FEU Booters, nakamit ang unang semis finish ng PH sa ASEAN U-23 Championship

FEU Advocate
August 11, 2025 21:23


Ni Aine Peralta

Mula nang itatag ang torneo noong 2005, nagtala ng makasaysayang semifinal finish ang Far Eastern University (FEU) Tamaraw Booters kasama ang Philippine Men’s National Football Team (PMNFT) sa 2025 ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Under-23 (U-23) Championship Mandiri Cup noong ika-28 ng Hulyo sa Gelora Bung Karno Stadium sa Jakarta, Indonesia.

Kabilang sa lineup ang mga manlalaro ng FEU na sina Karl Absalon, Theo Libarnes, Bryan Villanueva, at Edgar Aban Jr. na ipinamalas ang kanilang galing sa rehiyong Timog-Silangang Asya.

Tinapos ng Pilipinas ang group stage nang may 2-1 na win-loss record matapos manalo kontra Malaysia at Brunei at matalo laban sa Indonesia, para makuha ang ikalawang puwesto sa Group A at makapasok sa semifinals.

Nagtapos ang kampanya ng PMNFT sa ikaapat na puwesto matapos mabigo kontra Vietnam sa semifinals, 1-2, at muling natalo sa laban para sa ikatlong puwesto kontra Thailand, 1-3. 

Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-halaga ni Libarnes ang oportunidad at sakripisyong kaakibat ng kaniyang paglahok sa national team.

“Napakalaking opportunity po na ma-represent ang country natin at sobrang grateful po kasi nga lahat ng pagod at sakripisyo ko po nagbunga,” wika ng Morayta-based booter.

Para naman kay Villanueva, isang pribilehiyo at bunga ng disiplina at determinasyon ang kaniyang pagsali sa national team.

It means a lot to me because it’s not easy to be part of the lineup. I did a lot of extra hard work, had no time to rest, and I kept praying every day (Malaking bagay ito para sa akin dahil hindi madali maging bahagi ng lineup. Nagsumikap ako nang sobra, nawalan ako ng oras upang magpahinga, at patuloy akong nagdarasal araw-araw),” saad ng homegrown standout ng FEU.

Inilahad din ng beteranong manlalaro na si Absalon ang kahandaan niyang makapaglaro sa internasyonal na entablado. Sa mga sandaling ipinapasok siya sa field, dala niya ang matinding pokus at intensiyong makatulong sa koponan.

I’m always ready to play, even if sub (Palagi akong handang maglaro, kahit pamalit lamang) kasi po ibang level na po talaga if international game po. Kaya kung ipapasok man ako, ready ako as always,” ani Absalon.

Ibinahagi rin ng apat na FEU Tamaraw Booters ang tuwa at karangalang maging bahagi ng henerasyong nagtala ng kauna-unahang fourth-place finish ng Pilipinas sa U-23 Mandiri Cup, isang tagumpay na ambag sa patuloy na pag-angat ng football sa bansa.

Bagama’t hindi nakapag-uwi ng medalya, nagsilbing mahalagang kabanata sa kasaysayan ng Philippine football ang kanilang kampanya sa torneo—isang hakbang patungo sa mas matinding kompetisyon at mas malawak na pagkilala sa laro.

Inorganisa ng ASEAN Football Federation ang ASEAN U-23 Mandiri Cup 2025 na ikalimang edisyon ng biennial tournament para sa men’s U-23 teams ng Timog-Silangang Asya. 


(Mga litrato mula sa Philippine Football Federation)