Dehadong mamamayan sa girian ng mga makapangyarihan

FEU Advocate
October 11, 2024 19:40


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Nakatingalang mga langgam kung maituturing ang masang Pilipino habang sinasalo ang pira-pirasong mga naratibo mula sa bangayan ng dating alyansang Marcos at Duterte. Kasabay ng palitan ng mga patutsada ng magkabilang panig, iniipon naman ng masa ang iba’t ibang kuwento at mga kakarampot na ‘ayuda’ na minamanipula sila upang isuko ang kanilang makapangyarihang boto.

Sa tayog ng usaping politika, napag-iiwanan at hindi nabibigyang-pansin ang mga isyung nararanasan ng masa — binabalot ito ng makasariling hidwaan na walang pangkahalatang kapakinabangan.

Mula sa ‘pagkakaisa’ tungo sa sirang alyansa

Inukit ng mahigit 31 milyong boto ang pagkapanalo ng alyansang Marcos at Duterte noong nakaraang eleksyon. Bitbit ang pangako ng ‘pagkakaisa,’ nakumbinsi nila ang masa na iluklok sila sa posisyon.

Subalit, mapapansin ang patong-patong na usapin ukol sa girian ng dating alyansang “tigre” at “agila,” o mas kilala bilang UniTeam. Ngunit, sa serye ngayon ng batikos at siraan ng magkabilang panig, hindi na ito bago sa bansa — ito ay nangyayari na noon pa.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Francisco Riodique III, isang guro mula sa Far Eastern University (FEU) ng Departamento ng Agham Pampolitika, ipinaliwanag niya ang konsepto ng historical institutionalism. Ipinararating ng konseptong ito na ang kasaysayan ng isang bansa ay may kinalaman sa istruktura ng politika nito.

“Kung baga ‘yung nangyayari ngayon ay hindi naman talaga lubusang nakakagulat dahil maraming beses na itong nangyari. Mula pa noon, maraming beses na talaga,” dagdag ng guro.

Noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, tumiwalag sa gabinete ang dating Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga akusasyong hinaharap ni Estrada kaugnay ng pagtanggap ng suhol at korapsyon. 

Naulit muli ito sa mga panahon nina Arroyo, dating presidente Benigno Aquino III, at dating pangulong Rodrigo Duterte — pare-parehong nagkalamat ang relasyon nila sa kanilang mga bise presidente na nauwi sa hindi magandang ugnayan. 

Ngayon, nangyari muli ang kapalarang naisulat na noon sa ating kasaysayan. Kaliwa’t kanang mga pasaring at sagutan sa isa’t isa na sa katotohanan ay hindi naman talaga nakatutulong sa masa. 

Isinalaysay rin ni Riodique na ayon sa librong ‘The Anarchy of Families’ ni political scientist Alfred McCoy — ang politika sa Pilipinas ay maihahalintulad sa kaguluhan ng mga makapangyarihang pamilya sa bansa. Sa madaling salita, ang politika ng Pilipinas ay nasa ilalim ng elitistang pamamalakad — isang oligarkiya.  

Ipinaliwanag niya na sa politika ng Pilipinas, ang mga politikong nasa mababang kapulungan ng kongreso ay nagbibigay suporta sa pangulo.

“So, makikita mo talaga ‘yung change ng alliance. Kitang-kita mo, these very same congressmen were, you know, the super majority in the lower house during the time of Duterte presidency sila na ‘yung kalaban ngayon ni Vice President Sara Duterte,” ayon sa propesor ng Agham Pampolitika.

Ngayon, mapapansin ang mga nagsusulputang kuwento at balitang naglalarawan ng kasalukuyang relasyon ng dating alyansang Marcos at Duterte. 

Kamakailan lang, nilusob ng kapulisan ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound upang arestuhin ang kilalang tagasuporta ng mga Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy. Humingi ng kapatawaran ang Bise Presidente sa mga deboto, miyembro, at bumubuo ng KOJC sa paghikayat sa kanila upang iboto si Bongbong Marcos Jr. noong 2022.

Bukod pa riyan, ipinaliwanag ni Duterte sa isang panayam ang kasalukuyang relasyon at sitwasyon ng ugnayan nila ng Pangulo. Turan niya, hindi na sila nag-uusap at hindi sila magkaibigan nito. 

“Nagkausap lang kami during campaign at saka sa trabaho noon. Ang kaibigan ko talaga si Senator Imee Marcos, kilala niya ako since 2012,” paglilinaw ng Bise.

Makikita rin ngayon kung paanong hindi pinagbigyan ng mga kongresista ang hinihiling na badyet ng Bise Presidente. Mula sa dalawang bilyong piso, ibinababa ito ng Committee on Appropriations sa 733.198 milyong piso. 

Sa panayam naman ng FEU Advocate kay Jourvy Gavino, isang aktibista at mag-aaral mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), ang hidwaang Marcos-Duterte ay isang malinaw na pagsisilbi at pagpapanguna ng interes ng kanilang uring pinanggalingan. 

“Natural na mapanghati at makasarili ang kanilang uring pinanggagalingan kung kaya’t hindi na kagulat-gulat na sa panahon ng malalang krisis sa politika, wala silang ibang ipapanguna kundi mapanatili ang kanilang kapangyarihan kahit pa ang katumbas nito ay ang pagtataksil sa kapwa nila naghaharing-uri,” sambit niya.

Ayon naman sa panayam ng FEU Advocate kay Alecx Ymson, isang mag-aaral mula sa FEU at tagapangulo ng Far Eastern University - Anakbayan, pinatutunayan lamang ng bawat panig na makasarili ang interes nila. 

“Kung titingnan natin yung mga taktiko nila ngayon, ginagamit nila ang hidwaan upang pabanguhin ang sariling imahe at takpan ang korapsyon nila. Halimbawa, ginamit ang pagkakulong ni Alice Guo at Quiboloy para mawala ang atensyon ng media sa Office of the President budget deliberation, kung saan hindi na binutbot dahil binigyan sila ng parliamentary courtesy,” ani Ymson.

Hindi rin naiiba ang opinyon ni Justine Keswani na isa ring mag-aaral at aktibista mula sa Pamantasan.

“Ipinapahiwatig lamang ng girian ng mga Marcos at Duterte na ang kanilang pamumuno ay hindi nagsisilbi para sa pangkabuuang interes ng mamamayan bagkus ay para sa mga pansarili nilang interes lamang,” aniya. 

Kaya bali-baliktarin man ang mundo, walang mahihita ang masa sa makasariling hidwaang ito. Habang sila ay nagbabangayan, patuloy na nagdarahop ang mga Pilipino sa kahirapan at kagutuman.

Maliwanag din na sa pagpapatuloy ng ganitong klaseng sistema, malabong tunay na maipaglaban ang interes at layuning ikabubuti ng masa. 

Masang napag-iiwanan sa pagitan ng mga hidwaan

Habang nagpapalitan ng mga negatibong salita ang dating ‘magkaibigan,’ kasabay nito ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan ng trabaho, at iba pang mga isyu na talagang nagpahihirap sa buhay ng masang Pilipino. 

“Medyo masakit eh, na wala tayong masyadong kinalaman sa politika ng Pilipinas — na ang politika ng Pilipinas ay very elitist, kaya nga Anarchy of Families,” diin ni Riodique. 

Isinalaysay ng guro na panahon pa lang ng mga Kastilang mananakop, ang mga ordinaryong Pilipino ay malayo na talaga at walang kinalaman sa politika ng bansa.

“Kung baga parang wala naman talaga silang kinalaman kung paano sila pamamahalaan, they’re always at the receiving end,” sambit ng propesor.

Kaya kung hahanapin kung nasaan ang tunay na demokrasya at ang totoong partisipasyon ng masa sa politika, para sa propesor, ito ay nawawala — sa madaling salita, hindi nakikita. 

Ayon kay Riodique, karamihan sa mga Pilipino ay malayo sa mga demokratikong institusyon ng bansa kabilang ang pamamahala ng batas. Ipinaliwanag niya na ang mga usapin tulad ng demokrasya, rule of law, institusyon, ay malayo sa buhay ng ordinaryong mamamayan. 

“Malayo, in the sense na hindi nila lubusang nakikita ‘yan,” ayon sa propesor. 

Katulad na lamang ng paghuli kina Quiboloy at Guo, totoo na mayroon silang pananagutan sa bayan at dapat patunayan sa mata ng batas. Ngunit para sa guro, wala ito masyadong epekto sa buhay ng masang Pilipino. 

Ayon naman kay Gavino, isang kapalpakan ang ipinapakita ng Marcos-Duterte.

“Walang ibang dapat tawagin sa pinapakita ng Marcos-Duterte kundi kapalpakan at kawalan ng kahihiyan dahil habang sila’y busy sa kanilang smear campaign [laban] sa isa’t-isa, libo-libong mamamayan ang naghihirap dulot ng kanilang kapabayaan sa serbisyo,” aniya. 

Para naman kay Keswani, matagal nang napabayaan ng gobyerno ang sebisyong dapat natatanggap ng mga tao.

“Patuloy na naghihirap ang sambayanang Pilipino mula sa lumalalang krisis ng mababang pasahod, kawalan ng trabaho, malubhang implasyon, bansot na agrikultura at marami pang iba na sa halip na ito’y solusyunan nakapanguna pa ang hidwaan,” anito.

Hindi rin nalalayo ang pagtingin at saloobin ni Ymson, para sa kaniya hindi makita ang pagbabago ng administrasyong Marcos dahil lamang sa hidwaan nila sa kampo ng mga Duterte. 

“Hindi sila magbabago dahil makasarili lamang ang kanilang interes, kaya naiiwan ang taumbayan sa kahirapan,” aniya. 

Hindi maitatanggi ang pagiging langgam ng mga ordinaryong Pilipino sa sitwasyong ito. Sa klase ng politika ng bansa, ang masa ay nagmimistulang tagatanggap lang ng mga pira-pirasong imbentong kuwento at suhol mula sa mga makapangyarihang politiko. 

Positibo o negatibo man ang mga naratibo, hindi naman nila mararanasan ang komportableng pamumuhay na tinatamasa ng mga elitistang namamahala sa bansa. Tunay na sa sistemang bulok, nakakulong tayo at paikot-ikot lang ang sambayanang Pilipino.

Munting liwanag tungo sa kaayusan

Sa sistemang paulit-ulit at tila walang lulusutan, may maliit na liwanag mula sa butas ng ating realidad na maaaring magdala sa atin tungo sa ating kaayusan. 

Para kay Riodique, isa ang institutional reforms sa mga pamamaraan upang makaalis ang masang Pilipino sa ganitong sistema.

Ayon sa propesor, mahalagang ipagbawal ng bansa ang party switching sa halip ay palakasin ang mga partido sa bansa.

“Papalit-palit ng partido ‘yung mga politiko, kaya ang nangyayari ‘yung political parties ng Pilipinas ay mahina kasi nakadepende sa interes ng mga politiko, nakadepende sa popularity ng mga leading politicians, at sumasabay lang ‘yung mga ibang politiko roon,” paglilinaw niya.

Ayon din dito, ang partido ay nagiging pamamaraan lamang para makapagbahagi ng patronage, kagaya ng pera.

“Pero kung palalakasin natin ang political parties natin, mababaling ang atensyon sa mga tao papunta sa adyenda ng mga political parties, kasi hindi ka makalipat,” dagdag nito.

Sambit ni Riodique, salungat ito sa nangyayari ngayon, na ang mga partido ay ginagamit lang para bumuo ng mga alyansa pero wala naman talagang pinaglalaban na adyenda. 

Pangalawa, iminungkahi niya na tanggalin ang political dynasties. Ayon sa Saligang Batas, dapat naman talagang ipagbawal ang mga dinastiya sa bansa. 

Dagdag nito, napakahalaga rin ng political education. Ayon sa propesor, mahalaga na ibalik ang pagtuturo sa mga eskwelahan ng basic Philippine Politics. Para sa kaniya, dapat lumabas din ang mga tao mula sa iba’t ibang unibersidad at magturo sa masa.

Mungkahi naman ng mga aktibista at mag-aaral na sina Gavino, Ymson, at Keswani sa masang Pilipino ang patuloy na pakikibaka at pagtindig sa karapatang pantao. 

“Malalim ang kasaysayan ng pakikibaka ng masang Pilipino, kaya patunayin natin sa mundo na malaki ang madudulot ng ating pakikiisa at kolektibong pakikibaka!” ani Ymson.

Patuloy na kikilos ang masang Pilipino upang maitaguyod ang kanilang mga sarili sa kabila ng kasalukuyang sistema ng bansa. Kasabay nito, nararapat din na magpatuloy ang pakikibaka laban sa party switching at mga dinastiya. 

Kinakailangan ng matinding pasensya upang makamit ang ninanais na pagbabago. Ngunit sa pinagsama-samang pagkilos, pagmamalasakit, paninindigan sa tama, at tunay na pagkakaisa — hindi tulad sa UniTeam, makakamtan din ng masa ang kalayaan at kasaganaang hindi lang eksklusibo sa mga elitistang pamilya.

(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)