that we couldn't follow the lead time because of the cancellation of the classes. We don't have office during that time. It was canceled, ‘yung mga office work, class work. And then again, the graduation… So, hindi siya late approval (May nakatakdang oras ang mga opisina at pananagutan namin iyon. Humihingi kami ng paumanhin na hindi namin ito nasunod dahil sa pagkansela ng mga klase at trabaho sa opisina, pati na rin ang naganap na graduation. Hindi nahuli ang pag-aproba),” dagdag ni Cerenado.
Bukod dito, ipinunto ng OSI coordinator na nahuli mismo ang FEUCSO sa pagpasa ng proposal na aniya’y maaaring dulot ng paghihintay nila sa kompirmasyon ng mga imbitadong magtatanghal.
Wala rin daw naging problema sa badyet ng plenary sessions dahil pondo ng mga ISC ang ginamit dito.
Ang mga pondo lang para sa Tam Challenge, Tatakan Rites, at Welcome Fest Concert ang naapektuhan ng naantalang lead time. Wala ring problema sa halaga dahil sadyang nasa proseso pa lamang ito.
“Nasa process pa lang siya ng approval. So, hindi siya disapproved because may concern sa money… The admin didn't say that they will not approve it. Sabi lang nila moving forward, the leading time should be followed (Nasa proseso pa lamang siya ng pag-aproba. Walang problema sa pera. Walang sinabi ang administrasyon na hindi nila ito aaprobahan. Ang sabi lang nila, dapat masunod ang itinakdang oras sa susunod),” sambit ni Cerenado.
Pagdating naman sa hinihiling ng FEUCSO na akses sa Tatak Tamaraw Facebook page, ipinaliwanag niya na walang kontrol ang opisina rito at sa halip ay nasa ilalim ito ng FEU Marketing and Communication Office.
Nabigyan naman daw ng akses ang OSI at ang presidente ng FEUCSO sa plataporma kalaunan.
“I don't know if it's Saturday or Sunday… nagkaroon na ako ng access sa Tatak Tamaraw at saka si FEUCSO President. Do’n kami tinap na magkaroon ng account… I believe, ‘yun ang sinasabi nila na platform access. Pero we don't decide who has access to which account (Nabigyan na ako at ang presidente ng FEUCSO ng akses sa Tatak Tamaraw noong Sabado o Linggo. Doon nila kami sinabihan para magkaroon ng account. Sa palagay ko, ayun ang sinasabi nila na platform access. Pero hindi kami ang nagdedesisyon kung sino ang makahahawak sa mga account),” ani ni Cerenado.
Mutual na desisyong baguhin ang petsa
Binigyang-diin din ng OSI coordinator ang kagustuhan ng opisina na ipagpatuloy ang orihinal na iskedyul ng Tatak Tamaraw dahil nakalatag na ang lahat ng mga kailangan tulad ng logistics at sinabi mismo ng mga lider-estudyante na handa sila para rito.
“I can assure you that… we wanted to push it through because they [student-leaders] assured us na kaya nila (Sinisigurado namin sa inyo na gusto naming ipagpatuloy ang pagdiriwang dahil sinabi nila sa amin na kaya nila). And, ‘yun lang naman actually ‘yung gusto namin marinig, na kaya niyo. Kasi kung hindi niyo kaya, hindi namin kayo pipilitin,” aniya.
Salaysay ni Cerenado, nang mapagsabihan ang OSI ng mga kinauukulang opisina dahil sa hindi nasunod na lead time, nabahala sila kung may kapasidad ba talaga ang mga lider-estudyante na ipagpatuloy ang orihinal na plano.
Kinumpirma ng mga estudyante ang kahandaan at kagustuhan nilang magpatuloy sa isang online meeting kasama ang lahat ng executive board ng FEUCSO at mga ISC noong ikatlo ng Agosto.
Sa kalagitnaan ng pagpupulong, nagdesisyong mag-usap sa hiwalay na breakout room sina Cerenado, OSI Director Jhonalyn Concha, at Student Development & Continuing Education Vice President Joeven Castro, kung saan tinalakay nila ang mga alalahanin tungkol sa naantalang anunsiyo ng Tatak Tamaraw at pagiging handa ng mga lider-estudyante.
Ani Cerenado, nang makabalik sila sa meeting, nagbago ang isip ng mga lider-estudyante at napagdesisyonang ilipat na lamang ang petsa ng selebrasyon.
“I don't really know what happened in the meeting, in their side of the meeting… But when we got back, sabi nila they cannot na. So, they want to move na to Wednesday to Friday [ikaanim hanggang ikawalo ng Agosto]. So, that's why we were also a little shaken do’n sa [statement] nila because it wasn't included there na it was them who decided to move (Hindi ko alam kung anong nangyari sa pagpupulong pero noong bumalik kami, sinabi nila na hindi na nila kaya. Gusto nilang ilipat sa Miyerkules hanggang Biyernes. Nagulat kami sa kanilang pahayag sa Facebook dahil hindi nasabi na sila mismo ang nagdesisyon na baguhin ang petsa),” saad niya.
Isa umano sa mga sinabing rason ng FEUCSO at ng mga ISC sa likod ng bagong desisyon ang pag-aalala nila sa negatibong reaksiyon ng mga freshman dahil sa natagalang anunsiyo.
Dagdag pa ni Cerenado, tinanong niya muli ang mga ISC kung sang-ayon sila na ilipat sa ibang petsa ang plenary at orientation sessions sa kabila ng mga pangamba sa logistics, na kinumpirma naman ng mga ito.
“We explained it to everyone na we have concerns on our part, we have lackings on our part. Pero also, where's the accountability that late sila nag-submit? And then, sila talaga ‘yung nag-decide na mag-move (Ipinaliwanag namin sa lahat na may mga inaalala at pagkukulang kami. Pero nasaan ang kanilang pananagutan sa kanilang naantalang pagsumite? At saka, sila mismo ang nagdesisyong baguhin ang petsa),” tanong niya.
Kasalukuyang paghahanda
Ayon sa OSI coordinator, plantsado na ang mga kailangan para sa Tatak Tamaraw, kasama na ang badyet.
Bukod dito, nakipag-usap at humingi na raw ng tawad ang mga lider-estudyante sa OSI at nakipagkasundong magkaroon ng mas maayos na komunikasyon sa isa’t isa sa susunod.
Bilang kompensasyon para sa mga apektadong freshman, nagkaroon ng mga pocket program na binansagang ‘Tatak Treats’ sa unang linggo ng klase tulad ng libreng sorbetes at film showing, habang may mga aktibidad din na nakaplano para sa susunod na linggo.
Para kay Cerenado, mahalaga ito upang makabawi sa mga bagong estudyante, lalo na’t negatibo ang naging bungad sa kanila ng pagpasok sa Unibersidad.
“Parang hindi maganda na ‘yun agad ‘yung nakita nila, ‘yung bungad sa kanila… At least, spare them. Let them enjoy the plenaries. Let them enjoy the first month in FEU before you include them in these issues (Hayaan niyo muna silang maging masaya sa unang buwan nila sa FEU bago idawit sa ganitong mga problema),” aniya.
Sinubukang hingin ng FEU Advocate ang panig ng FEUCSO bukod pa sa kanilang inilabas na pahayag ngunit wala pang nakukuhang sagot hanggang sa kasalukuyan.
Ang Tatak Tamaraw ay isang taunang programa para sa mga bagong mag-aaral upang salubungin ang kanilang pagdating sa Pamantasan.
(Kuha ni Shane Claudine Rodulfo/FEU Advocate)