Desaparecidos sa nagdaang rehimen: Mga aninong hindi matitinag sa paglimot

FEU Advocate
September 01, 2025 21:07


Nina Franzine Aaliyah Hicana at Kasharelle Javier

Pabago-bago man ang mukha ng pamahalaan, nakaugat pa rin ang malagim na pasismo ng nagdaang rehimeng pilit na pinatatahimik ang mga lumalaban. Ngunit sa kabila ng pagtatangka ng estado na ibaon sa limot ang mga biktima, patuloy na umaalingawngaw ang boses ng mga naiwan, nagpapaalala na hindi dapat kalimutan ang pilit na kinalilimutan.

Matagal nang pasan ng Pilipinas ang bigat ng kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao, mula pa sa rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang pamumuno ng kaniyang anak na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. 

Sa bawat kasong naitatala ng mga desaparecido o mga biktimang biglang nawala at hindi na muling nakikita sa Pilipinas, lumilitaw ang usapin kung ano ang itinuturing na ‘enforced disappearance.

Sa ilalim ng 2006 UN International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance, tumutukoy ang enforced disappearance sa sapilitang pagkawala ng isang tao sa kamay ng estado o ng mga taong may pahintulot ng estado, kasunod ng tahasang pagtanggi o pagtatago sa kinaroroonan ng biktima. 

Dahil dito, hindi natatapos sa mismong pagdukot ang krimen—patuloy itong nagaganap hangga’t walang malinaw na sagot sa sinapit at kasalukuyang kalagayan ng biktima. 

Higit na pinatitibay sa Pilipinas ang depinisyon ng enforced disappearance sa pamamagitan ng Republic Act 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, ang kauna-unahang batas sa Asya na tuwirang ipinagbabawal at pinaparusahan ang lahat ng anyo ng sapilitang pagkawala. 

Iba ito sa kidnapping, na madalas na pansamantala at may motibong pinansiyal, at sa extrajudicial killing, na agarang pagkitil ng buhay nang walang prosesong legal. 

Natatangi ang enforced disappearance dahil doble ang sugat na iniiwan nito—hindi lang buhay ang nawawala, kung hindi pati ang katotohanan na pilit na ikinukubli.

Para sa mga nawala

Sa mga lansangan at simbahan, muling binubuhay ng mga pamilya ang alaala ng kanilang mga mahal sa buhay na sapilitang iwinala.

Sa bawat kandilang sinisindihan at bulaklak na iniaalay, hindi lamang pag-alaala ang ipinahahayag kung hindi pati na rin ang panawagan para sa hustisya at katotohanan.

Isa sa kanila si Nanay Linda Cadapan, na mahigit isang dekada nang hinahanap ang kaniyang anak na dinukot noong 2006. Sa tuwing sasapit ang Pandaigdigang Araw ng mga Biktima ng Sapilitang Pagkawala sa ika-30 ng Agosto, bitbit niya ang larawan ng anak at ang parehong tanong na hindi pa rin nasasagot: nasaan na siya? 

Hindi natatapos sa isang araw ang kanilang paghahanap. Sa araw-araw na pagbangon, pasan ng mga pamilya ang bigat ng kawalan ng katiyakan.

Bumubuo sila ng mga samahan, dumadalo sa protesta, at nakikibaka sa korte upang hindi manahimik ang kaso ng kanilang mga mahal. Sa bawat pagtitipon, nagsasama-sama ang kanilang tinig sa nagsasabing hindi sila titigil hangga't hindi nakukuha ang kasagutan.

Sa halip na sementeryo, mga pagtitipon ng panawagan ang kanilang sinasalihan. Sa halip na lapida, hustisya ang pilit nilang kinakapitan. Ganito rin ang salaysay ni JL Burgos, kapatid ni Jonas Burgos na dinukot noong 2007.

“No marker… no name carved in stone, yet we remember those who have disappeared. They will forever live in our defiance (Walang pananda... walang pangalan na inukit sa bato, ngunit patuloy nating inaalala ang mga nawala. Mananatili silang buhay sa ating pagtutol),” aniya sa isang Facebook page para sa kaniyang kapatid noong nakaraang taon.

Para sa kanila, ang bawat kandila ay simbolo ng pagtutol, at ang bawat bulaklak ay alaala na hindi pa tapos na kuwento.

Adbokasiya at pagtutol 

Sa likod ng bawat larawan ng nawawala, may mga pamilyang patuloy na humihingi ng kasagutan—at kasama nila ang mga organisasyong matagal nang nakikibaka laban sa kulturang nililibing ang katotohanan. 

Sa Pilipinas, nagsisilbing pangunahing tinig ang mga grupo tulad ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD), KARAPATAN, at mga pandaigdigang organisasyon gaya ng Amnesty International.

Itinatag noong 1985, isa ang FIND sa mga pinakaunang organisasyong nagtipon ng mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. 

Layunin nitong magtala at magsaad ng mga kaso, magbigay-suporta sa mga pamilyang naiwan, at magsulong ng hustisya sa pamamagitan ng mga kampanya at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor. 

Nagpapatunay ang kanilang presensiya na hindi lamang laban ng mga biktima ang laban ng pagkawala, kung hindi buong komunidad na naghahangad ng katarungan. 

Samantala, itinatag naman ang AFAD noong 1998 sa Maynila at binubuo ng iba’t ibang mga human rights organization sa Asya na direktang kumikilos laban sa kaso ng mga desaparecido

Iginiit ng AFAD na ang sapilitang pagkawala ng mga biktima ay hindi simpleng pagkawala kung hindi isang tahasang paglapastangan sa batayang karapatang pantao. Sa pamamagitan ng kanilang mga kampanya at pakikipag-ugnayan, patuloy nilang pinatitibay ang panawagan para sa isang mundong walang desaparecido.

Samantala, matagal nang nakatuon ang KARAPATAN, isang pambansang alyansa ng mga organisasyong pangkarapatang pantao, sa dokumentasyon ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao—mula sa mga extrajudicial killing, red-tagging, hanggang sa mga enforced disappearance

Ayon sa kanila, patunay ang mga kasong ito na hindi epektibong naipatutupad ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012.

Higit pa rito, mahalaga ang papel ng Amnesty International at iba pang pandaigdigang grupo sa pagpapalakas ng panawagan. Sa pamamagitan ng mga kumokondenang pahayag, pinipilit nilang panagutin ang pamahalaan at hadlangan ang pagtatangkang itago ang mga kaso.

Naglabas ang Amnesty ng mga pahayag na mariing tinututulan ang patuloy na pagkawala ng mga aktibista. Hinikayat nito ang pamahalaan na magsagawa ng masusing imbestigasyon at panagutin ang mga responsable sa mga insidente ng sapilitang pagkawala.

Desaparecidos sa nagdaang rehimen

Batay sa datos mula sa FIND, hindi bababa sa bilang na 2,586 ang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala simula noong panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyang administrasyon.

Ang salitang desaparecido ay nagsimulang lumitaw sa malagim na termino ng dating diktador na si Marcos Sr. Ayon sa ulat ng FIND, umabot agad sa 1,032 ang mga naitalang mga desaparecido noong panahon pa lamang ng Batas Militar.

Kabilang dito ang Southern Tagalog 10, isang grupo ng sampung aktibista na binubuo ng mga propesor at estudyante na dinukot sa Makati noong Hulyo 1977 habang papunta sa isang pagpupulong. 

Sa mga sumunod na buwan, tatlo sa kanila ang muling lumitaw, na wala nang buhay at pinaniniwalaang pinaslang ng mga ahente ng estado.

Isa ang kaso ng Southern Tagalog 10 sa mga naging mukha ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr., isang malagim na bunga ng pamamasismo na kalaunan ay dinanas din ng libo-libong biktima na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan. 

Matapos ang 21 na madugong taon ng Batas Militar, patuloy na nadagdagan ang mga kaso ng biktima ng enforced disappearance sa ilalim ng administrasyon ni Corazon Aquino.

Kabilang sa 821 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng termino ni Aquino ang mga peasant organizer na sina Honor Ayroso at Johnny Orcino na dinukot noong Marso 1989. 

Kasama si Ayroso at ang iba pang aktibista sa Mandaluyong na tinortyur sa isang military safehouse. Lumitaw siya matapos ang isang linggo at kinasuhan ng ilegal na pag-aari ng armas at sedisyon.

Sumunod ang isang taon, noong 1990, dinukot naman si Orcino kasama ang kaniyang asawa sa kanilang bahay sa Muñoz, Nueva Ecija ngunit lumitaw sila makalipas ang isang linggo kung saan kinasuhan sila ng subersiyon, at nakalaya lamang matapos ang ilang buwang pagkakakakulong.

Habang pinili ng karamihan sa kanilang kasama na maglakad pabalik sa landas ng ordinaryong buhay, pinili ni Ayroso na ipagpatuloy ang pagtatanim ng binhi ng kaniyang adbokasiya para sa mga magsasaka.

Samantala, umabot sa 39 na dokumento ng sapilitang pagkawala ang mga biktima sa administrasyon ni Fidel Ramos, habang 26 naman ang naisumite noong termino ni Joseph Estrada.

Noong panahon ni Aquino unang dinukot ng militar, tinortyur, at kinulong ang Orcino at Ayroso ngunit napawalang-sala. Ngunit nang maging presidente si Gloria Arroyo, muling dinukot ang dalawa noong Pebrero 9, 2002 sa San Jose City, Nueva Ecija, at hindi na muling nasilayan hanggang ngayon.

Isa rin sa mga biktima ng sapilitang pagkawala si Jonas Burgos, isang magsasaka at aktibista dinukot noong ika-28 ng Abril 2007 habang kumakain sa isang restawran sa Lungsod Quezon. Kabilang siya sa 206 na naitalang biktima sa ilalim ni Arroyo.

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, dinakip siya ng mga armadong lalaki matapos magsagawa ng pagsasanay para sa mga miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

Sa ilalim naman ni Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, siyam ang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala, kabilang si Bryan Epa, isang aktibistang kontra-mina at miyembro ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamayan ng Pilipinas partylist na dinukot noong Agosto 2013 sa Dumlao Boulevard, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Simula noon, hindi na muling nasilayan si Epa matapos siyang pilitin umanong sumakay sa isang kotse na police patrol. Subalit, itinanggi ng mga awtoridad na nasa kanilang kustodya ang aktibista.

Matapos ang anim na taong pamumuno ni Aquino, humarap naman ang masang Pilipino sa mukha ng pasismo. 

Kaliwa’t kanan ang naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao nang maihalal si Rodrigo Duterte na nagtala ng 20 biktima ng sapilitang pagkawala.

Isang taon bago umalis sa puwesto, nag-iwan si Duterte ng panibagong biktima—si Kemuel Ian Cometa, isang alumnus ng University of the Philippines-Los Baños at dating coordinator ng Kabataan Party-list sa Timog-Katagalugan.

Naitalang nawawala si Cometa matapos umanong masugatan sa isang operasyon ng pulis at militar sa Barangay Macabling, Sta. Rosa, Laguna noong ika-21 ng Mayo, 2021.

Kadalasan, mga aktibista, magsasaka, manggagawa, mamamahayag at mga estudyante ang mga biktima ng enforced disappearances. Ngunit iniulat ng FIND na lumawak ang talaan ng mga biktima sa ilalim ng administrasyong Duterte, kabilang na ang mga mula sa laylayan.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 15 ang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala matapos ang unang tatlong taon ng administrasyon ni Marcos Jr. ayon sa KARAPATAN

Kabilang dito ang environmental activist na si Felix Salaveria Jr. na dinukot sa Barangay Cobo, Tabaco, Albay noong ika-28 ng Agosto, 2024. 

Bagaman nakasaad sa Konstitusyon na isang demokratikong bansa ang Pilipinas, salungat ito sa mataas na bilang ng sapilitang pagkawala, kung saan karamihan sa mga biktima ay ang mga lumalaban sa pananamantala at panunupil ng estado.

Kakaiba ang kalagayan ng mga desaparecido, hindi tulad ng mga yumao na may katawang iniaalay sa huling hantungan. Sapagkat sila ay naiwan sa kawalang-hanggan—walang puntod na mapagluksaan at mapagpahingahan. Isa-isa silang nawala sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay, at sa halip na sagutin ng katahimikan, mas umalingawngaw pa ang tinig ng mga naiwan, naghahanap ng kasagutan, hustisya, at paniningil sa mga may sala.

(Litrato mula sa Karapatan Facebook page)